Eleksiyon FEATURED

Marcos martial law victims: Hindi inoopinyon ang katotohanan


Makikita sa iba’t ibang batas na noon pa napatunayan ang pagkakasala ng mga Marcos sa sambayanang Pilipino. Ngayong papalapit ang eleksiyon, naniningil muli ang taumbayan.

“Sen. Bongbong, ito ba ay pawang kasinungalingan lamang?” 

Nilista ni Boy Abunda sa kanyang interbyu kay Bongbong Marcos ang datos ng Amnesty International: aabot sa 72,000 ang kinulong, 34,000 ang biktima ng tortyur, at 3,240 ang pinaslang–lahat sa pagitan ng unang termino at kalauna’y pagpapatalsik kay dating pangulo at diktador na si Ferdinand Marcos Sr.

Sabi ni Marcos, tumatakbong pagkapangulo, hindi niya alam saan kinuha ng Amnesty International ang datos, at dapat isiwalat ng organisasyon ang pinanggalingan ng mga numero nang maitama ang dapat itama.

Bukod sa Amnesty International, matatagpuan sa iba pang organisasyon ang datos tungkol sa mga biktima ng paglabag sa karapatang pantao. Sa School of Law Library ng University of Hawai’i, halimbawa, nakasuma ang mga paglabag bilang bahagi ng Human Rights Litigation kay Marcos Sr.

Kaya naman paanong hindi alam ni Bongbong ang lahat ng ito, tanong ng Karapatan, kung senador na siya noong tinalakay sa 15th Congress at nilagdaan ni dating pangulong Noynoy Aquino ang Republic Act No. 10368 o Human Rights Victims Reparation and Recognition Act.

Nakalagay sa deklarasyon ng batas na ito na kinikilala ng estado ang kabayanihan at pagdurusa ng lahat ng mga Pilipino, at binibigyan ng danyos ang mga biktima o kapamilya ng mga biktima ng rehimeng Marcos.

“Kaya nasaan ka, Marcos Jr. noong panukala pa lang at tinatalakay pa ang Human Rights Victims Reparation and Recognition Act sa Senado? Absent? Tama na ang maang-maangan,” sabi ni Cristina Palabay, tagapangulo ng Karapatan. Ni hindi man humingi ng tawad sa lahat ng taong nakalipas, dagdag niya.

Ayon kay Bongbong noong Oktubre, hindi siya hihingi ng tawad para sa hindi naman niya mismo kasalanan.

Isa lang ang Human Rights Victims Reparation and Recognition Act sa mga batas at institusyon na kumikilala sa mga naganap noong batas militar ni Marcos. Ang Presidential Commission on Good Government (PCGG) ay nabuo sa bisa ng Executive Order No. 1 noong 1986 para sa pangunahing tungkulin nitong bawiin ang ninakaw na yaman ni Marcos Sr., ng kanyang pamilya, kamag-anak, at iba pang kasamahan.

Ayon sa PCGG, may P2.7-Bilyon na ng kayamanan na nabawi mula sa mga Marcos, mula noong 1986 hanggang ngayong taon.

Bukod pa ito sa P10-B na nanggaling sa Swiss deposits ng mga Marcos at sa bisa ng Republic Act 10368, ay ginagamit para sa danyos ng mga biktima ng paglabag sa karapatang pantao.

Human Rights Victims’ Claims Board ang nag-aasikaso ng pinansyal na pananagutan o danyos sa mga biktima ng abuso mula 1972 hanggang 1986. Ayon sa Claims Board, may 11,103 biktima ng paglabag sa karapatang pantao na ang nakapagproseso ng kanilang claims.

Ilan sa mga nilista ng Claims Board na dinanas ng mga binigyan ng danyos ay pagpaslang, tortyur, pagdakip at hindi makatuwirang pagkulong sa ilalim ng administrasyon ni Marcos.

 

Danilo Dela Fuente,73, biktima ng Martial Law. Litrato ni Jobelle Adan

Isa si Danilo Dela Fuente, 73, sa mga biktima na unang naaprubahan ang karapatan sa danyos noong Mayo 2018, higit tatlong dekada matapos ang kanyang sinapit sa kamay ng militar.

