FEATURED Kapirasong Kritika

Sambayanan vs Marcos-Duterte


Kongkretong pulitika ito, masusukat ang iba’t ibang pampulitikang linya kung alin ang mas tahas at mainam na magsusulong ng kagyat na kapakanan ng sambayanang Pilipino.

Noong Enero 28, inendorso ng Makabayang Koalisyon ng Mamamayan o Makabayan, progresibong alyansang pang-eleksyon, ang kandidatura sa pagkapangulo ni Bise-Presidente Leni Robredo at sa pagkabise-presidente ng katiket niyang si Senador Kiko Pangilinan. Kasabay nito, tinanggap ni dating Bayan Muna Rep. Neri Colmenares, kandidato sa pagka-senador ng Makabayan, ang alok na isama sa tiket ng 1Sambayan, koalisyon ng oposisyon para sa eleksyong 2022.

Makabuluhan at makasaysayan ito. Ayon kay Mara Cepeda ng Rappler.com, ito ay “hudyat ng pagsasama ng mga maka-kaliwa at liberal na hindi magkasundo (at loggerheads) sa nakalipas na mga buwan.” Pero hindi lang nitong nakaraang mga buwan di-magkasundo ang dalawang kampo; ilang taon nang nagaganap iyan. Nagbuklod sila laban sa rehimeng Estrada patungong Edsa 2 (2001), nagkaroon ng distansya pagkatapos, nagkaisa muli sa Gloria Resign (2005), pero naghiwalay nung kumandidato at naging presidente si Noynoy Aquino (2010-2016). Magkahanay man sa pagtuligsa sa rehimen ni Rodrigo Duterte, bihira ang kanilang pormal na pagkakaisa.

Noong hindi isinama si Colmenares sa unang tiket ng 1Sambayan, kinilala ito ng mga lider at organisasyon ng Kaliwa. Pero maraming aktibista ang nagpahayag ng pagkadismaya at tumuligsa. Nagpapakilalang lider ng malapad na oposisyon si Leni, at dapat niyang isama ang grupong pinaka-tuluy-tuloy na lumaban sa rehimeng Duterte at pinaka-inatake rin nito. Sa mga dominanteng kandidato, si Leni rin ang tuluy-tuloy na tumaliwas sa maraming pahayag at patakaran ng rehimen. Bakit ba hindi siya makipagkaisa sa pinakamalawak para labanan at talunin ang manok ng nakaupong rehimen?

Isang pagsulong, kung hindi man tagumpay, ang ganitong pagkakaisa ng mga maka-kaliwa, liberal at oposisyon — lalo na sa kalagayang nangunguna sa karera sa pagkapangulo si dating senador Ferdinand “Bongbong” Marcos, Jr., na magpapatuloy sa mga patakaran ng tatay niyang diktador at ng rehimeng Duterte. Isinasantabi at pinapangibabawan nila ang kanilang historikal na mga alitan para sa interes ng bayan — ang tapusin ang malagim na paghahari ng mga Duterte-Marcos. Binibigo nila ang mga pakana ng naturang pangkatin na paghiwalayin at pagbanggain sila: ibayong pag-atake, pagbibintang ng sabwatan, pagkakalat ng intriga, pagpapain ng mga kandidatong kakampi nito, at iba pa.

Bagamat nagpahayag ng hiwalay na pagrespeto sa naturang desisyon ng Makabayan si Leody de Guzman, progresibong kandidato sa pagkapangulo, tinuligsa sa isang pahayag ng grupo niyang Laban ng Masa ang hakbangin, bilang “mali” o “erroneous.” Lumalabas na pangunahing batayan nito ang pangangailangan ng “paghamon sa pulitikang elite” o “paghaharing elite.” Ayon dito, bagamat kailangang magkaisa para labanan ang “Marcos-Duterte axis of evil” kailangan din daw labanan ang mga “patakarang neoliberal.”

Totoong nababanggit ang paghahari at pulitikang elite sa mga sulatin at pag-aaral ng pambansa-demokratikong Kaliwa, pero idinidiin na neokolonyal na elite ito, sunud-sunuran sa mga imperyalistang kapangyarihan. Tiyak na malaki ang papel na ginagampanan at gagampanan pa ng mga imperyalistang kapangyarihang US at China sa eleksyong 2022. Malaki ang posibilidad na direktang sinuportahan ng China ang kandidatura ni Duterte noong 2016 — laban sa paksyon ng elite ni Noynoy Aquino na sagad-sagaring tuta ng US.

