FEATURED Main Story

Utak pulbura (pa rin) sa gitna ng pandemya


Naghahakot nanaman ang gobyerno ng kagamitan pangmilitar habang naghihirap ang taumbayan.

Pagdating sa pandemya, mass testing, ayuda, kalamidad at sakuna, laging sinasabi ni Pangulong Duterte, walang pera. Pero bakit may bilyon siyang pondo para sa kagamitang panggiyera? Sa harap ng sumasahol at kalunos-lunos na kalagayan ng mga Pilipino, nilulustay naman ng administrasyon ang pera ng taumbayan para tustusan ang kanyang militaristang paghahari at giyera laban sa sambayanang Pilipino.

Dalawang taon na ang pandemya. Pero hanggang ngayon, batbat pa rin ng kapabayaan at kapalpakan ang tugon ni Duterte. Habang dumudukot sa sariling butas na bulsa ang mga Pilipino para lang malampasan itong pandemya, todo naman ang paglustay ni Duterte ng pondo ng bayan para sa kanyang militar.

Sa nilagdaan ni Duterte na P5.024 trilyon pambansang badyet para sa 2022, P188.3 bilyon lang ang nakalaan para sa Department of Health. Pero nakapaglaan ang gobyerno ng P213.78 bilyon para sa Armed Forces of the Philippines at P190.69 bilyon para sa Philippine National Police. Kahit ang National Task Force to End Local Communist Armed Conflict (NTF-Elcac), nabigyan ng P17 bilyon.

Nasa P50 bilyon lang ang nakalaang pondo pambili ng mga bakuna laban sa Covid-19 habang P22 bilyon ang pondo para sa pagpapabuti ng mga pasilidad pangkalusugan. Sa kabilang banda, gumastos si Duterte ng P62 bilyon pambili ng 32 pirasong Black Hawk na helicopter. Nauna na ring bumili ng 16 pirasong helicopter sa halagang P11.5 bilyon. Naglaan din ng P19 bilyon para bumili ng dalawang BrahMos missile mula sa India. Gumastos din ng P9.4 bilyon para bumili ng 30 tangke mula sa Israel.

Aanhin ba ni Duterte ang sandamakmak na armas at daan-daang bilyong ginagastos para sa militar? Malinaw namang wala siyang balak gamitin ang mga ito para depensahan ang bansa mula sa pananakop ng Tsina sa teritoryo ng Pilipinas.

Prayoridad ni Duterte na lustayin ang pondo ng bayan para sa gamit panggiyera, hindi para sa pagtatanggol ng bansa kundi para lang sa pagtatanggol sa kanyang pasistang paghahari. Imbes na tustusan ang mga programa para mairaos ang mamamayan sa pandemya, mas pinipili ni Duterte na suhulan ang mga nagpapatupad ng batas gamit ang mamahaling gamit. Gaano na lang ang takot niya na mawala ang suporta ng mga ito sa kanyang rehimen.

Nitong Enero 17, sinabi ni Duterte na bukod sa New People’s Army at mga terorista, Covid-19 daw ang pangunahing banta sa mga Pilipino. Pero ilista natin: dalawang taon na siyang pabaya sa pandemya, mula naman nang maupo siya sa pwesto, wala na siyang inatupag kundi palakasin ang kanyang militaristang paghahari.

Ang totoong banta sa mga Pilipino ay si Duterte mismo.