Karahasan sa halalan

May 16, 2022

Kahit maraming hindi nakaboto dahil sa patayan, barilan, bombahan  at iba pang kaguluhan, mapayapa naman daw ang eleksiyong 2022 ayon sa mga nangasiwa ng seguridad nito. Pero ang karahasan laban sa oposisyon at mga makabayang kandidato, sinimulan na ng gobyerno bago pa ang kampanyahan.

Mula gabi ng Mayo 8 hanggang magsara ang mga presinto sa gabi ng May 9, nakapagtala ng mga insidente ng barilan, pagsabog, panghahagis ng granda, at iba’t ibang porma ng karahasan at kaguluhan sa buong bansa. Marami ring lugar ang hindi na nakapagdaos ng botohan dahil sa karahasan.

 

“Masasabi ng PNP na ang eleksiyong nagaganap ngayon ay generally peaceful,” sabi ni Philippine National Police Gen. Allan Nobleza sa isang press conference noong Mayo 9, ilang oras matapos pagbabarilin ang 3 lokal na tauhang tagapamayapa sa Maguindanao.

 

“Nakakalungkot na may namatay. Sa pangkalahatan, mabuti naman ang lagay ng seguridad sa pamantayan na nakakaboto pa ang mga tao at may pagpapatuloy ng proseso ng eleksiyon,” pahayag ni Armed Forces of the Philippines (AFP) spokesperson Col. Ramon Zagala.

 

Nakapagtala ng 15 na kaso ang AFP, habang 16 naman ang sa PNP, ng mga election-related violence na ikinamatay ng apat at ikinasugat ng 11 tao mula Mayo 8 hanggang Mayo 9. Mababa umano ito kumpara sa 60 kaso noong 2019.

 

Pero hindi ganito ang pagtingin ng mga guro na nagbantay sa halalan. Ikinabahala ng Alliance of Concerned Teachers (ACT) ang maraming kaso ng karahasan na pumasok sa kanilang hotline at nabalitaan sa midya. Ayon sa grupo, nalagay sa peligro ang mga guro at botante dahil sa laganap na karahasan. Nalagay din nito sa alanganin ang kasagraduhan ng mga balota.

Armadong tauhan ng PNP at Philippine Navy sa labas ng lugar-botohan. | Mayday Multimedia

“Lubos na nakakagalit at nakakabahala ang walang-habas na karahasan na inihahasik ng mga nais manggulo sa halalan! Nakasalang dito ang buhay at kaligtasan ng ating mga guro at botante, at ang integridad ng halalan na magpapasya sa buhay ng bansa sa susunod na anim na taon,” ani Raymond Basilio, Secretary General ng ACT.

 

Napilitang umatras ang mga guro na nangangasiwa sa mahigit 47 clustered precincts sa Cotabato City dahil sa pangamba sa kanilang kaligtasan. Nagprotesta na kasi ang mga tao doon dahil sa magulong pagtalaga ng Commission on Elections (Comelec) ng mga Board of Election Inspectors (BEI). Dahil sa insidente, mga tauhan ng PNP ang nangasiwa sa mga Vote Counting Machines (VCM).

 

Sa Lanao del Sur pa lang, anim na ang naitalang patay dahil sa karahasan ngayong eleksiyon. Kabilang dito ang lalaking nag-viral sa social media dahil sa panggugulo at pagsira ng mga balota at VCM sa bayan ng Binidayan, na namatay matapos kuyugin ng mga botante.

 

Gabi ng Mayo 8, pinatay sa Himamaylan, Negros Occidental ang guro na si Mercy Nequia-Miguel na nakatoka sanang mangasiwa sa botohan sa Himamaylan City National High School.

 

Dagdag pa ng ACT, wala ding naideploy na abogado ang Comelec para magbigay ng ligal na tulong sa mga guro mula sa panghaharas at iba pang porma ng karahasan.

