Karapatang Pantao

Sa pagitan ng paalam at panawagan

March 3, 2022

Naroon ang alaala ng mga kasamahan, mga estudyante, at ang hindi malilimutang mga aral at kanta.

Sa Community Technical College of Southeastern Mindanao (CTCSM), Davao de Oro, nakilala ni Jomar Benag si Gelejurain Ngujo II, mas kilala bilang Jurain o Rain. Si Jurain ang naging Grade 10 adviser ni Jomar, at mula pa noon nakita na ni Jomar kung anong klaseng guro, at kalaunan ay kaibigan, si Jurain.

“Kahit kuya o ano tawagin niyo sa akin,” sabi raw ni Jurain sa kanila, kahit pa nga raw tatay, bakit hindi. “Joker rin kasi si Sir Jurain,” sabi ni Jomar. “Kapag mag-joke siya sa akin, mag-aapir pa.”

Tuwing wala silang pasok, tumutugtog si Jurain para sa mga estudyante. Galante siya sa kanyang musika, sabi ng iba pang mga kasamahan, at hinubog niya ang talento na ito para maging higit pa sa personal na hilig lang. Tumugtog na siya sa iba’t ibang pagtitipon, bilang gitarista at isa sa mga singer ng Lumad Bakwit School (Lubas) Band.

Si Jurain ang tumutugtog ng gitara. Mula sa Save Our Schools Network

Tumugtog ang Lubas nitong Nobyembre lang, sa Commission on Human Rights, para sa protesta ng kababaihan laban sa karahasan. Mayroon na rin silang Youtube page na binuksan Agosto ng nakaraang taon at mayroong 38 subscribers.

Ang kauna-unahang bidyo ng LUBAS BAND Youtube page, mga linya at gabay sa pagtugtog ng “paalam na”, orihinal na sulat ng banda. Nakasulat sa pagpapakilala ng bidyo: “Ito ay awit para sa mga kasama na naging inspirasyon at nagbahagi ng karanasan at kaalaman tungkol sa totoong buhay.”

Kuwento ni Jomar, napansin ni Jurain na parang hindi pa nito nadinig kumanta ang estudyante mula nang una silang magkakilala. “Nakakamiss siya.”

Guro at kaibigan

Nang magtapos ng kolehiyo si Jurain, isinapraktika agad niya ang nakuhang Education degree sa pagtuturo sa mga kabataang Lumad sa CTCSM. Nagtungo siya sa Maynila noong 2018 para maging guro sa Bakwit School, at nang ituloy ito sa Cebu, nandoon din siya.

Noong 2019, bago ang pandemya, pinili ni Jurain manatili sa Bakwit School kahit umuuwi na ang ibang guro. Ang paliwanag raw ng guro, isa lang naman ang pamilya niya, samantalang mas maraming bata ang kailangan turuan.

IKaisa si Jurain sa panawagan na tanggalan ng pondo at buwagin ang NTF-Elcac. Mula sa Save Our Schools Network

Hindi man nagwagi si Jurain sa pag-aayang kumanta, higit na malaking tagumpay naman na hanggang ngayon, bitbit ni Jomar ang laging paalala ng guro sa kanila. “Sinasabi sa amin ni Sir Jurain, hindi ka kakampi sa nang-aapi. Kakampi kami sa inaapi.”

Tapos na sana ng Senior High School si Jomar, kaso tumigil siya sa pormal na edukasyon nang ipasara ng Department of Education ang CTCSM noong Mayo 2020. Isa ito sa 215 paaralan para sa Lumad na ipinasara o napilitang magsara mula pa 2016, ayon sa Save Our Schools (SOS) Network, isang koalisyon ng mga organisasyon na naglalayong protektahan ang karapatang makapag-aral ng kabataan.

Utang na loob raw ni Jomar sa CTCSM, sa Bakwit School, at sa mga guro tulad ni Sir Jurain ang kanyang bagong pagtingin sa lipunan.

“Ang aking pagka-ako ay hindi lang para sa akin, hindi lang sa aking pamilya, kundi marami pang mga Lumad, mga kasamahan ko, mga Pilipinong inaapi at nangangailangan ng tulong,” sabi niya. Naninindigan siya na ang pinaglalaban nilang karapatan sa edukasyon, at karapatang magpasya para sa sarili, ay mga laban na hindi lang para sa kanilang komunidad.

