Dear Meg

Dear Meg | Paano hindi mawalan ng pag-asa?

May 17, 2022

Nalulungkot tayo, nagagalit, nagulat, nag-aalala, at pinapanawan ng pag-asa. Ang magandang balita: hindi tayo nagsisimula sa wala.

Dear Meg,

Ano nang gagawin natin?

Paano hindi mawalan ng pag-asa?

Labas naman po kayo ng message para sa mga kasama na lugmok ngayon, malungkot.

 

Litrato ni JL Burgos

 



Mga minamahal na sumusubaybay,

Kumusta na kayo? Marahil ay naging napakasakit at nakababalisa ang linggong ito para sa inyo. Alam ko, dahil nitong mga nakaraang araw, natanggap ko ang iba’t ibang bersyon ng tanong na ito: Ano na ang ating gagawin?

Tiyak na hindi ko mailalahad lahat, ngunit narito ang ilang mga hakbang na aking naisip:

Una sa lahat, kilalanin natin ang ating mga nararamdaman. Nalulungkot tayo, nagagalit, nagulat, nag-aalala, at pinapanawan ng pag-asa. Walang mali o tama sa mga damdaming ito; ipinapakita lamang nila kung gaano kahalaga sa atin ang ilang mga bagay.

Nagsisiphayo tayo dahil malinaw sa atin ang dapat piliin: heto ang kaunting pag-asa para sa mas maayos na pamumuno, isang alternatibo sa dinastiyang mukha ng pinakamasahol na bahagi ng pulitika sa bansa. Hindi natin maunawaan kung bakit pipiliin ng taumbayan ang mga umaastang pinuno ngunit walang pakialam sa kanilang kalagayan. Bakit iboboto ang walang-puso, mandarambong, at mamamatay-taong rehimen na kahit kailan ay di nagpahayag ng pag-ako at pagsisisi sa kanilang mga kasalanan? Bakit pipiliin ang mga kandidatong may mahinang track record sa serbisyo publiko at mas malala pa, ay may malinaw na kasaysayan ng kurapsyon at kasakiman, at pagpapatupad ng mga patakarang sumira sa buhay ng marami?

Nabigla tayo, hanggang makita natin nang mas malinaw ang sitwasyon: hindi sila nagkaroon ng pagkakataong makabuo ng matalinong pasya. Ang katotohanang maliwanag pa sa araw para sa atin, hindi pala malinaw sa karaniwang tao. Ano ang alam natin kung paano sila nililo patungo sa bitag sa susunod na anim na taon?

Sa mga araw pagkatapos ng bangungot, nagbunga ng maraming aral ang ilang talakayan kasama ng mga kaibigan, ka-opisina, at kasama. Hindi iilan ang nagbanggit ng panganib na dala ng ating echo chamber – mga espasyo kung saan pare-parehong pananaw ang ating naririnig. Sa loob ng mga ito, nagiging bulag tayo sa uri ng reyalidad na hinuhubog para sa ating mga kapwa Pilipino. Sabi ng isa, hindi pa natin lubos na nagagagap ang lalim ng panlilinlang at ang dami ng kasinungalingang ipinunla sa kanila, dahil tumanggi tayong pasukin ang mga espasyo kung saan ito ipinalalaganap. Ngunit may isang magandang sentimyento ang isang kaibigan: iniisip niya kung paano makapaglalaan ng oras upang makasama sila, nang higit silang maunawaan.

Kailangan natin ng mas marami pang ganitong masalimuot ngunit mahalagang pag-uusap, upang matukoy ang ugat ng gulong ating kinalalagyan, na siyang susunod nating hakbang. Narito ang ilang mga katanungang mainam na masagot: Ano ang hinahanap ng mga mamamayan sa isang pinuno? Ano ang ibig sabihin ng demokrasya para sa kanila? Ano ang kanilang mga mithiin at adhikain, at paano ito maisusulong ng ating kilusan?

