Masagana sa Marso
Panawagan ng mga mangingisda sa San Narciso, Zambales, huwag nang pakialaman pa ng mga korporasyon at ng gobyerno ang mga anyong tubig na kanilang ikinabubuhay.
Heto na ang Marso! Sa susunod na dalawa hanggang tatlong buwan, inaasahan ng mga taga-San Narciso, Zambales na magiging masagana ang kanilang huli ng semilya ng bangus (bangus fry).
“Mayabang kami tuwing ganitong panahon,” sabi ni Jellenda Adarayan, 37, tagapangulo ng Bangus Fry Catchers Association ng San Narciso. Lahat raw sa kanilang bayan, ngiting-ngiti at handang makilahok sa iba’t ibang pista. Sayawan kung sayawan talaga, sabi ni Adarayan.
Lahat ng ito, dahil sa yaman na dala ng ilog at dagat. Kung tutuusin, napakaliit na mga isda lang ng mga semilya ng bangus. Pinakamadaling hanapin ito sa bukana ng ilog malapit sa dagat, para maganda ang halo ng tubig-dagat at tubig-tabang. Sabi nga ng mga residente, mata pa lang nila ang makikita.
Pero malaki ang ambag nito sa kabuhayan nila; Sa mga buwan na dumadagsa ang semilya, kayang makabenta ng mga pamilya ng semilya na mapepresyuhan ng dalawang libong piso kada araw.
Kaya naman nang mangamba si Nicole Francia Hubilla para sa pangkain ng pamilya nila, simple lang ang sagot ng kanyang asawa: “Huwag ka mag-alala, malapit na ang Marso.”
Depensa sa ilog at dagat
May sapat na dahilan naman si Hubilla para mag-alala dahil naging mapanghamon ang nagdaang mga buwan para sa kanilang komunidad. Nang makapanayam ng PinoyMedia Center ang mga mangingisda mula San Narciso, may halos isang linggo na ang nagdaan mula nang tapusin nila ang pagkampo sa tabi ng Alusiis o Araos River.
“Umabot po kami ng 27 days. Nag-start po kami ng January 11, natapos po kami ng February 6,” sabi ni Adarayan. Ayon sa kanya, may higit 40 residente ang sumama sa kampo para bantayan ang paghuhukay sa Alusiis River.
Enero 11 nang isara ang ilog para hukayin at gawing bahagi ng road network, na ayon sa Save Zambales Kalikasan Movement (SZKM) ay bahagi ng hindi awtorisadong dredging doon ng AGN Trading para sa isang jetty port na sasakop sa ilang kilometro ng tabing-dagat ng San Narciso at karatig na San Felipe.
Ang SZKM ay koalisyon ng mga mangingisda, resort owner at iba pang residente na naglalayong pangalagaan ang dagat at iba pang yamang pangkalikasan ng komunidad.
“Alam niyo po na maghabol ka lang ng backhoe, yung makipag-usap ka sa matataas na tao na halos magmakaawa ka, ang pagod po,” sabi ni Adarayan.
Ayon sa panayam ng Rappler kay Raldy Pagador, officer-in-charge ng Clearance and Permitting Division ng Central Luzon Environmental Management Bureau, may klasipikasyon na “non-environmentally critical project” ang ginagawa ng AGN Trading. Dahil wala raw kritikal na epekto sa kalikasan ang proyekto, hindi na kailangan ang public hearing.
Pero para sa mga miyembro ng SZKM, lalo na ang mga mangingisda, malinaw ang panganib na dulot ng proyekto.
Sa tingin ng mga mangingisda, kapag tuluyang haharangan ang daloy ng ilog Alusiis, mag-iiba ang halo ng tubig-dagat at tubig-tabang na nagbibigay daan para sa mas magandang pagpaparami ng bangus fry. At tuwing hindi sagana ang huli mula sa dagat, o kaya naman ay delikado pumalaot, sa mga ilog ng Zambales sila kumukuha ng kabuhayan.
“Ang nanay at lolo ko, ganiyang buhay ang kinagisnan namin, pagsesemilya at pagtitinda ng isda,” sabi ni Adarayan. “12 years old pa lang ako, sumasama na ako sa nanay kong magtinda ng isda.” Tinuro rin ni Adarayan ang iba’t ibang isda na naroon sa Alusiis, pati na ang barisaba.
Si Hubilla, kumukuha ng barisaba sa mga ilog na malapit sa Purok 5 gamit lang ang takip ng electric fan nila sa bahay. Kasama ang kanyang mga anak, kaya nilang makapuno ng isang batsa ng barisaba mula sa ilog.
Kaya hindi raw nila maintindihan saan nanggagaling ang Department of Environment and Natural Resources (DENR) nang sabihin nila na ang ginagawa ng AGN Trading ay paglilinis ng ilog, gayong hindi naman tumigil ang pagkuha ng mga residente ng yamang tubig mula dito.
Pinabulaanan rin nila ang sinasabi ng gobyerno na away lang sa lupa ang isyu, dahil lang kasama ang resort owners na nagmamay-ari ng lupa sa SZKN.
“Nagbibigay po sila ng pagkain sa amin kasi hindi po talaga kami makahanapbuhay sa oras na yon [habang nagkakampo] dahil sa tagal nga po namin nandito,” sabi ni Adarayan tungkol kay Heidi Fernandez, executive director ng SZKM, at ang kanyang kapatid na si Rachel Fernandez-Harrison na may-ari ng Zambawood Resort, katabi ng Alusiis River.
Kasama ang pamilya
Sumama pa sa kampo ang ilang kaanak ng mga mangigisda para mas palakasin ang kanilang panawagan laban sa proyekto ng AGN Trading.
Si Hubilla, sinama rin doon kahit ang pinakabata niyang anak na dalawang taong gulang pa lang at ngayon ay natuto nang manawagan ng “backhoe, alisin!”
Para kina Adarayan at Hubilla, ang mga ilog sa Zambales at pati ang karagatan – ito ang tiyak na masasandalan ng kanilang mga anak oras na lumaki na rin sila at magkapamilya.
Ngayon pa nga lang, sumusuporta na sa pamilya ni Hubilla ang panganay niyang nasa high school. Kung kikita ng P300 ang panganay, binibigyan raw niya si Hubilla ng P150. “Ma, ito pambili mo ng bigas, pambili mo ng ulam.”
Umaasa ngayon ang ilang kabataan ng San Narciso na dahil Marso na at galante magbuhos ng biyaya ang karagatan at mga ilog, baka makaipon sila para sa gadgets na kailangan sa school.
Pero nahaluan na ng pangamba ang pag-asa nila ngayong taon — ano kaya ang epekto ng dredging sa bangus fry season ng 2022? Kung anuman ito, tiyak na ang unang apektado ay ang mga ordinaryong residente, mga mangingisda, silang mga umaasa sa ilog at dagat para sa kanilang kinabukasan.