FEATURED

Kahandaan sa sakuna ng isang komunidad


Malaking bahagi pa rin ang partisipasyon ng mamamayan sa pagiging handa sa sakuna.

Kailan masasabing may sapat na kahandaan sa sakuna ang isang komunidad?

Ang isang komunidad ay may sapat na kahandaan sa sakuna kung ito ay may kakayanang salagin ang anumang negatibong epekto ng panganib na darating dito. Hindi lahat ng panganib ay nauuwi sa sakuna. Nangyayari lang ang sakuna kung ang komunidad na mahaharap sa panganib ay bulnerable.

Ang mga panganib na kinakaharap ng Pilipinas ay di lang natural ang pinagmumulan tulad ng bagyo, lindol at pagputok ng bulkan kundi dulot rin ng tao tulad ng armadong labanan at mga pangkaunlarang pananalakay (development aggression) gaya ng reklamasyon. Nariyan din ang panganib na kumbinasyon ng natural at gawa ng tao tulad ng mga nangyayaring pagbaha, at pagguho ng mga bundok dulot ng walang habas na pagmimina (open pit mining), pagputol ng mga kahoy sa mga gubat, at fish kill.

Dahil wala silang akses sa mga serbisyong panlipunan, bulnerable ang mga bata ng Montalban sa sakuna. Darius Galang
File Photo

Bulnerable ang mahirap

Ang Pilipinas ay bulnerable sa sakuna dahil sa kinaroroonan nito sa mundo, sa sosyo-ekonomikong katayuan nito at dahil na rin sa pagbabago ng panahon. Nasa Pacific Ring of Fire ang Pilipinas kung saan nakalatag ang maraming bulkan at nagaganap ang maraming lindol. Mahigit na dalawampung bagyo ang dumadaan sa Pilipinas taun-taon at mga lima dito ang lubhang mapanira. Noong huling kwarto ng 2020, humagupit sa Bicol at Timog Luzon, at ilang bahagi ng Hilaga at Gitnang Luzon, at Visayas, ang magkakasunod na bagyong Quinta, Rolly at Ulysses.

Karamihan sa mga rehiyong nakararanas ng sakuna ay nabibilang sa mga may pinakamataas na bilang ng mahihirap na mamamayan. Ayon sa  Philippine Statistics Authority, noong 2018 ang sampung pinakamahihirap na rehiyon ay ang Autonomous Region in Muslim Mindanao, Zamboanga Peninsula, Eastern Visayas, Caraga, Bicol, Soccsksargen, Davao, Northern Mindanao, at Cagayan Valley.  Maliban sa mga rehiyon sa Mindanao, ang rehiyong palaging nakakaranas ng mga sakuna dulot ng mga bagyo ay Rehiyong VIII (Samar, Leyte) at Bicol.

Makikita sa Mindanao ang laganap na paglikas ng mga tao dahil sa armadong labanan tulad ng nangyari sa Marawi at ang pagpapasara sa 178 eskwelahan ng mga kabataang lumad.

 

Responde

Ano ang tugon ng pamahalaan sa walang katapusang pagkakaroon ng sakuna sa bansa? Noong 2010 ay pinirmahan ang RA 10121 o ang Disaster Risk Reduction and Management Act of 2010 (DRRM Act of 2010). Binago ng batas na ito ang pamamahala sa sakuna mula sa pagtugon at pamimigay ng tulong tungo sa pagpapababa at pamamahala sa kapahamakan sa sakuna o disaster risk reduction and management. Sa pagtugon at pamimigay ng tulong, kumikilos lamang ang pamahalaan kapag nangyari na ang sakuna.  Sa RA 10121, kinilala na maaaring mapababa ang banta sa pagkakaroon ng sakuna. Magagawa ito sa pamamagitan ng pagpapababa sa bulnerabilidad ng mamamayan.

Sa pagpapababa ng bulnerabilidad ng mamamayan, tinatanggal ang mga panganib na kinakaharap nila sa kanilang mga tinitirhan. Dahil may mga panganib na di matatanggal (bagyo, lindol at pagputok ng bulkan) binabawasan na lang ang posibleng negatibong epekto ng mga nito. Pinagsisikapang mapaunlad ang kabuhayan ng mamamayan.  Pinalalakas din ang panlipunan at organisasyunal na aspeto ng kanilang buhay tulad ng pamilya, pamahalaan at organisasysong masa. Dagdag dito pinauunlad din ang kanilang pananaw, pagpapahalaga, kaugalian, aktitud at motibasyon.

Ang mamamayang maunlad ang kabuhayan ay magkakaroon ng matibay at ligtas na tirahan, malusog na pangangatawan at malayo sa kapahamakan. Ang pamahalaang nagbibigay ng sapat na serbisyong panlipunan tulad ng edukasyon, pabahay, serbisyong pangkalusugan ay nagpapalakas din sa kapasidad ng mamamayan.

Kinilala ng batas ang partisipasyon ng mga mamamayan para maiwasan ang sakuna. Malaking papel ang ginampanan ng mga disaster risk reducation non-governmental organization para mabuo ang RA 10121. Ngayon ay bahagi ng kanilang adbokasiya ang lubos na pagpapatupad nito para magkaroon ng mga komunidad na malayo sa sakuna.