Dekanong Makabayan

Anong meron sa ating bukas, pagkatapos ng Halalan 2022?

May 15, 2022

Sa lumiliit na pag-asang mababaliktad pa ang resulta ng halalan, may nabuo mula sa kampanya at kandidatura nina Leni-Kiko na magpapatuloy sa administrasyon ni Marcos Jr.

Hindi pa lumilipas ang isang buong araw matapos magsara ang mga presinto, tila may nanalo na ayon sa partial and unofficial count na inilabas ng Commission on Elections (Comelec). Nanguna sina Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. at Sara Duterte-Carpio bilang pangulo at pangalawang pangulo nang may higit 30 milyong boto, o humigit kumulang 50 porsyento ng mga botante.

 

Marami na ang sumuko at nagpaubaya. Mayroon namang nagbabantay pa hanggang sa pumasok at mabilang ang bawat boto.

 

Nasabi ko na rin sa iba kong panayam at sinulat na ang kredibilidad ng halalang ito ay masusukat din mula sa pagtingin ng publiko. Gaano ba karami at gaano katagal bago naresolba ang mga iregularidad? Ilang oras ang hinintay ng mga botante upang makaboto? Ilang vote-counting machine ang nasira? Napakaraming puwedeng tingnan na anggulo upang masabi na may pagkukulang sa paghahanda o kaya naman ay sa proseso ang Comelec.

 

Ngayong nandito na tayo at may resulta na (bagamat unofficial pa), tingnan natin kung ano ang hinaharap ng Pilipinas sa ilalim ng pamumuno ni Marcos Jr.

Sitwasyon sa Brgy. Pasong Tamo covered court polling center noong naganap na halalan, Mayo 9. | Jose De Vera, Mayday Multimedia

Agad-agad, maisusulat sa mga headline ng mga malalaking news organization sa buong mundo ang pagkapanalo ni Marcos Jr. Napakalala ng dinanas ng Pilipinas noong panahon ng diktadurya ni Ferdinand Marcos Sr. at mga crony nito, at ngayon manunumbalik ang pinakamataas na posisyon sa pamilyang ito.

 

Matutunghayan din natin ang pagsasantabi ni Marcos Jr. sa masiglang diskurso, sa pakikilahok ng tao, at sa accountability mula sa media kagaya ng nakita natin sa kanyang kampanya. Ito ang magiging sentro ng kanyang palaiwas na administrasyon. Hanggang sa matapos ang kampanya, hindi natin nalaman kung ano nga ba ang mga paninindigan ni Marcos Jr. – ang kanyang plataporma, economic plan, at pananaw sa iba pang isyu. Hindi rin natin alam kung sino ba ang ilalagay niya sa gabinete – subalit malamang ay pipili siya mula sa miyembro ng tradisyunal na political elite.

 

Ngunit, nakasalalay pa rin ang mga ito sa kahihinatnan ng mga disqualification case ni Marcos Jr. Noong ika-10 ng Mayo, isang araw matapos ang halalan, ibinasura ng Comelec en banc ang lahat ng mga disqualification case na ito. Hinihintay pa natin kung iaapela ito sa Korte Suprema.

 

Ang totoo nito, kahit na makakuha si Marcos Jr. ng pinakamaraming boto sa halalan, maaari pa rin siyang i-disqualify ng Korte Suprema at mapalitan ng nahalal na pangalawang pangulo. Ayon sa mga resultang nakikita natin, si Sara Duterte ito. Lalo nitong pinagtitibay ang conspiracy theory na ito talaga ang ninanais o plano ni Pangulong Rodrigo Duterte noong simula pa lamang. Ngunit ipinagpapalagay nito na makikilaro ang Korte Suprema – na napakalabong mangyari at hindi ko tinatanggap dahil sa tiwala ko sa integridad at kalayaan ng Chief Justice at mga miyembro nito.

 

Kung sakali mang ma-disqualify si Marcos Jr., asahang mag-aalab ang galit ng kanyang mga tagasuporta. Gayunpaman, maaari silang mahati sapagkat may mga taga-suporta si Duterte na bukas sa posibilidad na humalili si Sara Duterte sa pagkapangulo.

 

Sa lumiliit na pag-asang mababaliktad pa ang resulta ng halalan, may nabuo mula sa kampanya at kandidatura nina Leni-Kiko na magpapatuloy sa administrasyon ni Marcos Jr. Nakapagbuo ng makasaysayang unity koalisyon, mula sa mga pinakakonserbatibong grupo hanggang sa mga pinakaprogresibo, sa malawak na mga batayang sektor, at lalong lalo na mula sa laylayan ng lipunan. Nabuo ito sa inspirasyong inihain nina Leni-Kiko sa kanilang plataporma at pilosopiya ng pamumuno. Walang duda na nagawa nilang higit na mas mapanlikha, mas mapagbigay, at mas makabayan ang kanilang mga tagasuporta.

 

Kaya naman, kung magkakamali si Marcos Jr. sa kanyang mga polisiya at desisyon para sa bansa, ang malawak na koalisyon na pinanday ng kampanyang Leni-Kiko (kasama na rin ang mga tagasuporta ni Ka Leody de Guzman) ang maaaring kumilos upang labanan ang korupsiyon, mga paglabag sa karapatang pantao, ang pagbabalik ng cronyism, at foreign policy na labag sa interes ng Pilipinas. Maaari ring itulak ng koalisyon na ito ang mga polisiya para sa social equality o pagkakapantay-pantay, para sa climate justice, at pagpapatuloy ng peace process – sa Mindanao at maging sa pagitan ng National Democratic Front.

 

Hindi magiging destabilizer ang koalisyon na ito, subalit magiging isang hamon para kay Marcos Jr. na patunayan ang palagi niyang sinasabi na ‘unity’. Kung talagang totoo ang pagkakaisa, dapat niyang buksan ang kanyang pinto sa koalisyon na ito.

 

Isa pa sa mga dapat gawin ay ang pagbubuo ng isang makatotohanang national unity government – hindi mula sa mga political family at mga dinastiya mula sa iba’t ibang rehiyon, ngunit mula sa mas malawak na mga sektor at mga interes sa bansa. Hindi rin dapat isantabi ang mga mahihirap at mga batayang sektor ng lipunan.

 

Sa ngayon, mahirap mang makita nang malinaw kung magagawa nga ba ito, ngunit palaging may pag-asa.

10 Mayo 2022

Avatar

Atty. Antonio La Viña

Isang lider, guro, manunula, at abogado si Dean Tony La Viña. Tatlong dekada na siyang manananggol ng karapatang pantao, lalo na ang karapatan ng mga katutubo. Isa rin siyang kilalang climate at environmental justice advocate hindi lang sa Pilipinas kundi sa buong mundo. Siya ang abogado ng Save our Schools Network at Lumad Bakwit Schools, Kabataan Partylist, at Masungi Georeserve. Isinilang at lumaki sa Mindanao si Dean Tony. Nagsusulat din siya para sa Rappler, Manila Standard, at Mindanews. Kasaluluyang miyembro siya ng Board of Trustees ng Pinoy Media Center at Lead Convenor ng Movement against Disinformation.