 

“Palpak ang Comelec sa mandato nitong tiyakin ang ligtas, malinis, tapat at mapayapang halalan,” ani Basilio.

Protesta ng mga kabataan laban sa dayaan at karahasan sa halalan. | Altermidya

Paliwanag ni Zalaga, ang mga naiulat na kaso ng karahasan ay mula sa mainit na ribalan ng mga lokal na politiko. Wala ring naramdaman ang militar na presensya ng mga tradisyunal na mga grupong itinuturing na banta sa seguridad.

 

Hindi sang-ayon ang Koalisyong Makabayan, na naging mapayapa ang halalan ngayong taon. Marami kasing mga naiulat na kaso ng pandarahas, paninira, red-tagging at iba pang paglabag sa mga panuntunan ng eleksiyon.

 

“Mahirap sabihin kung generally peaceful habang hindi pa nakukumpleto ang datos. Pero ang nakakabahala ay ang laganap at sistematikong dayaan sa pamamagitan ng disinformation at fake news, vote buying, early campainging, harassment and intimidation, red tagging at pamamaslang sa hanay ng oposisyon at progresibo,” ani Teddy Casiño, tagapagsalita ng Makabayan.

 

 

Red-Tagging

 

Talamak na naiulat ngayong eleksiyon ang naglipanang materyales laban sa mga kandidato at party-list ng Makabayan na nakapaskil o nakasabit sa mga lugar ng botohan. Ang itinuturong may pakana, ang National Task Force to End Local Communist Armed Conflict (NTF-Elcac).

 

Sa Police Assistance Desk sa labas ng Pulung Cacutud Elementary School sa Angeles City, may nakasabit na poster na nagsasabing huwag iboto ang Kabataan Partylist dahil alyado ito ng Communist Party of the Philippines. Marami pang kaparehong poster ang namataan sa iba’t-ibang eskwelahan sa buong bansa.

Tarpaulin na nagrered-tag sa mga progresibong kandidato, nagkalat sa labas ng mga botohan.

“Malinaw sa amin na ang may pasimuno nito ay ang NTF-Elcac gamit ang mga pulis, militar at civilian agents nito. Laman ng nasabing mga propaganda materials ang red tagging at paninira na pinapalaganap mismo ng NTF-Elcac. Sa ngayon ay kinakalap pa ng Makabayan ang buong impormasyon at kung kakayanin ng ebidensya ay magsasampa kami ng reklamo sa kinauukulang ahensya,” ani Casiño.

 

Ipinagbabawal sa mga probisyon ng Section 261 ng Omnibus Election Code ang pagbabanta, intimidasyon, terorsimo at panlilinlang para pigilan ang pagboto. Maituturing din sa batas na iligal na pangangampanya ang mga naturang materyales na naglipana sa mismong araw ng botohan.

 

Sa naturang batas, ipinagbabawal din ang paggamit ng mga rekurso ng gobyerno gaya ng, (1) pampublikong pondo, (2) imprenta, estasyon ng radio o telebisyon, at (3) mga kagamitan, sasakyan, at pasilidad, na pag-aari ng mga ahensya nito at ng AFP, para sa anumang porma ng aktibidad sa politika.

 

“Bawal yan, hindi pupuwede yan. Tao, materyal, financial, hindi pupuwede yan na pag-aari ng gobyerno ay gagamitin,” babala ni Department of the Interior and Local Government (DILG) Secretary Eduardo Año noong Marso 24.

 

Naging kontrobersiyal ang NTF-Elcac, dahil sa malaganap at walang tigil nitong paninira at red-tagging laban sa Makabayan gamit ang rekurso ng iba’t-ibang ahensya ng gobyerno na nakapailalim dito. Bilang kalhim ng DILG, isa si Año sa mga pangunahing namumuno sa NTF-Elcac.

