Pambansang Isyu

Adyenda ng progresibo sa eleksiyong 2022

November 5, 2021

Pangunahing adyenda ang pagtalo sa Duterte-Marcos sa halalan. Pero huwag umasa sa agarang makabuluhang pagbabago.

Sa Nobyembre 15 makukumpleto ang pinal na lista ng mga tatakbo sa pagpapresidente sa eleksiyong 2022. Inaasahan na ang ilang substitution o pagpapalit ng mga kandidato – isang butas sa batas na para sana sa mga pangyayaring di inaasahan (tulad ng biglang pagkamatay ng kandidato). Pero, sabi nga, tuso ang mga pulitiko sa Pilipinas. Hangga’t may butas, papasukin.

Gayumpaman, alam na natin kung sino ang mga tatakbo. Sa kampo ng naghaharing rehimen, nagdeklarang tatakbo kuno si Sen. Ronald “Bato” Dela Rosa, dating punong tagapagpatupad ng madugong giyera kontra-droga ni Pangulong Duterte. Nagpahayag din kuno ng pagtakbo si Sen. Christopher “Bong” Go, ang alalay kanang kamay ng Pangulo na nakilala rin sa kanyang “nakaw” na selfie kina US President Trump, Xi Jinping, at iba pa. 

Maituturing na bahagi ng naghaharing rehimen si dating Sen. Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. Alam na nating isa sa pinakamahigpit na alyado ni Duterte ang mga Marcos. Sinuportahan ng huli ang pagtakbo ng dating alkalde ng Davao City; isa sa pinakaunang ginawa ni Duterte sa poder ang pagpayag na ilibing ang labi ng nasirang diktador at ama ni Marcos Jr. na si Ferdinand Marcos sa Libingan ng mga Bayani, sa kabila ng mga protesta ng kabataan noon. Mula sa batas militar sa Marawi hanggang Train Law at iba pang hakbang at polisiya ni Duterte, suportado ng mga Marcos. Hindi maitatanggi ang pagkadikit sa bagang ng pamilya ng diktador at ng kasalukuyang presidenteng asal-diktador.

Noong nakaraang linggo, nabalita ang pagkita-kita ni Davao City Mayor Inday Sara Duterte at Marcos Jr. sa bahay ng konserbatibong gobernador ng Cebu na si Gwendolyn Garcia. Inindorso ni Sara Duterte ang pagtakbo di Marcos Jr. Ilang araw matapos nito, nakipagkita rin si Sara Duterte kay Dela Rosa sa Davao City Hall. Malinaw na may niluluto ang mga ito.

* * *

Sa kabilang banda, nariyan ang hiwa-hiwalay na oposisyon. Nariyan din, ang ilang tatakbong nagsasabing oposisyon sila, pero di natin tiyak. Dating malapit na alyado din ni Duterte, pero kumalas na at naging kritiko nito, ang Pambansang Kamao na kareretiro lang sa boksing, si Sen. Manny Pacquiao. Matapos makudeta sa PDP-Laban ng mga galamay ng Pangulo, pinangunahan niya sa Senado ang pagsisiwalat diumano sa mga anomalya ng rehimeng Duterte sa panahon ng pandemya. Kamakailan, nakita rin si Pacquiao na nagpahayag ng paglaban sa mga Marcos.

Nariyan din, si Manila Mayor Francisco “Isko Moreno” Domagoso. Kandidato ng Aksyon Demokratiko (kapartido niya si Pasig City Mayor Vico Sotto), pinagdudahan ng marami kung talagang oposisyon dahil sa mga sagot niya sa mga panayam matapos magdeklara ng pagtakbo. Isa na rito ang sabi niyang bibigyan ng puwesto sa kanyang administrasyon si Duterte kung mananalo siya. Isa pa ang pagsabi niyang idolo niya si Ferdinand Marcos sa usapin ng “vision” (patungkol ito sa mga napatayo daw ng nasirang diktador – gamit ang bilyun-bilyong dolyar na inutang niya sa labas ng bansa). Nauna na niyang binatikos ang pagtugon sa pandemya ni Duterte. Pero ayon sa mga tao niya, ayaw daw ni Moreno magpatawag na oposisyon.

