Dekanong Makabayan FEATURED

Sina Chad, Jurain, at Daday mga pag-asa ng bayan!


Hayaan ninyong itanim namin ang inyong mga kwento, isulat ang mga ito, at ipasa sa mga susunod na henerasyon ng kabataang Pilipino. Hayaan ninyong itanim namin kayo upang magbunga ng napakarami pang kabataang kasing tatapang at gagaling ninyo, Chad at Jurain.

Noong ika-24 ng Pebrero, ilang linggo lang ang nakakalipas, nabalitaan ng buong bansa ang pagpatay sa limang katao sa New Bataan, Davao de Oro. Kasama dito sina Chad, Jurain, at Daday.

Sinabi ng militar na miyembro New People’s Army ang lima na pinatay. ‘Di umano ay nagkasagupaan sila na humantong sa kanilang pagkamatay. Tila hindi pa sapat ang pagpatay ng militar sa kanila. Inilantad pa ang larawan ng kanilang mga bangkay sa balita.

Hanggang sa kanilang pagkamatay, patuloy ang pag-redtag sa kanila ng pamahalaan at ng mga makakapangyarihan. Sa bawat pagtawag sa kanila na rebelde, komunista o miyembro ng NPA, lalo nilang idinidiin ang sugat sa puso ng mga tunay na nakakakilala at nagmamahal kina Chad at Jurain.

Hindi makatao ang mga pagpaslang! Hindi makatao ang red-tagging!

Ang walang halang na pagpatay sa kanila ay umani ng pagbatikos mula sa simbahan at mga organisasyong nagsusulong ng karapatan ng mga katutubo at ng karapatang pantao. Tinawag din ito ng Lumad schools network na isang massacre!

Bagama’t umaapaw ang pagdadalamhati ko sa massacre sa kanila, gusto kong makilala ninyo kung sino talaga sina Chad at Jurain. Ako ay isa sa mga abogado ng Save our Schools Network at ng mga Lumad schools, kung saan volunteer teachers sina Chad at Jurain. Isa rin si Chad sa mga naging kliyente ko sa kasong isinampa ng mga katutubo laban sa Anti-Terror Law noong 2020.

Kalaunan, isa si Chad sa binansagang Bakwit 7, na kinabibilangan ng tatlong estudyanteng Lumad, tatlong Lumad datu, at dalawang volunteer teacher, na inaresto noon sa loob ng University of San Carlos Talamban Campus sa Cebu. Tumulong ako, kasama ang iba pang abogado, upang mapalaya si Chad sa walang basehang pag-arestong ito.

Sina Chad at Jurain ay mga guro ng mga katutubong Lumad. Nagtapos ng kolehiyo si Chad mula sa University of the Philippines Diliman, samantalang sa Liceo de Cagayan naman si Jurain. Si Chad brilliant at passionate. Si Jurain – napakabait, mapagkaibigan, napaka-sweet, musikero. Sa halip na magtrabaho at kumita para sa kanilang sarili, pinili nila na maglingkod upang pagyamanin ang edukasyon ng mga Lumad.

Si Daday naman ay isang community health worker na nagsisilbi din sa mga Lumad. Hindi ko siya kilala pero marami akong kuwentong naririnig tungkol sa kanyang husay at pagmamahal sa kapwa.

Iyong dalawang driver hindi ko kilala pero dapat din natin ikondemna ang ginawa sa kanila.

Para sa mga nakakakilala sa kanila, bagamat magkaiba ang paraan ng kanilang pakikisalamuha at pakikipagkapwa, masasabi na pareho ang kanilang pagnanais para sa bayan.

Nakita nila ang pangangailangan ng mga Lumad at bakwit sa maayos na edukasyon at kalusugan; ito ang kanilang tinugunan. Nakita nila ang panghahamak at development aggression laban sa mga Lumad sa kanilang ninunong lupain; ito ang kanilang ipinaglaban. 

Kaya naman, hindi ko basta-basta matatanggap ang tahasang pagpaslang at red-tagging sa kanila. Kilala ko sila bilang mga kabataang marunong magpagabay, marunong maglingkod, at marunong manindigan. Hindi sila mga rebelde at hindi nila kailanman ipapahamak ang mga Lumad.

Nais kong tapusin ang pagpupugay na ito sa isang bahagi ng tulang isinulat ni National Artist Virgilio Almario bilang pag-alala kay Chad, na mailalapat din kay Jurain at sa iba pang kasama nilang naglingkod ngunit pinaslang.

Kaya nang paslangin, ang tumulong dugo’y
Dilig lang sa punlang kanyang pinatubo;
Asahang pagbukad, ang rosas na samyo’y
Lulusaw sa dahas at wika ng punglo.

 

Ito ay tugon sa nauna nang isinulat ni Chad noong 2019 tungkol sa pagpanaw ng mga Lumad. Masakit man isipin, ito mismo ang naiisip naming mga nagmamahal kina Chad at Jurain sa mga panahong ito.

Hindi nililibing ang mga namamatay na Lumad. ‘Tinatanim’ sila. 
Pag itinanim ka, ibabalik ka sa lupang iyong pinanggalingan. Ikaw ay parang butil na tinatanim ng mga magsasaka, inaasahang magbubunga pa. Pag itinanim ka, ibig sabihin, sisibol kang muli. Tutubo, yayabong, mamamayagpag, mamumunga at magbubunsod pa ng mas marami. Pag itinanim ka, hindi ito iyong katapusan mo. Ito lamang ang simula mo. Kaya pag namatay ako, ayaw ko ilibing. Gusto ko itanim.

Kaya naman Chad, Jurain, at Daday. Sa inyong marahas na pagpanaw, hayaan ninyong itanim namin kayo. Hayaan ninyong itanim namin ang inyong mga kwento, isulat ang mga ito, at ipasa sa mga susunod na henerasyon ng kabataang Pilipino. Hayaan ninyong itanim namin kayo upang magbunga ng napakarami pang kabataang kasing tatapang at gagaling ninyo, Chad at Jurain.

Hayaan ninyong itanim namin kayo sa pinakalaylayan ng lipunan na inyong pinaglingkuran hanggang sa huli.

Mabuhay ang alaala ninyo, at itatanim namin kayo, Chad, Jurain, at Daday! Katarungan para sa new Bataan 5!


Featured image: Save Our Schools Network