 

“Bawal ang ginawang ito ng mga nasabing government agencies. Ito mismo ang laman ng pending na reklamo ng Makabayan at mga partylist nito sa Comelec laban sa mga opisyal ng NTF-Elcac. Layunin ng ganitong iligal na gawain ay siraan ang mga progresibong kandidato upang hindi iboto sa halalan,” sabi ni Casiño.

 

Paliwanag pa niya, ginagawa ng NTF-Elcac ang paninira at red-tagging para bigyang katwiran ang pagsasampa ng mga gawa-gawang kaso, harassment, panggigipit at pagpaslang sa mga lider at kasapi ng Makabayan.

 

“Hindi mapagkakailang may mga nagdadalawang isip o kaya’y natatakot na ikampanya, tulungan o iboto ang mga progresibong kandidato, maging ito’y sa antas lokal o pambansa. Subalit ito nama’y napapangibabawan din,” ani Casiño.

 

 

Bago magbotohan

 

Hindi lang naganap ang karahasan sa mismong araw ng botohan. Ang mga pagpatay, pag-aresto, panunupil at harassment, nagsimula kahit bago pa ang itinakdang campaign period ng Comelec. Maraming kaso ng karahasan ay hindi kaugnay ng lokal na politika at ang itinuturong suspek ng mga biktima, ang gobyernog Duterte.

 

“Malinaw na bago pa ang kampanyahan ng 2022 elections, walang humpay na ang atake sa Anakpawis Party-list. Bago pumasok ang 2022, mas tumindi at lumawak pa ang mga atake,” ani Ariel Casilao, National President ng Anakpawis.

 

“Wala namang ibang gagawa niyan kundi mga personahe ng state security forces, ang AFP at PNP,” dagdag niya.

Anakpawis National Chairperson Randall “Ka Randy” Echanis. | Rick Rocamora

Para sa Ankpawis, isa sa pinakamatinding karahasan sa eleksiyon ang pagpatay sa kanilang National Chairperson na si Randall Echanis noong Agosto 2020. Marso 2021, inaresto naman si Joseph Canlas, vice president ng Anakpawis. Isang buwan pa lang sa kulungan, namatay si Canlas sa sakit dulot ng Covid-19.

 

Hanggang ngayon, nakakulong pa rin si Isabelo Adviento, ika-4 na nominado ng Anakpawis, na inaresto sa Nueva Vizcaya noong Abril 8, 2022, isang buwan bago ang botohan. Sa unang buwan ng kampanyahan, 11 volunteer ng Anakpawis ang inaresto sa Cavite matapos dumalo sa isa sa pinakamalaking campaign rally ng tambalang Leni Robredo at Kiko Pangilinan.

 

“Labas pa diyan yung nakakulong na mga regional leaders, sa Bicol, si Elwin Mangampo, sa Central Visayas, si Alvin Fortaliza, at marami pang municipal ang provincial coordinators na hinaharas at sapilitang pinapasuko. Tinira nila, sa pambansang saklaw, ang buong makinarya na nangangampanya,” ani Casilao.

 

Kinukonsidera ng Anakpawis na ang mga atakeng ito ay naging mayor na salik sa malaking pagbawas ng boto sa kanilang partido.

 

Giit pa ni Casilao, inaatake ang Anakpawis dahil sa track record nito bilang oposisyon at kritiko ng sinumang maupo sa administrasyon at dahil sa pagsusulong nito ng mga panukalang batas para sa reporma sa lupa, pagwakas sa kontraktwalisasyon at pagtaas ng sahod.

 

“Kilala tayo na mabusisi sa mga budget deliberation, sa mga kontra-mamamayang panukalang batas na dumadaan sa Kongreso. Kilala tayong konsistent at malakas na oposisyon na humaharang sa mga pilit nilang idaan sa batas,” aniya.

 

 

 

 

Neil Ambion

Neil Ambion

Gitarista, musikero at tagapagtaguyod ng karapatan ng mga manggagawa, ngayo'y bahagi ng editorial staff ng PW si Neil Ambion.