FEATURED Karapatang Pantao

Si Steve


Sino nga ba si Steve Abua, para sa isang nakakakilala sa kanya?

Una ko siyang nakilala noong 2004. Dumalo siya sa isang porum na inorganisa namin tungkol sa karanasan ng mamamayan ng Venezuela na ipagtanggol ang kanilang kasarinlan mula sa imperyalistang kontrol at pagsasamantala. Unang mapapansin sa kanya ang mahaba at kulot na buhok, na kanya nang magiging trademark hanggang grumadweyt.

Mula sa porum na iyon, tuloy-tuloy na siyang kumilos bilang kasapi ng League of Filipino Students sa University of the Philippines Diliman. Bilang sangkatlo sa bansag sa aming “Less than Four Students” dahil sa liit ng grupo, naging trabaho niya ang pagtulong sa pagbubuo at paggabay sa pagpapagana ng mga balangay ng organisasyon sa mga kolehiyo ng UP.

Pride and joy namin noon ang masikhay na mga balangay sa College of Social Sciences and Philosophy at College of Arts and Letters. Hindi siya pumayag na siya lang ang aktibista sa kanilang kolehiyo kaya’t tiniyak din niyang maglaan ng panahon na mag-imbita ng mga kamag- aral sa College of Statistics.

Mahalaga sa kanya ang pakikisangkot ng mga estudyante sa mga laban ng ibang sektor lalo sa loob ng unibersidad at sa paligid nito. Naging aktibo siya sa laban ng mga manininda at janitor ng UP para sa kanilang kabuhayan. Nang magkaroon ng banta ng demolisyon sa mga kabahayan sa Ricarte, Palaris at Dagohoy upang bigyang daan ang pagpapalapad sa kalsadang C5, kasama siya sa mga tumao sa itinayong barikada.

Ang summer break namin ay inilaan sa pakikipamuhay sa mga manggagawa noong 2005 at 2006. Noong 2007 naman, kasabay ng pambansang halalan, sa mga kabataan sa isang komunidad ng maralitang lungsod kami nag-organisa ng balangay ng Kabataan Partylist. Nang magtapos ang programang ito ng batayang integrasyon, isa siya sa mga nanindigan na hindi dapat ituring na tila isang summer job lang ang gawain sa komunidad na iiwan na lang bigla dahil kailangan nang bumalik sa pamantasan.

Walang siyang kapa-guran bilang aktibista at organisador. Hindi lang iisa ang naglarawan sa kanya na “stressful” katrabaho dahil itutulak ka ng kanyang kasipagan na makipagsabayan sa paggampan ng gawain.

Payak sa pamumuhay, wala siyang bisyo tulad ng paninigarilyo at pag-inom ng alak. Sapat nang libangan para sa kanya ang tumugtog sa kanyang asul na gitara na siya na ring pahinga lalo sa gitna ng mainit na kampanya. Ni minsan ay hindi niya pinuna ang sintunado kong pagkanta. Tahimik rin siya at mahinahon kung magpaliwanag, kahit sa gitna ng mainit na debate at diskusyon.

Nagtapos siyang cum laude sa kursong Istatiska sa pinakapremyadong unibersidad sa bansa.

Para sa marami, nagbibigay ng katiyakan ng isang marangyang buhay ang tagumpay na ito. Subalit mas pinili niyang tumugon sa panawagan ng pamantasan sa lahat ng iskolar nito: ang maglingkod sa sambayanan.

Sa halip na magtrabaho sa loob ng kongkretong gubat ng siyudad na kanyang kinalakhan, nagtungo siya sa kanayunan upang maging organisador ng mga katutubo, magsasaka at mangingisda. Ang kanyang natutunang kasanayan sa mga numero ay ginamit upang kalkulahin kung gaano katindi ang pyudal na pagsasamantala sa mga kasama at manggagawang bukid.

Kasama siya sa maraming mga kabataang naghanap kina Karen Empeno at Sherlyn Cadapan, mga kapwa iskolar ng bayan na dinukot ng mga militar sa Bulacan noong 2006. Ang paghahanap sa kanila ay nakatulong sa kanya na matagpuan ang lugar ng sarili sa lipunang kinasasangkutan

Ngayon, siya na ang aming hinahanap. Noong ika-6 ng Nobyembre, dinukot si Steve Abua sa isang terminal ng tricycle sa Lubao, Pampanga. Sa paghahanap sa kanya, muling natagpuan ng marami sa amin na kanyang kaibigan ang galit sa umiiral na kaayusan — kung saan ang pagtatanggol sa karapatan ng iba at paglaban para sa kanilang karapatan ay mapanganib at mainit sa mata ng may kapangyarihan.

Poster ng Karapatan