Masaklaw na gawain din ang paglaban, hindi lang paghamon, sa paghaharing elite. Buong panahong ginagawa iyan, hindi lang tuwing eleksyon, at kung nasaan ang mayoryang inaapi at pinagsasamantalahan, sa kalunsuran pero lalo’t sa kanayunan. Nasa esensya niyan ang pagmumulat, pag-oorganisa at pagpapakilos sa masa, hindi lang pagkakampanya ng kandidato at kanilang plataporma sa eleksyon. Dahil mapanganib iyan sa mga naghahari, humaharap sa iba’t panunupil ang mga aktibistang nagsusulong niyan. Sa panig ng New People’s Army at mga organisasyong underground, ang armadong pakikibaka ang pinaka-epektibong paglaban sa paghaharing elite.

Para sa pambansa-demokratikong Kaliwa, isa sa mga sekundaryong porma lang ng pakikibaka ang eleksyon — dahil larangan iyan ng elite sa pangunahin. Pinakamalakas ang mga elite diyan — dahil sa kanilang “guns, goons and gold,” praseng “old but gold.” (Pwede kayang “Tokhang, trolls and Tallano”?) Kahibangan para mga progresibo ang ikonsentra ang lakas diyan — “the electoral arena was perceived to be a fly-trap for all energies to change the structures,” sabi nga ng progresibong kritikong si Edel E. Garcellano.

Pero sekundaryo man, mahalaga pa rin. May mga layuning progresibo na maisusulong sa larangang elektoral, kapwa sa pangangampanya rito at sa pagkaluklok sa ilang posisyon. Ang ganitong pagkilala, gayunman, ay binabalanse ng materyalidad ng eleksyon: paano maisusulong ang mga layuning progresibo sa limitadong larangang elektoral? Dito na pumapasok ang pakikipag-alyansa, sa iba’t ibang porma, sa mga dominante sa larangang ito — sa mga elite, syempre pa. Sila ang may rekurso at makinarya, base at impluwensya rito. Dahil prinsipyado ang pakikipag-alyansang binubuo ng Kaliwa, at dahil elite ang inaalyado sa larangang elektoral, natural na magiging taktikal o panandalian lang ang mga alyansang mabubuo.

Lalong malinaw na tumpak ang ganitong pagharap ngayong eleksyong 2022. Hindi kailangang maging aktibista para makita ang kawastuhan ng pagtutulungan ng Makabayan at nina Leni-Kiko. Ang kagyat na interes ng sambayanan na nakataya sa eleksyong 2022 ay ang pagwakas sa rehimeng Duterte at sa pagpapanumbalik ng paghaharing Marcos — na siyang pinakamasasahol na namuno sa huling kasaysayan ng bansa. Ayon kay Cepeda, ang pinagkaisahang plataporma ay “tugon sa pandemya, karapatan ng mga manggagawa, magsasaka, maralita, katutubo, kalikasan, mga karapatang pantao, at West Philippine Sea” — na pakimi pero walang iba kundi pagtatakwil sa rehimeng Duterte at sa pagpapatuloy-pagpapasahol nito.

Kailangang talunin sa eleksyong 2022 ang tambalang Bongbong Marcos-Sara Duterte. Para magawa iyan, kailangang magkaisa ang pinakamalapad na hanay ng mga mamamayan — lalo na’t, sa karanasan ng 2016, ang pagkakahati-hati ng mga kalaban ni Duterte ang isa sa tampok na nag-ambag sa pagkapanalo niya. Kailangang magkaisa para suportahan ang oposisyong kandidato na may pinakamalakas na tsansang tumalo sa naturang tambalan. Ang pagsuporta sa mahinang kandidato, gaano man ka-tapang o progresibo ng mga pahayag, ay mas mahinang pag-aambag sa kagyat na layuning hadlangan ang pagpapatuloy ng madilim na paghaharing Duterte-Marcos.

Dito na sasagot ang Laban ng Masa, at mga lider nito sa social media, na ang kailangan ay labanan din ang mga patakarang neoliberal, at hamunin ang paghaharing elite sa bansa. Tamang mga layunin iyan, at si Prop. Jose Maria Sison, konsultant ng National Democratic Front of the Philippines (NDFP), na mismo ang kumilala na positibo ang mga tuligsa ni Walden Bello, propesor na kandidatong bise-presidente ni De Guzman, sa neoliberalismo at imperyalistang globalisasyon — bukod pa sa alyansang Marcos-Duterte at pagkamkam ng China sa West Philippine Sea. Positibo rin daw ang pagtindig ni Bello na ituloy ang usapang pangkapayapaan ng gobyerno sa NDFP at ang pakikipagtulungan nito sa mga kandidato ng Makabayan sa ilang isyu.

