FEATURED

Banta ng barko sa Pamarawan


Alam ng mga nakatatanda sa isla ng Pamarawan sa Malolos, Bulacan na kung nag-iisa at watak-watak, hindi nila mahaharap ang dambuhalang problema na dala ng proyektong Bulacan Aerotropolis.

Payak na hanapbuhay mang maituturing ang pagdadaing, kuwento ng mga lokal ng Pamarawan na mahirap na ang gawain, dahil humina ang huli nila ng isda. Dulot ito, anila, ng isinasagawang dredging sa dagat na pinangingisdaan nila. /Darius Galang

Alas dos ng umaga bumangon na si Nanay Gina* para ihanda ang ibebenta niyang nahuli na alamasag ng kanyang anak. Madilim pa sa labas pero tanaw na mula sa kubol nila ang makukulay na ilaw ng naglalakihang mga barko o dredging vessel na ginagamit para sa proyekto ng San Miguel Corporation (SMC).

Alas dos y media nagbubukas ang Consignacion. Alas tres nakarating si Nanay Gina sa pondohan, at makalipas ang dalawang oras, nabenta niya ang kalahating timba ng alimasag sa halagang P500. Maganda na sa karaniwan ang bentang ito. Makakapagtabi rin siya ng konti para sa pagbili ng bagong lambat na presyong P730.

Ayon sa mga kasamang residente ni Nanay Gina sa isla ng Pamarawan sa Malolos, Bulacan, kakarampot ang ganitong benta kung ikukumpara sa dating masisigla nilang mga palaisdaan at mga baklad.

“Dati, nakakahuli ng 15 kilo hanggang 20 kilo [ng alimasag],” sabi ni Ka Ipe*, asawa ni Nanay Gina. Doon pa lang sa lugar nila, papalo na raw sa P160 kada kilo, kaya mababa na ang maiiuwing P2,000 noon.

Mula 1987 pa nangingisda si Ka Ipe, pero ngayon lang niya nakitang ganito kakonti ang nahuhuli nila. “Ngayon, humuhuli na lang ako ng tatlong kilo, dalawang kilo, hanggang apat na kilo, pinakamataas na ‘yon,” sabi niya.

Hulyo ngayong taon nang mapansin ng mga mangingisda ang hindi magandang mga pagbabago sa Manila Bay, kasabay ng dredging o pagpapalalim ng bay. Bahagi ito mga hakbang ng SMC para sa aerocity o aerotropolis, kung saan pinakatampok ang pagpapatayo ng New Manila International Airport sa halagang higit P734 bilyon.

Layunin para sa bagong airport ang makatulong sa bawas ng trapiko sa Ninoy Aquino International Airport. Ayon sa SMC, malaki rin ang magiging ambag ng aerotropolis sa ekonomiya ng Pilipinas. May mga komunidad na masidhing maapektuhan, pero ayon sa korporasyon, may nakalatag na plano para sa mga ito.

“Ang sabi raw, ang maapektuhan ay Bulakan, Bulacan lang,” ani Ka Ipe. Pero taliwas ito sa naranasan ng mga residente.

Halos salitan ang linggo ng pagbaha sa ilang komunidad sa Pamarawan, sabi ng mga residente. Dati, inaasahan lang nila ang pagbaha tuwing may bagyo. Ngayon, pangkaraniwan na sa kanila ang eksena ng paghahakot ng gamit sa mas matataas na lugar.

“Di na nga kami makatulog gabi-gabi eh, kasi iniisip namin, paano na ang mga anak namin,” sabi ng isang nanay. Wala rin naman silang kakayanan bigla na lang lumipat ng tirahan.

Bumabaho na rin ang tubig sabi nila. Amoy gasolina o amoy langis. Hindi na nagugulat ang mga mangingisda kung bakit dumadalang ang huli, o di kaya naman ay nagangamatay na lang.

Sa mga pag-aaral sa epekto ng dredging sa mga hayop na ninirahan sa tubig, nakitang dahil sa pang-iistorbo sa seabed, apektado ang tahanan nitong mga isda at iba pang yamang tubig.

“Buhat nang umano [yang mga barko], wala na silang mahuling hipon, kahit na alimango, alimasag,” sabi ni Nanay Gina. “Tatatlong piraso ang mahuli, nag-aagawan pa mga apo ko, kanila daw yung ulam.”

Ang tawag nila sa tag-hirap noon, madalas tuwing Oktubre, kawitang palakol. Parang sarili nilang bersyon ng kapit-patalim. Ngayon, mas dumalas na ito kaysa sa isang buwan.

