FEATURED

Nilitsong Manok sa Saha


Sugod, este, kain mga kapatid! 

Kuwento ng matatanda, paborito raw na pagkain ni Andres Bonifacio ang Nilitsong Manok sa Saha. Bukod sa madaling lutuin saan man nagkukuta ang mga katipunero, madalas rin umano itong ihain sa kanila ng mga masang sumusuporta sa himagsikan.

Litrato mula sa www.lamikaayo.com

Bilang paggunita sa ika-158 kaarawan ng “Ama ng Katipunan,” narito ang mga hakbang sa pagluluto ng paborito niyang putahe.

 


Mga kailangan:

Buong manok

Asin

Paminta

Tanglad

 

Saha (balat ng puno ng saging)

Uling

Kawayan (pantuhog)

 


Pagluluto:

  1. Magpaningas ng uling. Ilatag nang pahaba batay sa sukat ng manok.
  2. Budburan ng asin at paminta ang loob at labas ng manok. Kuskusing maigi para mas kumapit ang lasa. Lagyan ng binuhol na dahon ng tanglad ang loob ng manok.
  3. Tuhugin sa kawayan ang tinimplahang manok saka baluting mabuti ng saha. Itali ang magkabilang dulo.
  4. Isalang sa baga na may katamtamang init. Maya’t mayang ikutin habang niluluto sa loob ng 1 hanggang 2 oras, o hanggang masunog ng tuluyan ang saha.
  5. Tanggalin ang sunog na saha at ilutong muli ng ½ o 1 oras hanggang matusta ang balat ng manok.

 

Gumagamit ng saha para mainin ang manok. Ginagawa nitong malinamnam ang loob ng manok habang tustado at malutong ang inihaw na balat.

 

Habang ipinagpapatuloy natin ang pagkain sa paboritong putahe ni Bonifacio, ipagpatuloy din natin ang kanyang sinimulang rebolusyon. Sugod, este, kain mga kapatid!