Katarungan, imbestigasyon

Pero, sabi ni Jomar, “napakasakit talaga kasi kung sino pa ang gusto magserbisyo sa aming mga katutubo sa Mindanao, sila pa ang pinapatay.”

Isa si Jurain sa binansagang New Bataan 5, biktima ng tinatawag ng SOS Network na masaker laban sa “mga guro para sa Lumad, community volunteer, at tagapagtanggol ng karapatang pantao, hindi armadong rebelde,” 

Ayon sa network, nasa New Bataan, Davao de Oro si Jurain – kasama ang kapwa volunteer teacher na si Chad Booc, community health worker Elgyn Balonga, at ang dalawang drayber na sina Robert Aragon at Tirso Añar – para bisitahin ang komunidad at aralin kung magiging posible ang muling pagbubukas ng isang paaralan para sa mga Lumad.

Pinabulaanan ng network ang anunsyo ng Armed Forces of the Philippines noong Pebrero 25 na namatay ang lima sa armadong pakikibaka. Pebrero 23, nakapagpadala pa raw ng text si Elgyn sa kanyang pamilya na nagpapasundo dahil pabalik na sila sa Davao City.

Sa isang lathalain ng Edge Davao, isang pahayagan na nakabase sa Davao City, noong 2015, sinabi ni Balonga na kulang ang basic health training sa mga nanay doon, at hindi regular ang mga medical mission ng gobyerno. Noong panahong ito, may isang dekada nang nagseserbisyo sa Talaingod si Balonga sa community health programs.

Kilala naman si Chad Booc sa kanyang desisyon na maging guro ng mga kabataang bahagi ng Bakwit School, matapos niyang mamulat sa karanasan ng mga kabataan sa Manilakbayan 2015. Guro man ang turing sa kanya ng mga kabataan na nakasama niya, hindi matipid si Chad sa pagkukuwento tungkol sa natutunan niya mula sa kanila. 

“Gusto din nila laging by group kasi nga sanay sila gumawa ng mga bagay collectively. Tas may student council din sila! Sobrang efficient. Sila yung nagre-resolve ng mga issues sa school!” kuwento niya sa isang Facebook post noong 2016.

Mula sa Twitter post ni Chad Booc

At mula sa ganito niyang mga post, pati mga litrato ng paglalaro nila ng volleyball sa putik o kaya ang pagtawid sa mga ilog, naturuan rin ni Chad ang mga sumusubaybay sa mga kuwento nila online. Kaya naman sunod-sunod ang parangal sa kanya sa social media, bukod pa sa mga protesta.

Bumuhos ang mga pahayag ng kondemnasyon at pagluluksa mula sa maraming indibidwal at organisasyon, kasama ang UP Cursor sa Unibersidad ng Pilipinas – Diliman na dating kinabibilangan ni Chad.

Nasa House of Representatives na ang House Resolution 2500 ng Makabayan bloc, na nag-uudyok sa House Committee on Human Rights na magsagawa ng agaran at matapat na imbestigasyon sa nangyaring mga pagpatay sa New Bataan.

Sulong, abante

Nakasama ni Jomar noon si Chad nang hulihin sila sa isang police raid sa University of San Carlos, Pebrero ng nakaraang taon. Tatlong buwan sila nakadetine, para sa kasong kidnapping, arson, at pati pagnanakaw, pero binasura rin sa isang korte sa Davao del Norte ang mga kaso.

Kuwento ni Jomar, natakot pa nga si Chad sa posibilidad ng tortyur. Pero nang palayain sila ay nagpatuloy naman sa gawain para sa mga kabataang Lumad.

“Sana hindi tumigil ang mga gusto tumulong sa aming kabataan,” sabi ni Jomar.


Walang iisang paborito na kanta si Jurain, sabi ni Jomar at ng iba pa nilang kasama. Marami kasi siyang kinakanta, isinusulat rin.

Pero sa mga nagdaang protesta, may nakahiligan itanghal ang Lubas band: Sulong ng Hopia Tinambacan.

Sa awit ng kapayapaan
At sa sayaw ng pagkakaisa
Sisikat ang araw sayo, kabataan.

 

Avatar

Andrea Jobelle Adan

Si Joby Adan ay nagtapos nang may karangalan ng kursong Pamamahayag sa UP College of Mass Communication sa Diliman, Quezon City. Dating intern, isa siya ngayon sa mga pinakabatang istap ng PW.