Balitang Global Eleksiyon Migrante

Bayan Muna at ColLab, pinakilala na sa mga OFW


Meet and greet ng mga OFWs sa Hong Kong para sa Bayan Muna at kina Neri Colmenares at Bong Labog.

Sa katatapos na meet and greet na inilunsad ng Bayan Muna Hong Kong, inihapag ng Bayan Muna ang kanilang plataporma at mga programa lalo na para sa mga manggagawang Pilipino sa ibang bansa. Pinakilala na rin sa programa ang “ColLab” (Colmenares at Labog), dalawang kandidato ng Makabayan para sa pagkasenador.

Ipinakilala sina Amirah Lidasan, Teddy Casiño, at Ferdinand Gaite sa mga nanood ng live online meeting, kung saan maraming overseas Filipino workers (OFW) ang nakadalo. Kasalukuyang representante si Ferdinand Gaite, habang dati nang nanungkulan si Casiño bilang mambabatas ng Bayan Muna.

Si Lidasan naman ay nasa gitna ng pakikipag-usap sa mga mamamayan sa Marawi. “Nagkakaroon tayo ng konsultasyon upang malaman natin ang mga panawagan ng mga mamamayan,” aniya.

Kampanya noong 2019. Ganito marahil ang pagpapakilala sa Bayan Muna kasama sina Colmenares at Labog, kung hindi dahil sa restriksiyon dulot ng pandemya. BAYAN MUNA HONG KONG

Pinakilala rin sina Atty. Neri Colmenares at Elmer ‘Ka Bong’ Labog bilang mga kandidato sa pagkasenador. Dati nang naging representante ng Bayan Muna si Colmenares. Naging tagapangulo naman ng Kilusang Mayo Uno si Labog.

Napakahalaga ng ganitong programa, sabi ni Casiño, lalo na sa panahon na namamayagpag ang fake news at disimpormasyon. “Napakalaking bagay at sa panahon ngayon ay nagkakaroon tayo ng ganitong aktibidad, you get to go to the source first hand,” sabi niya.

Sa umpisa ng programa, inihayag ng Migrante ang kanilang 10-point program. Kasama rito ang pagbabasura sa National Task Force to End Local Communist Armed Conflict. Ayon sa kanila, isa sa mga biktima ng atake nito ang mga kasapi ng Bayan Muna dahil sa pagiging kritikal sa gobyerno.

Kung hindi pinapaslang ang kanilang mga miyembro, pinaparatangan ng kung anu-anong bagay. Sabi nga ni Casiño, pinaratangan sila na ngawa nang ngawa. “Tayo yung ngumangawa, pero may ginagawa,” sabi niya.

Ayon sa mga naging mambabatas ng Bayan Muna, mayroon silang malinis na track record mula nang maitatag noong 1999 at nakopo ang pinakamalaking bilang ng boto noong eleksiyong 2001. kung saan naging mga unang representante ng party-list sina Satur Ocampo, Lisa Maza, at ang namayapang si Crispin ‘Ka Bel’ Beltran. 

Sa sumunod na taon, nag-anak ang sinimulang adhikain ng Bayan Muna ng iba pang mga party-list, katulad ng Anakpawis, Kabataan, at iba pa. Sumubok ang Migrante bilang party-list, ngunit nadiskuwalipika.

Napakaraming batas ang naisulat at naipasa ng Bayan Muna sa Kongreso. Kabilang rito ang batas ukol sa tax exemption, at danyos para sa mga naging biktima ng batas militar ni dating pangulong Ferdinand Marcos.

Ayon kay Casiño na hindi lang natatapos sa paggawa ng batas ang kanilang tungkulin. Mahalaga rin ang oversight function ng mga mambabatas, kung saan may mata at may boses sila sa katiwalian sa gobyerno.

Naniniwala ang Bayan Muna na ang kanilang pagsisilbi sa bayan ang dahilan kung bakit sila ang nangungunang party-list na ibinoboto sa bansa.

Pinakamahalaga para sa OFWs ang programang pagbabasura sa labor export policy, ang polisiyang ayon sa Migrante International ay nagpapahirap sa lahat ng OFW sa buong mundo. 

Batid ng mga mambabatas ng Bayan Muna ang hirap ng mga OFW sa ibang bansa. Sabi ni Colmenares, umalis ang OFW sa bansa dahil walang trabaho dito, o kung mayroon man, mamamasukan bilang kontraktuwal na manggagawa na may mababang sahod.

“Magbuo tayo ng isang lipunan na pag-uwi mo sa Pilipinas, hindi ka kontraktuwal, at disente ang sahod,” sabi niya.

Maningning na track record ang bitbit ng Bayan Muna. At ayon kay Casiño, tangan nila ang totoong diwa ng sistemang party-list – ang bigyan ng boses ang mga batayang sektor. Ang Bayan Muna “ang representante ng mga nasa laylayan,” sabi ni Casiño. 

Nangako ang party-list na tutugon sa mga pangangailangan at kahilingan ng mga OFW at kanilang mga pamilya sa Pilipinas.