#KuwentongKabataan

Araw ng pagtatapos

April 2, 2022

Sa huling linyang aking pipilahan bilang estudyante, dapat puro galak ang mararamdaman dahil ito na ang sukli sa lahat ng kalbaryo — ang pagtatapos.

Mula pagkabata ramdam ko ang punyagi sa sinumang nakasuot ng itim na toga. Pangarap ko rin ito. Malapit na. Ilang buwan na lang.

Naaalala ko ang pagpila nang pagkahaba-haba sa pagpapasa ng mga kailangan para sa entrance exam at enrollment. Pinagdaanan ko rin ang serye ng pagod at puyat na kasama na yata talaga sa karanasan para magtapos ng kolehiyo (kahit hindi sana, hindi dapat). Positibo ako na sa huling linyang aking pipilahan bilang estudyante ay puro galak ang mararamdaman dahil ito na ang sukli sa lahat ng kalbaryo — ang pagtatapos.

Ngunit malabo pa rin ang lahat. Hindi pa tanaw ang ginhawa mula sa krisis dahil hindi rin matanaw ang komprehensibong plano ng pamahalaan upang masolusyunan na ang dalawang taong problemang sinusuong. Dinanas ng bayan ang muling paglobo ng kaso ng Covid-19 matapos ang pansamantalang kaluwagan nang pumasok ang taon. Kaya malabo pa rin ang ligtas na pagbabalik sa eskuwela at pisikal naming pagdaraos ng pagtatapos sa pamahalaang walang agarang tugon. 

Hindi ito ang unang pasakit sa mga estudyante lalo na sa aming unang batch na tila naging eksperimento sa ilalim ng K-12 program. Hindi ko na matandaan kung kailan ko huling ipinagmayabang sa mga kakilala at sa pamilya ang magiging karera ko sa buhay. Sabi nila, mas matatagpuan ko ang aking pangarap sa dagdag na dalawang taon sa high school, ngunit ngayong papatapos na ako sa kolehiyo, bakit hindi ko pa rin tukoy ang aking hinaharap?

Gaya ng bawat mag-aaral, sabik na sabik na rin akong magtapos at makipagsabayan sa loob ng industriya. Maraming nawalan ng trabaho dahil sa pandemya kaya tiyak na makitid lang din ang tarangkahan para makahanap ng propesyon. Aaminin ko, hindi na galak ang inaasahan ko sa araw ng pagtatapos, may halo na itong pangamba at dismaya kapag iniisip ang reyalidad na haharapin.

 


Featured image: Lumang litrato ng Pinoy Weekly ng graduation day ng isang high school. High school graduation ang huling naranasan ng mga manunulat ng #KuwentongKabataan.
Avatar

Gia Boragay, John Russel Dela Cruz at Eriell Estrada

Sina Gia, Russel at Eriell ay mga intern mula sa Bulacan State University.