Kung hindi tayo madaling makumbinsing oposisyon sina Pacquiao at Moreno, lalong may batayang pagdudahan si Sen. Panfilo “Ping” Lacson. May mahabang rekord si Lacson ng paglabag sa mga karapatang pantao (noong junior official siya sa panahon ng martial law, at noong hepe ng pulisya noong mangyari ang rubout sa Kuratong Baleleng gang). Ipinagpatuloy niya ang pagtindig laban sa karapatang pantao, nang maging pangunahing awtor siya ng Anti-Terrorism Act of 2020 – batas na lalong nagpapalawig sa katawagang “terorista” para saklawin kahit ang mga lehitimong kritiko ng gobyerno.

Kailangan ding banggitin ang pagtakbo ng lider-manggagawa na si Leody de Guzman ng Bukluran ng Manggagawang Pilipino (BMP) at Laban ng Masa. Masasabing lehitimong boses ng manggagawa si de Guzman, at kailangang ituring bilang isa sa mga kandidato ng oposisyon. Pero may pagkuwestiyon naman ang iba sa oposisyon sa pagtakbo niya, na anila’y baka makabawas pa sa boto ng kandidato ng oposisyon na pinakamalakas ang tsansang makatalo kay Duterte at Marcos sa halalan.

Lumalabas na si Vice Pres. Leni Robredo ang “pinakamalakas” na kandidato ng oposisyon. Hindi halatang siya ang pinakamalakas. Mababa sa nakaraang mga sarbey si Robredo. Masasabi lang siguro na siya ang pinakamalakas dahil, una, sa totoo lang, sa lahat ng nagpapakilalang oposisyon o kontra-Duterte sa mga kandidato, si Robredo na ang pinaka-konsistent na tumundig laban sa naghaharing rehimen. Bilang Bise-Presidente, napatunayan din niya ang kakayahang magtrabaho at makatulong sa pagtugon sa pandemya sa kabila ng limitadong badyet ng opisina niya. Matapos magdeklara sa pagtakbo noong Oktubre 7, nagkaroon ng malakas na momentum ang kanyang kandidatura, sa social media, salamat sa kulay rosas o pink, at sa labas nito, dahil sa mga karaban na isinagawa ng maraming tagasuporta niya sa iba’t ibang bahagi ng bansa.

* * *

Mga kinatawan ng Koalisyong Makabayan sa protesta sa SONA ni Duterte noong Hulyo 2021.

Para sa mga progresibo, malinaw ang pinakamahalagang adyenda sa eleksiyong 2022: matalo ang tambalang Duterte at Marcos. 

Sa loob ng limang taon ng rehimeng Duterte, napakarami ng dahilan para tutulan ang anim na taon pang panunungkulan ng parehong pangkatin. Simulan na natin, sa mga krimen laban sa sangkatauhan (malawakang pagpatay sa giyera kontra droga at insurhensiya) na iniimbestigahan na ngayon sa International Criminal Court. Nariyan din ang pagtalikod ni Duterte sa mga pangakong libreng pamamahagi ng lupa sa mga magsasaka at pagbasura sa kontraktuwalisasyon. Matindi rin ang kasalanan nitong palpak na pagtugon sa pandemya, gayundin ang sangkaterbang anomalyang kinasasangkutan nito.

Mistulang pasistang paghahari ang pinangunahan ni Duterte, at malupit ang bigwas niya sa mga progresibo at kritiko ng rehimen – dahil wala naman siyang nagawa para sa kapakanan ng karamihang mamamayan, at kahit ang mga pangako niya’y tinalikuran niya.

