#KuwentongKabataan

Kung bakit makatwiran ang academic break

Hindi sila tinatamad. Minsan, kailangan lang ng kabataan ng pahinga.

Buong araw akong nakaharap sa laptop habang nag-aasam na makausad man lang sana sa mga kailangan gawin para sa school. Ang hirap. Naisipan kong maglibang muna saglit sa aking social media.

Katulad ko, may ubo at sipon na rin ang aking mga kaklase. Sa buong isang oras na pagbababad sa Facebook, mga kuwento at biro tungkol sa ubo at sipon, omicron, at trangkaso ang nakikita ko. Lahat na yata ay masama ang pakiramdam.

Nang maluluha-luha na ako, naisipan kong iwasan muna ang paggamit ng cellphone, pero may mga kailangan pa pala akong ipasang mga gawain. Kasabay pa nito, muling isinailalim ang kalakhan ng Luzon sa mas istriktong alert level dahil sa muling paglobo ng kaso ng Covid-19. Sa ganang ito, muli na namang naisantabi ang usapin sana para sa pagbubukas ng ilang mga paaralan dito sa Bulacan, kasama ang aming unibersidad. 

File Photo. PINOY WEEKLY

Tuloy pa rin ang paggawa ng mga kailangang ipasa sa aming klase. Nagkakaubusan na rin ng mga paracetamol sa mga pharmacy. Paano ko malalabanan ang sakit ng ulo na ito? Ano pa nga ba.

Samantala, marami na ang nanawagan para sa academic break. Iba’t ibang unibersidad na ang nagpatupad nito pero sa aming sitwasyon, isang linggo ang lumipas bago ibigay ang kahilingan. At imbes na pahinga, gagawa pa rin pala ako ng mga gawain sa eskuwela.

Higit sa isang taon na natutuyo ang aming mata dahil babad sa harap ng laptop o selpon gawa ng online na pag-aaral. Sa inisyal, hindi naman pahinga ang hinihingi naming mga estudyante. Kailangan namin ang mas malaking oras sana para tutukan ang pansariling kalusugan habang humaharap ang aming pamilya sa patuloy na malaking gastos sa edukasyon, dumadagdag pa sa napakahirap na buhay ang malawak na kawalan ng trabaho at pagsirit ng presyo ng mga bilihin. 

Hindi naman ako tinatamad sa pag-aaral, sadyang isinusuka ko na ang sistemang pinagtutunggali ang iba’t iba naming karapatan.