Editoryal FEATURED

Ginawa bang ligtas ang balik-eskuwela?


Pursigido ang gobyerno na muling buksan ang mga paaralan nang walang sapat na plano at badyet sa sektor ng edukasyon.

 

 

Pursigido ang gobyerno na muling buksan ang mga paaralan nang walang sapat na plano at badyet sa sektor ng edukasyon. Mga mag-aaral, guro at kawani ang mananatiling mga biktima ng kahihinatnan at posibleng panganib na dala ng balik-operasyon ng mga paaralan.

Matapos halos dalawang taon ikulong at gawing baldado ang masang estudyante sa ilalim ng mahal, hindi epektibo at mala-negosyong distance learning, napagpasiyahan na rin ni Pangulong Duterte na payagan ang muling pagbubukas ng ilang mga eskuwela—nang hindi binibigyang pansin ang mga lehitimong kahingian at panawagan ng mga guro, kawani at mag-aaral.

Ang Pilipinas ang pinakahuling bansa sa mundo na magbubukas ng mga paaralan simula nang ideklara ng World Health Organization (WHO) ang Covid-19 bilang pandemya noong Marso 2020. Dahil sa kapabayaan ng pamahalaan, nasa 31 milyong mag-aaral ngayon ang apektado ng paglobo ng drop-out cases, mababang bilang ng mga enrollee, at lumalalang krisis sa mental health.

Inaprubahan ng Commission on Higher Education (CHED) ang limited face-to-face classes sa mga kursong pang-medikal noong Enero, ngunit nito lang Setyembre ipinagpatuloy ang pagpapalawig at pagbigay ng ‘go signal’ sa naturang programa. Sinundan naman ito ng Department of Education (DepEd), ngunit sa 48,000 na pampublikong paaralan sa bansa, 100 lang ang pinayagang magsagawa ng limited face-to-face classes noong ika-15 ng Nobyembre.

Samantala, nasa 30 lang sa pribado ang pinayagan sa ika-22 ng parehong buwan. Ang pilot run na ito ay pag-aaralan pa sa loob ng dalawang buwan para masabi kung epektibo o hindi ang mga patakaran.

Dahil naman sa malubhang budget cut sa sektor ng edukasyon, kakaunti na lang ang inilalaang slot para sa bawat kurso, na nagbibigay daan na rin upang hindi na mag-aral ang karamihan. Ito rin marahil ay dahil sa retrofitting ng imprastruktura na kondisyon ng pamahalaan upang payagang makapagbukas muli ang mga eskuwelahan. Sa huli, nananatiling para sa iilan lang ang edukasyon.

Ang Ligtas na Balik-eskuwela ay hindi maisasakatuparan kung hindi paglalaanan ng mas malaking pondo ang sektor at kung mananatiling militarisado ang mga hakbang.

Dapat pinakikinggan ng gobyerno ang panawagan ng mga guro’t estudyante tulad ng libreng lingguhan na antigen testing, mass hiring ng mga school nurse, subsidiya ng pamahalaan sa mga gastusin kapag may nahawaan ng Covid-19, at ayuda para sa mga estudyante, guro at kawani.

Ang pasismo naman sa loob ng mga lugar ng pagkatuto ay dapat nang tigilan. Kung nais nating maging ligtas ang balik-eskuwela, hindi anino ng armadong pulis sa loob ng silid-aralan ang dapat makita ng mga mag-aaral. Sa gitna ng krisis, mas lalo dapat lumilinaw ang pangangailangan para sa edukasyong mapagpalaya at makapagbigay ng makabuluhang buhay at kinabukasan.

Kung pursigido ang pamahalaang buksan muli ang mga paaralan, dapat ay isaalang-alang nito ang komprehensibong plano at sapat na badyet para sa sektor na nakaayon sa datos at rekomendasyon ng mga eksperto.