Sinabi na ni dating kinatawan ng Bayan Muna at kandidato ng blokeng Makabayan sa pagkasenador na si Neri Colmenares na hiling sana nilang mapagkaisa ang oposisyon para sa labanang 2022. Ito ang dahilan kung bakit umalma ang Makabayan sa tila minadaling pagdeklara kay Robredo bilang napiling kandidato ng 1Sambayan kahit di pa nagdedeklara ng kandidatura si Robredo noon. Sa kabila nito, sinabi ni Colmenares na handang makipagkaisa ang Makabayan sa kampo ni Robredo para matiyak ang hangaring matalo ang Duterte-Marcos. Hindi man pinili ni Robredo si Colmenares bilang isa sa 12 kandidato nito sa pagkasenador – at pinili ang mga tulad nina Senador Richard Gordon, Miguel Zubiri at Joel Villanueva na dating alyado ni Duterte sa Senado – sinabi pa rin ni Colmenares na nakikiisa ang Makabayan sa paglaban ni Robredo sa naghaharing rehimen.

Sa pagkakasulat ng artikulong ito (Okt. 28), hinihintay pa rin kung mag-eendorso ba ang Makabayan ng kandidato sa pagkapresidente. Dineklara na ng kampo ni Pacquiao at de Guzman ang pag-endorso nila sa pagtakbo nina Colmenares at Elmer “Ka Bong” Labog, batikang lider-manggagawa ng Kilusang Mayo Uno (KMU). Pero hindi pa nakakapamili ang Makabayan ng kandidato nito sa pagkapresidente – kung mag-eendorso pa nga ito. 

Anu’t anuman, malinaw sa mga progresibo ang lugar ng eleksiyong 2022. May pangunahing taktikal na laban: talunin ang Duterte-Marcos. Pero adyenda rin nila sa mga kandidato ang pagkuha ng komitment nila sa malalaking isyung pambayan. Si Moreno, sinabi nang hindi niya prayoridad ang pagbasura sa kontraktuwalisasyon kung mananalo siya. Siyempre, komitment na ito ni De Guzman dati pa. Samantala, matagal ding alyado ng kilusang paggawa si Pacquiao – dating sumuporta ito sa kampanya para sa makabuluhang dagdag-sahod ng mga manggagawa. Hindi pa rin nagsasalita hinggil sa kontraktuwalisasyon si Robredo.

Nagpahayag din ang Makabayan na nakipag-usap na ito kay Robredo. Anila, patuloy silang makikipag-uspa sa huli, at sa iba pa, para itulak ang maka-mamamayang posisyon sa mahahalagang mga usaping pambayan.

* * *

Malinaw rin sa mga progresibo na kung sinuman ang maupo sa poder sa 2022, hindi maaasahan ang makabuluhang pagbabago sa lipunang Pilipino. 

Kahit pa, sa isang malabong senaryo, maluklok ang isang lider-manggagawa tulad ni de Guzman. Kahit pa, sabihin na nating malukok ang isang miyembro ng oposisyon na may dalisay na puso, hindi korap, at matalino. Ang makakalaban niya, buong burukrasya sa ehekutibo, hudikatura at lehislatura, mga batas, mga polisiya, mga di-nakasulat na kalakaran, na matagal nang naglilingkod sa iilang naghaharing uri sa bansa. Makakalaban niya ang Armed Forces of the Philippines at Philippine National Police, na matagal nang nasanay na maging mersenaryo ng naghaharing mga uri. 

Makakalaban niya ang dayuhang mga puwersa, pangunahin ang Estados Unidos (US) pero nariyan na rin ang China, na nakaugat na ang impluwensiya sa gobyerno at lalo na sa ekonomiya ng bansa.

Ang prinsipyo kasi ng mga progresibo, hindi makukuha sa eleksiyon ang makabuluhang pagbabago sa lipunang Pilipino. Makukuha ito, sa pagkilos ng mga organisasyong masa para igiit ang kanilang mga karapatan at igiit ang isang gobyernong tunay na naglilingkod sa mamamayan. Makukuha ito sa pagpapalakas ng mga organisasyon ng iba’t ibang sektor, iba’t ibang adbokasiya, at sa pagkamulat ng mga mamamayan na sila ang tunay na magbabago sa lipunan at hindi lang ang isang kandidato, kahit pa may maganda itong track record at maganda ang mga pangako nito.

Pero makakatulong din ang pagwakas sa paghahari ng mga Duterte at pagpigil sa panunumbalik ng mga Marcos.

Avatar

Priscilla Pamintuan

Priscilla Pamintuan is a cultural and political writer who regularly contributes for Pinoy Weekly.