FEATURED Main Story

Wala nang Take 2 o Take 3: Ang nag-iisang Sig


Katangi-tangi ang buhay at bigtime ang ambag ni Sig. Wala nang Take 2 o Take 3 kumbaga.

Naunang nakilala si Sigfreid Barros-Sanchez ng marami sa dating editors at staff ng Pinoy Weekly bilang campus journalist para sa The UE Dawn ng University of the East. Bukod sa pagiging aktibistang manunulat pangkampus, naging sports writer din siya. Kalaunan, nakilala din siya bilang manunulat para sa iconic na music magazine noong 1990s na Rock N’ Rhythm.

Kapatid si Sig ng dating punong patnugot ng Philippine Collegian at ngayo’y board member ng PinoyMedia Center na si Seymour Barros Sanchez.

Noong nagsimula ang Pinoy Weekly, taong 2002, si Sig ang isa sa pinakauna at pinakamasigasig na showbiz/culture writers namin. Marami siyang naisulat para sa Pinoy Weekly, bitbit ang progresibong punto-de-bista: mga rebyu ng mga pelikula, mga interview sa indie directors at artista tulad nina Raymond Red, Erik Matti, Tado, Aubrey Miles, at marami pang iba.

Panahong ito nang nagsimula rin niya bilang scriptwriter at direktor ng mga punk at astig na alternative at mainstream films at marami sa iconic na music videos ng maraming sikat na banda.

Mula sa Pinoy Weekly archives.

Kahit noong naging tanyag at premyadong filmmaker na si Sig, palagi pa rin namin siyang nakakahalubilo. Pana-panahong nag-aambag siya ng short films hinggil sa progresibong mga isyu. At siyempre, nagpapahayag din siya lagi hinggil sa mahahalagang isyung pambayan tulad ng mga paglaban para sa press freedom, freedom of expression at karapatang pantao.

Ikinalulungkot namin ang pagpanaw ni Sig, at nagpapahayag ng taus-pusong pakikiramay sa kanyang pamilya.

Mabuhay ang makabuluhang alaala ng artista ng bayan na si Sigfreid Barros-Sanchez!


Ang title sa artikulong ito, galing sa isang linya na sinulat ni Sig sa interbyu niya kay Tado noong 2002. Sa “Bigtime na si Tado”, ipinaliwanag ni Sig kung paano nalikha ang tipo ng katatawanan ng komedyante. Ngayon, ito ang isa pang totoo: Katangi-tangi ang buhay at bigtime ang ambag ni Sig. Wala nang Take 2 o Take 3 kumbaga.