Pero ang pampulitikang taktika na pinakamabisang mag-aambag sa layuning labanan ang mga neoliberal na patakaran at hamunin ang paghaharing elite ay ang paglaban at pagwakas sa pangunahing tagapagtaguyod ng mga ito ngayon, na gumagamit pa nga ng pasismo para depensahan ang mga ito — ang rehimeng Duterte na gustong ituloy ni Marcos Jr. Dito nagkakaroon ng kongkretong taktikal na target ang paglaban sa mga neoliberal na patakaran at paghaharing elite. Hindi sa eleksyon, at lalong hindi sa eleksyong 2022, maipagtatagumpay ang rebolusyong panlipunan; ang maipagtatagumpay dito ay ang paggapi sa pangkating Marcos-Duterte, hindi pa ang pagbasura sa mga neoliberal na patakaran at paghaharing elite. Pero ang tagumpay na iyan, didiskaril at magpapahina sa naturang mga patakaran at paghahari.

Posible rin ang hindi magtagumpay sa taktikal na labanan na ito. Pero mas malawak ang hanay ng mga Pilipinong gusto nang tapusin ang paghaharing Duterte-Marcos kaysa sa gusto nang hamunin ang pulitika at paghaharing elite sa bansa. Sa pag-abot at pag-oorganisa sa kanila, mapapalakas ang kilusang progresibo at demokratiko laban sa kung sakali’y panibagong rehimeng Marcos. Ang kilusang iyan ang lalaban sa naturang rehimen, at magpapatuloy-magpapalakas sa pakikibaka sa paghaharing elite sa bansa.

Maraming kwestyonable, kung hindi man mali, sa pahayag ng Laban ng Masa. (1) Hindi pagbuntot sa mga burgis o elitistang partido at kandidato ang prinsipyadong pakikipag-alyansa ng Kaliwa. Ang pambansa-demokratikong Kaliwa ang may pinakamalaking nagawa sa paglaban sa paghaharing neokolonyal at elite sa bansa, sa pagpapalakas nito sa rebolusyunaryong pakikibaka. (2) Hindi “ilang espasyo para sa Kaliwa” ang batayan ng “lesser-evil strategy” nito, kundi kagyat na pakinabang o kaunting ginhawa para sa maralita at sambayanan — ngayon, paghadlang sa rehimeng Duterte-Marcos. Makikita sa puntong iyan ang pagtangging kilalanin na may tunay bagamat limitadong pakinabang na pwedeng makamit ang bayan sa eleksyong 2022.

(3) Ano kaya ang ibig sabihin ng akusasyong responsable ang naturang “estratehiya” sa lagay ngayon ng bansa? Kung matagal nang nagsariling palo ang Kaliwa sa eleksyon ay ibayong mas malakas na ito, napaatras ang mga pasista at neoliberal, o nagtagumpay na ang pakikibaka? Mahirap patunayan ang mga iyan. O narito na naman ang akusasyong “enabler” ni Duterte ang Kaliwa? Prinsipyado ang Kaliwa sa pakikitungo noon kay Duterte: sinalubong ang mga progresibong pangako, pahayag at hakbangin — at tinuligsa ang mga kontra-mamamayan hanggang tuluyang nilabanan. Ang kalagayan ngayon ng bansa ay pangunahing kagagawan ng mga dayuhang kapangyarihan, mga naghaharing elite at mga rehimen na kumatawan sa kanila — hindi ng Kaliwa.

(4) Ayon sa Laban ng Masa, malakas at lalo pang lumalakas ang kampanyang elektoral nito, at posibleng may sapat na lakas ang mga progresibo “para manalo ngayon o sa malapit na hinaharap.” Ang sabi ni Karl Marx mismo, “Ang mga tao ang lumilikha ng kasaysayan, pero hindi nila ito nililikha batay lang sa kanilang kagustuhan…” Bagamat makabuluhan ang lakas ng mga progresibo sa bansa lalo na sa pulitika sa batayang antas at lansangan, magandang balik-aralan ang resulta ng mga nakaraang eleksyon, sa partylist man o sa pagka-senador, para mailapat ang mga lutang na paa sa lupa at mapabulaanan ang di-makatotohanang optimismong ito sa eleksyon.

