Editoryal FEATURED

Nasaan ang pondong inutang?


Umabot na ng P11.92 trilyon ang kabuuang pagkakautang ng Pilipinas nitong Setyembre, pinkamataas sa kasaysayan ayon sa inilabas na datos ng Bureau of the Treasury.

Umabot na ng P11.92 trilyon ang kabuuang pagkakautang ng Pilipinas nitong Setyembre, pinkamataas sa kasaysayan ayon sa inilabas na datos ng Bureau of the Treasury. Lumobo ito ng 27.2 porsiyento mula sa P9.37 trilyon noong 2020 lang.

Sa kasalukuyan, ang Pilipinas ang bansang may pinakamalaking inutang sa World Bank. Umabot sa P154.44 bilyon ngayong taon ang inutang ng bansa, halos doble sa ng halagang P94.14 bilyon noong 2020.

Malalaking numero ito — sangkatutak na yaman na hindi masisilayan ng isang karaniwang Pilipino. Ang lagay, nararamdaman ba ng mga mamamayan na sa pag-asenso ng bayan napupunta ang bilyones na ito?

Hindi pa rin sapat ang nilalaang pondo ng gobyerno para sa pagtugon sa pandemya, lalo na sa sektor ng kalusugan. Nangungulelat ang Pilipinas sa pagkakaroon ng epektibong plano at aksyon sa pagkalat ng sakit.

Isinusulong ng mga ekonomista at eksperto na bigyan ng prayoridad sa pondo ang serbisyong pangkalusugan, pagbangon ng ekonomiya at ayuda sa kabuhayan ng mamamayan sa gitna ng pandemya. “Fiscal prudence” ang sagot ng Department of Finance upang mapanatili ang magandang credit rating ng bansa. Ibigsabihin, may pagtingin na baka hindi kayanin ng kaban ng bayan ng malawakang suportang pinansyal ang mga tao.

Kung ganoon, saan nga ba napupunta ang pondo?

Batay sa General Appropriations Act of 2021, nasa P695.7 bilyon ang badyet ng Department of Public Works and Highways na pangunahing ahensiya na nagpapatupad ng programang pang-imprastruktura na Build, Build, Build ng rehimeng Duterte.

Ngunit nasa P210.2 bilyon lamang ang pondo ng Department of Health na siya namang nangunguna sa pagtugon sa pandemya. Halos wala namang malinaw na programa para makakabangon ang mamamayan sa kawalan ng hanapbuhay at kabuhayan na dulot ng mga lockdown.

At ganito pa rin ang plano para sa 2022. Sa House Bill No. 10153 o General Appropriations Bill, wala pa sa kalahati ng P665.5 bilyon para sa imprastruktura ang ilalaan para sa sistemang pangkalusugan.

Bukod pa dito, sumasambulat pa rin ang korupsiyon at katiwalian ng mga opisyal at mga kasabwat na kompanya sa pondo para sa kalusugan at ayudang pinansyal. Sambayanang Pilipino ang sasalo ng pagbabayad sa utang na may iilan lang benepisyaryo pala.

Halimbawa na lang nito ang sinabi ng Senado na nakikitang pagkukulang ng National Task Force to End Local Communist Armed Conflict (NTF-Elcac) na ma-account nang maayos ang paggastos sa higit P19 bilyon nilang pondo ngayong 2021. Babawasan raw ito para sa 2022; mula sa hinihiling ng administrasyon na P28 bilyon, gagawin na lang P4 bilyon. Mas maigi pa nga kung bubuwagin ang NTF-Elcac at dadalhin na lang ang P4-B sa pondo para sa ayuda.

Sa gitna ng naliligaw na prayoridad ng pamahalaan, marapat lang na igiit at ipanawagan ang mas mataas na pondo para sa kalusugan, lalo na sa pagbabakuna at dagdag sweldo para sa mga manggagawang pangkalusugan, at ayudang pinansyal para sa mga hindi pa rin makabangon mula sa kawalan ng trabaho at pagkakakitaan.