Labor organizer si Dela Fuente at 33 gulang pa noong inaresto at, tulad ng kinikilala ng Human Rights Victims’ Claims Board, binugbog habang nasa kustodiya ng Intelligence Service ng Armed Forces of the Philippines.

“Kami ay mga dokumentado at nanunumpa na mayroong nangyaring hindi maganda sa amin noong martial law,” sabi ni Dela Fuente. Tatlumpung taong gulang siya nang arestuhin noong Pebrero 25, 1982 at bilang organisador sa hanay ng mga manggagawa, nasa isang pagtitipon kasama ang pitong iba pang inaresto.

Higit isang taon na nang ianunsyo ni Marcos Sr. noon ang pagwawakas ng batas militar, pero para sa maraming biktima, sa papel lang ang paglaya na ito.n noon sa labor movement.

Ngayon, dumudulog muli si Dela Fuente sa gobyerno para pakinggan ang petisyon na idiskuwalipika si Bongbong Marcos.

“Siya ay hindi tapat dahil may pangkasaysayanan nang kasinungalingan ang mga Marcos, noon pa,” sabi ni Dela Fuente.

 

Kwalipikado ba si Bongbong

Ayon kay Rowena Guanzon, dating Commission on Elections (Comelec) Commissioner, hindi kwalipikado ang “ex-convict” na si Bongbong.

“Apat na taon siyang hindi nagbayad ng buwis bilang gobernador ng Ilocos Norte at anak ng presidente, at nang siya ay maconvict sa Regional Trial Court ay hindi rin siya nagbayad ng multa,” sabi ni Guanzon sa harap ng Comelec building sa Intramuros.

“Hayaan nating bumoto ang mga Pilipino pero dapat kwalipikado ang mga kandidato,” sabi ni Guanzon. “Katungkulan ko at katungkulan ng Comelec na hindi patakbuhin ang diskuwalipikado.”

Protesta sa Comelec para sa diskwalipikasiyon ni Bongbong Marcos. Litrato ni Jobelle Adan

Nakalagay sa Section 252 ng 1977 National Internal Revenue Code na habang buhay nang diskuwalipikado sa paghawak ng kahit anong posisyon sa gobyerno ang mapapatunayang hindi sumunod sa mga probisyon

Ayon kay Atty. George Briones ng Partido Federal ng Pilipinas, hindi nakalagay sa desisyon ng Court of Appeals na isa sa mga penalty kay Bongbong ang diskuwalipikasyon.

Dumaan ang buong Enero nang walang nilalabas na desisyon ang Comelec 1st Division sa mga petisyon ng diskuwalipikasyon kay Bongbong Marcos. Isa si Dela Fuente sa mga petitioner, kasama ang iba pang biktima ng karahasan noong rehimen ni Marcos tulad ni Bonifacio Ilagan at ang iba pa mula sa Campaign Against the Return of the Marcoses and Martial Law (CARMMA).

“Kami po sa CARMMA ay may paninindigan sa usaping ito na hindi maibalik ang Marcos sa kapangyarihan, hindi makabalik ang martial law sa ating sistema at lipunan. Paninindigan po namin yan,” sabi ni Ilagan.

Anuman ang maging desisyon ng Comelec, sabi ni  Atty. Howard Calleja, may iba pang remedyo sa batas ang pwedeng gamitin ng mga petitioner.

Bukod sa petisyon, tinatrabaho rin ng CARMMA ang pagpapalaganap ng datos at kwento ng dinanas ng mga biktima noong rehimen ni Marcos. Hindi raw nila hayayaang masapawan ang kwento ng mga mamamayan ng pagpapabango para sa eleksiyon.

Uulit-ulitin nila ang totoong mga kwento na ito, anila, mula sa pamamaslang ng lider-katutubo mula Cordillera na si Macli-ing Dulag, hanggang sa laban ng mga manggagawa tulad ni Dela Fuente, at iba pang mga lumaban at nagbuwis ng buhay. /pananaliksik ni Eriell Estrada.