Kapag mayroon na tayong mas malinaw bagamat hindi pa buong larawan ng ating dapat gawin, kailangan naman nating maghanda. Aalamin natin kung ano ang ating mga kakayahan at rekurso, at pagkatapos ay mag-oorganisa. Ano ang mga espasyong mayroon tayo at paano natin sila pauunlarin sa mga susunod na linggo, buwan, at taon?

Ang magandang balita: hindi tayo nagsisimula sa wala. Ang pakikibaka nating ito ay karugtong ng pakikibaka sa nakaraang mga dekada, ng mga kababayan nating nangahas humarap sa mga baril at pamalo ng Philippine Constabulary, at sa banta ng pagkakulong noong Batas Militar.

Anu’t anuman, nasa ating panig ang katotohanan. Maaari silang magpakahambog, ngunit alam natin: ang kanilang tagumpay ay nakasalig sa kasinungalingan.

70,000 nating kababayan ang ikinulong, 34,000 ang tinortyur, 3,000 ang pinatay. Nawawala pa rin sina Rizalina Ilagan, Liliosa Hilao, Archimedes Trajano, at marami pang iba. Sa ilalim ng Masagana 99, nabangkarote ang agrikultura at nasadlak sa gutom ang mga magsasaka. Nalugi ang maraming lokal na negosyo, laksa ang nawalan ng trabaho, at mga pamilya sa patakarang labor export. Ito ang mga katotohanang hindi kailanman maililihim, lalo na kung ibabahagi natin ito sa tuwing may pagkakataon. Nagpunla ng disimpormasyon ang pamilya ng diktador sa loob ng mahigit tatlumpung taon upang makabalik sa kapangyarihan. Tungkulin natin ngayon ang matiyaga, sistematiko, at mapagpasyang gapiin ang kanilang propaganda.

Walang shortcut sa pag-oorganisa at pagmumulat. Ang kampanyang Tao sa Tao na sinikap tapusin ng oposisyon sa loob ng ilang linggo ay dapat nating gawin araw-araw hanggang 2025 at 2028, kung nais nating makamit ang tagumpay sa mga halalang ito.

Batayang kahingian ito sa mga aktibista: ang tagpuin ang masa kung saan sila naroroon, magpakabihasa sa kanilang wika, at hikayating makisangkot ayon sa kanilang kahandaan. Kung sila’y nasa TikTok, maglalagi tayo sa TikTok. Kung hilig nilang manood ng vlog, lilikha tayo ng vlog. Kung sila’y nagta-Tagalog, tayo rin ay mananagalog. Sa labanang ito para sa kanilang pakikiisa sa isip at puso, kailangang handa tayong ibigay ang marapat na tugon.

Kaalinsabay nitong tunggalian sa digital na espasyo ay ang tunggalian sa mga komunidad. Kung saan nagkukulang ang edukasyon – isang usaping humihiling ng hiwalay ngunit kaugnay na aksyon – ang pag-oorganisa sa mga komunidad ang siya nating magiging makapangyarihang sandata.

Kailangan natin ng mga organizer ngayon, higit kailanman. Sana’y tumindig tayo kasama nila sa harap ng paniniil, nang maipagpatuloy nila ang pakikipag-usap sa mga kababayang hindi natin mapuntahan dahil abala tayo sa sarili nating mga buhay. Silang mga aktibista, silang mga tina-target ng red-tagging, ang may tiyaga, tibay, at determinasyon para sa matagalang digmaang ito. Pero siyempre, pinakamainam kung lahat, lalo na ang mga kabataang napukaw ng kampanya ng oposisyon, ay magtutungo sa mga komunidad, nang mulat, militante, at organisado.

Pandayin natin ang kilusang yayanig at magpapanginig sa mga diktador. Simulan na natin.*


Nagdadalamhati ngunit puno pa rin ng pag-asa,

Meg

 


p.s. Huwag mag-atubiling lahad ang inyong mga saloobin hinggil sa paksa sa pamamagitan ng mensahe, sa comments section, o sa inyong sariling wall.

Avatar

Dear Meg

Meg holds a Bachelor's and a Master's degree in Psychology from the University of the Philippines. She loves music, visual arts, literature, and psychology, and is passionate about endeavors where these are used to improve the plight of the marginalized.