Dekanong Makabayan

Dr. Naty, babaeng pinakamahusay at pinakamatalino

March 7, 2022

Nakita ni Dr. Naty na hindi mapaghihiwalay ang kalusugan sa usapin ng kaunlaran, kalikasan, at karapatang pantao ng mga komunidad na pinaglilingkuran niya.

Tuwing Marso, ipinagdiriwang ng buong mundo ang Buwan ng Kababaihan o Women’s Month. Dagdag pa rito, ipagdiriwang din natin ang International Women’s Day bukas, Marso 8, 2022.

Sa column natin ngayon, nais kong ipakilala sa mga mambabasa si Dr. Naty Castro, na kamakailan ay inaresto ng mga pulis sa kanyang bahay sa San Juan City at agarang inilipad upang idetina sa Bayugan City, Agusan del Sur sa Mindanao.

Maraming mga grupo ang kumondena sa paraan ng pagkakaaresto sa kanya. Kasama na rito ang Free Legal Assistance Group (FLAG) na pinamumunuan ni Atty. Chel Diokno, ang Commission on Human Rights (CHR), at maging ang University of the Philippines Manila.

Si Dr. Ma. Natividad “Naty” Castro ay nagtapos bilang valedictorian sa College of Holy Spirit Mendiola para sa elementarya at sa St. Scholastica’s College para sa sekondarya. Siya ay nagtapos ng kursong Zoology sa UP Diliman bilang cum laude at nag-aral ng medisina sa UP Manila.

Sa higit 20 taon, nanilbihan si Dr. Naty bilang doktor sa mga mahihirap na komunidad ng Agusan. Siya ay isang community development worker sa pinakamalalayong baryo sa ating bansa kung saan nagtayo siya ng mga community health center at nag-organisa at nagsanay siya ng mga volunteer community healthcare worker.

Naging susi rin siya sa pag-oorganisa ng mga magsasaka, manggagawa, maralitang tagalunsod, kababaihan, kabataan, at mga katutubo upang mahubog ang kanilang kakayahang makipag-ugnayan sa pamahalaan at mga NGO.

Bukod sa kanyang adbokasiya sa kalusugan, mariing tagapagsulong din siya ng karapatang pantao. Naging pangkalahatang kalihim siya ng Karapatan, isang human rights organization, sa Caraga region. Ipinaglaban niya ang karapatan ng mga Lumad at katutubo laban sa militarisasyon at development aggression, o panghahamak sa ngalan ng kaunlaran ng iilan. Kasama na rin dito ang pagpapalayas o displacement ng mga katutubo dulot ng pagmimina.

Kitang-kita ang malubhang epekto nito para sa mga Lumad at katutubo. Sa mga malalaking proyekto tulad ng pagmimina o kaya ay pagtatayo ng mga economic zone, isa ang mga katutubo sa puwersahang pinalalayas. Sila ay pinalalayas sa kanilang mga lupaing ninuno o ancestral domain.

Nakita ni Dr. Naty na hindi mapaghihiwalay ang kalusugan sa usapin ng kaunlaran, kalikasan at karapatang pantao ng mga komunidad na pinaglilingkuran niya. Kung nahaharas at itinataboy ang mga mamamayan, magkakaroon ba sila ng malusog na pamumuhay? Kung kinakalbo na ang mga kabundukan, may pag-asa pa ba para sa malusog na buhay? Para kay Dr. Naty, dapat ding tugunan ang mga malalawak na problemang ito.

Ayon kay Dr. Naty, “Nakita ko na ang paghahasik ng kamatayan at pagbubuo muli ng buhay. Palagay ang loob ko sa kaalamang magpapatuloy ang laban para sa kaunlaran ng taumbayan habang tumutulong ako sa paghubog ng mga pinuno at manggagawa na may integridad at apoy sa kanilang mga puso para sa mahihirap at nasa laylayan.”

Walang duda, siya ay isa sa mga babaeng pinakamahusay at pinakamatalino sa ating bansa.

Sa kabila nito, siya ay na-red-tag sa kanyang pakikipamuhay sa mga naaapi. Sinasabi rin ng kapulisan na siya ay high-ranking na kasapi ng Communist Party of the Philippines. Siya ngayon ay nakadetina para sa mga kasong kidnapping at illegal detention. Mariing pinabulaanan naman ito ng kanyang mga kapamilya at katrabaho.

Sa pagdiriwang natin ng Women’s Month ngayong buwan, alalahanin natin ang maraming kababaihan na nakikipaglaban para sa ating kapakanan at kalayaan, lalo na ng mga binalewala ng lipunan tulad ng mga maralita at katutubo. Kagaya ni Dr. Naty, marami rin sa ating mga kababaihan ang inaabuso at pilit pinatatahimik kahit na ginagawa nila ang tama.

“Sa linya ng aking trabaho, kakaunti ang pera, mahina ang seguridad, ngunit hindi masusukat ang mga reward kapag nakita ko na ang mga sanggol na tinulungan kong mailuwal ay nabubuhay at nagiging mga lider, nag-aalay ng kanilang buhay para sa pagpapatuloy ng development work na tinulungan kong simulan sa kanilang mga komunidad,” sabi ni Dr. Naty.

Ipagdiwang natin si Dr. Naty at ang kanyang mga adbokasiya! Nawa’y tularan siya ng bawat Pilipino!

 


 

Unang lumabas ang kolum na “Dekanong Makabayan” ni Dean Tony sa unang print issue ng Pinoy Weekly ngayong taon. Narito ang bati niya sa mga mambabasa:

Mula ngayon, linggo-linggo akong magbabahagi sa kolum na ito ng mga dapat nating bantayan sa pagpili ng mga bagong lider sa Mayo 2022. Bilang isang guro, abogado, at kapwa Pilipino, simpleng paraan ito upang mailatag sa mga mambabasa ng Pinoy Weekly kung bakit napakahalaga ng Halalan 2022.

Atty. Antonio La Viña

Atty. Antonio La Viña

Isang lider, guro, manunula, at abogado si Dean Tony La Viña. Tatlong dekada na siyang manananggol ng karapatang pantao, lalo na ang karapatan ng mga katutubo. Isa rin siyang kilalang climate at environmental justice advocate hindi lang sa Pilipinas kundi sa buong mundo. Siya ang abogado ng Save our Schools Network at Lumad Bakwit Schools, Kabataan Partylist, at Masungi Georeserve. Isinilang at lumaki sa Mindanao si Dean Tony. Nagsusulat din siya para sa Rappler, Manila Standard, at Mindanews. Kasaluluyang miyembro siya ng Board of Trustees ng Pinoy Media Center at Lead Convenor ng Movement against Disinformation.