“Kumbaga sa amin parang nawala ang kabuhayan namin. Nagkaisa kami dito,” sabi ni Nanay Gina. Kaya nitong Agosto, binuo nila ang samahan ng mga kababaihan.

Hindi na malaya ang pangingisda ng mga tiga-Pamarawan. Pinigilan na silang mangisda sa dati nilang lugar na pinaghuhulian. Nakapuwesto na roon ang mga naglalakihang barko. /Jobelle Adan

 

Nagkakaisa

Nakapaglunsad na ng munting feeding program ng lugaw sa barangay ang samahan nina Nanay Gina kung saan nagsisilbi siyang tagapangulo. Katuwang niya dito ang iba pa tulad ni Nanay Lyn* na mula pa sa Bohol at nalalapatan ng kanilang komunidad para sa mga simpleng upuan gawa sa kawayan na pinagmamalaki niyang “gawa ng Bisaya”.

Ang proyektong gusto na nilang sunod na masimulan, para sa edukasyon ng kanilang mga anak at apo.

“Yung ibang magulang, nadidinig namin, walang papel, walang ano. Kung walang kita, paano sila makakapagsulat?” sabi ni Nanay Gina. Sa ngayon, wala pa silang mahanap na susuporta sa pinansya para sa proyekto.

Sanga-sanga ang mga isyung kailangan tugunan dahil sa hindi na nakabubuhay nilang hanapbuhay sa dagat. Mula sa edukasyon hanggang sa gastusin panggamot ng mga nakakatanda. Hindi na kasing lakas ng dati ang likod ni Ka Ipe, sabi ni Nanay Gina.

Tuloy naman sa paghahanap ng ibang paraan, ibang mapagkukunan ang mga sandigan ng tahanan tulad nina Nanay Gina at Nanay Lyn.

Sa umaga pagkagaling sa pondohan, magbibilad sila ng mga nahuling munting isda tulad ng sapsap, malabansi, kabasi, dapa, kapak, at larangay. Sa hapon, isisilong ang mga ito at uulitin ang proseso sa sunod na araw o dalawa pa. Ang isang planggana, nabebenta nila ng P180.

“Masarap sa ketchup, asukal, sili. Tsaka paminta,” sabi ni Nanay Gina.

Dahil hinaharangan na sila ng mga tauhan ng SMC na pumalaot sa ilang bahagi ng bay para daw sa seguridad ng mga residente, minsan naglalaan sila ng isa o dalawang araw para dumayo pa sa ibang mga palaisdaan. Magastos sa gasolina pero mabuti na raw kaysa wala.

Minsan, pag walang-wala, umaasa sila sa pautang. “Sabi ko mangutang na lang kami, bahala na kung tayo’y mademanda o mabarangay,” natatawa pang sabi ni Nanay Gina. Sumang-ayon naman ang ibang residente.

Bungad ng Pamarawan, sa Malolos, Bulacan. / Jobelle Adan

 

Kasagutan

Para sa mga residente, ang pinakamalinaw na solusyon sa mga problema nila ang pagtigil ng dredging at pagbibigay permiso sa pangangapa at pagbabaklad sa dati nilang mga puwesto.

Ayon sa kanila, nabanggit na rin ang planong pagpahusay sa mga residente sa ibang gawain gamit ang mga kurso sa Technical Education And Skills Development Authority (Tesda).

“Limang henerasyon na ng pamilya namin ang nabuhay dahil sa dagat,” sabi ni Tatay Richard*, kaya sa paglinang talaga ng yamang dagat lumilitaw ang kanilang taglay na husay at pagkatuto.

Dagdag pa na mga residente, hindi nasasapol ng pag-aaral sa Tesda ang kagyat ng pangangailangan nila sa pagkain, ligtas na hanapbuhay, at ligtas na tirahan. Alam rin nilang hindi sila nag-iisa sa pinagdaanan nilang mga ito.

“Hindi lang po ang apektado dito ay ang Malolos, kundi ang Hagonoy, Paombong, Malolos, Bulakan, Obando,” sabi ni Ka Ipe.

*Iniba ang pangalan o ginamit ang palayaw ng mga residente para sa kanilang seguridad. Ayon sa kanila, naging pangkaraniwan na tanawin ang militar sa komunidad magmula nang simulan ang dredging para sa Bulacan Aerotropolis at lalo na noong nagsimulang mabalita ang kwento nila sa media.