Hindi papahuli sa pagtuligsa, syempre pa, si John Malvar ng sagad-sagaring Trotskyistang World Socialist Web Site o WSWS. Siya ba ang dating Joseph Santolan nito? Napakarami niyang mali, mga iginiit pero hindi mapapatunayan. (1) “Katulad na maka-kanan” o “equally right-wing” daw ang kampanya ni Robredo sa kampanya ni Marcos. Pinaka-maka-kanang rehimen sa kasaysayan ang kay Duterte at ipagpapatuloy ito ni Marcos. Bukod sa may rekord si Robredo na bahagyang kaiba sa ganyang pulitika, naging kritikal din siya sa mga pinakamatinding krimen ng rehimen at ng mga Marcos.

(2) Ang pambansa-demokratikong Kaliwa raw ay “nagdala ng pangmasang pagtutol sa likod ng isa sa mga kinatawan ng mga naghaharing elite. Hindi pa sila nakapagsulong ng independyenteng kampanya.” Halatang makitid na pagtutok lang sa eleksyon ang ganitong pahayag — nagbubulag-bulagan sa buong-taong gawaing aktibista at rebolusyunaryo ng Kaliwa. (3) Sa pagtutol sa pagkamkam ng China sa West Philippine Sea, humahanay raw ang Makabayan at si Robredo sa US. At kung hahayaan lang ang pagkamkam, humahanay naman kaya sa China? Wala sa hinagap ni Malvar ang pagtindig para sa soberanya nang hindi kumakampi sa anumang imperyalista.

(4) At ang pinakakatawa-tawang sinabi ni Malvar: “Ang panganib ng diktadura na tampok na dinadala ng tiket na Marcos-Duterte ay isang ekspresyon ng krisis ng paghaharing kapitalista sa buong mundo. Hindi ito mapipigilan ng pagboto sa karibal na seksyon ng mga naghaharing uri.” Anuman ang kalabasan ng eleksyong 2022, walang pagpipilian ang sambayanang Pilipino ngayon kundi ang labanan ang subok at hayagan nang kinatawan ng diktadura sa bansa, ang tambalang Marcos-Duterte. Mahirap ang laban pero may magagawa para kayanin. Mas tiyak ang pagtatagumpay ng masasama kung maniniwala ang sambayanan sa pasukong paniniwala ni Malvar at ng kanyang Trotskyismo. Maaalala si Gelacio Guillermo, makata: “It will be so much the worse / For us if we believe that life can’t be changed.”

Ang ganitong laging pagbubungkos at pagkondena sa lahat ng paksyon ng naghaharing uri, pagwaksi sa pagpuntirya sa pinakamakitid na target pabor sa pagpuntirya sa buong sistema, pagkampeon ng tunog-kaliwang mga taktika at mensahe nang sintunado sa umiiral na pampulitikang kalagayan sa bansa, at maging ang pagtaliwas sa pinakamalakas na pormasyong Kaliwa — ang lahat ng ito ay mas impluwensya ng mga maka-kaliwang tunguhin sa labas ng bansa, na dumadaloy pangunahin sa social media. Hindi ito nagmumula sa pag-aaral sa kongkretong kalagayang umiiral sa Pilipinas, sa kasaysayan nito, at sa mga prinsipyo at taktika ng Kaliwa sa bansa na, kakatwa, ay namumuno sa isa sa pinakamalalakas na paglaban sa pulitikang neokolonyal at elite sa mundo.

Sa kasaysayan, dumidistansya ang malalaking pulitikong liberal sa Kaliwa kapag sa tantya nila ay malakas sila at kayang manalo. Kahit ang pakikipagtulungan nina Leni-Kiko sa Makabayan ay patunay na talagang malakas ang kalaban. Magiging napakasama sa masang anakpawis at sambayanan kung mananalo ang pangkating Marcos-Duterte, at kailangang gapiin ito sa abot ng makakaya — kasama na ang pagsuporta sa oposisyong kandidatong may kakayahang tumalo rito. Ito ang pangunahing hamon sa mga progresibo at mga Pilipino ng eleksyong 2022. Kongkretong pulitika ito, masusukat ang iba’t ibang pampulitikang linya kung alin ang mas tahas at mainam na magsusulong ng kagyat na kapakanan ng sambayanang Pilipino — higit sa mga progresibo at maka-masang deklarasyon, pagsusuri at pahayag.

09 Pebrero 2022  

 


Featured image: Gabo Pancho