Editoryal

Representasyon para kanino?


Umabot sa 270 partylist ang nagsumite ng kanilang certificate of nomination and acceptance (CONA) sa Commission on Election (Comelec) sa nagdaang filing of candidacy nitong Oktubre 1 hanggang 8. Sa kasalukuyang ika-18 Kongreso, mayroong 61 kinatawan ang 47 partylist sa Mababang Kapulungan mula sa 134 na partylist na tumakbo sa halalan noong 2019. Maraming sa […]

Umabot sa 270 partylist ang nagsumite ng kanilang certificate of nomination and acceptance (CONA) sa Commission on Election (Comelec) sa nagdaang filing of candidacy nitong Oktubre 1 hanggang 8.

Sa kasalukuyang ika-18 Kongreso, mayroong 61 kinatawan ang 47 partylist sa Mababang Kapulungan mula sa 134 na partylist na tumakbo sa halalan noong 2019.

Maraming sa mga grupo ng partylist na nakasungkit ng puwesto sa Kamara ang may kahina-hinalang adbokasiya at kaugnayan sa rehimeng Duterte at naghaharing-uri.

Nilalayon ng sistemang partylist sa Pilipinas, na halaw sa sistema ng paghahalal ng mga kasapi ng lehislatura sa mga bansa sa Europa, na bigyan ng representasyon sa Kongreso ang mga marhinalisadong sektor katulad ng mga magsasaka, manggagawa, maralitang lungsod, kababaihan, katutubo, kabataan, at iba pa.

Sa mahigit dalawang dekada ng sistemang partylist sa bansa, unti-unti itong pinasok ng iba’t ibang grupong hindi nagbibigay ng boses sa mga mahihirap at napabayaang sektor ng lipunan sa loob ng Kongreso kundi nagsusulong ng interes ng mga panginoong maylupa, negosyante at iba pang grupo na taliwas sa batayang layunin ng sistemang partylist.

Pinalala pa ito ng desisyon ng Korte Suprema noong 2013 na nagbibigay pahintulot sa mga grupong hindi nagmula sa mga marhinalisadong sektor na lumahok sa halalan ng mga partylist.

Ibinukas ng desisyong ito ang sistemang partylist sa mas maraming grupo na malinaw na hindi nagmula sa mga marhinalisadong sektor at nagsusulong ng mga panukalang batas at patakarang kontra-mahirap at kontra-mamamayan.

Sa kabila nito, mayroong mga partylist na patuloy sa pagsusulong ng mga makabuluhang reporma para sa mga demokratikong panawagan ng mamamayan.

Isa na dito ang Makabayan Coalition na sa mahabang panahon ay naninindigan para sa karapatan ng mga mahihirap at napabayaang sektor. Humaharap ang mga partylist ng Makabayan sa kabi-kabilang atake sa loob at labas ng Kamara.

Sa 304 na kinatawan sa Kamara, anim lang ang kinatawang mula sa Makabayan. Ngunit makikita sa kanilang track record na sila din ang pinakamasigasig sa pagsusulong ng mga karapatan ng mamamayan at pinaka-kritikal sa mga kontra-mahirap at kontra-mamamayan na panukalang batas.

Nariyan naman ang plano ng National Task Force to End Communist Armed Conflict (NTF-Elcac) na idiskuwalipika ang mga partylist ng Makabayan sa halalan sa 2022. Walang patid din ang red-tagging ng NTF-ELCAC at mga galamay nito sa mga partylist at kinatawan ng Makabayan.

Malinaw na bahagi ito ng malawakang plano na supilin ang boses ng mahihirap at inaapi.

Maliban pa sa mga atakeng ito sa mga progresibo sa loob ng Kamara, kinakailangan na ding repasuhin at amiyendahan ang Party-list System Act upang makamit ng mga batayang sektor ang espasyong laan dapat sa kanila sa loob ng lehislatura, upang maisulong ang mga patakarang naglalayong maiangat at mapabuti ang kalagayan ng mamamayan.

Malinaw rin naman na isang bahagi lang ng pakikibaka ng mamamayan ang tunay na representasyon ng mga marhinalisadong sektor sa loob ng Kongreso. Nasa kamay pa rin ng masang Pilipino ang kapangyarihan para sa makabuluhang pagbabago ng sistema. Sa wastong kinabukasan na ito, makakamtan ang mga karapatang matagal nang ipinagkakait ng estado.