FEATURED Movie Buff Rebyu

Ang lahat, saanman: ang multiverse sa pelikula at malayang bukas


Salamin ba ng reyalidad ang tinatawag ng popular na kultura na multiverse, na mayroong isang posibilidad na may kalayaan at pagkakapantay-pantay?

Collage of Dr. Strange and Evelyn from Everything Everywhere All at Once

Unang lumitaw ang konsepto ng multiverse sa mga pilosopo ng Greko, tumutukoy sa pagkakaroon ng mga parallel worlds kasabay ng sa atin: mga mundong umiiral sa walang hanggang posibilidad, walang hanggang bersyon ng sarili. Kinalaunan ay ginamit na ito sa panitikan, na tumagos sa popular na media.

Isang maaaring basa sa pagdami ng mga kwento tungkol sa multiverse ay ang paglikha ng tao ng mga mundong pwedeng takasan, lalo na sa panahong patindi nang patindi ang krisis. Gaya ng nag-uudyok sa maraming kababayan nating mangibang-bansa sa gitna pagbagsak ng ekonomiya, gayon din sa panahong patuloy na binabaluktot ang ating kasaysayan.

Lilitaw ang pagnanais na maghanap ng ibang universe kung saan hindi kailanman mananaig ang fake news, hindi pahihintulutan ang pagbabalik ng anak ng diktador, at tuluyang magwawagi ang liwanag sa dilim.

Ngunit kulang na pagtingin ito sa konsepto ng multiverse. Ang pagninilay dito, at paglikha ng sining tungkol dito, ay hindi simpleng pagtakas sa realidad at pagpapakasasa sa ating pantasya. Isa itong pagsasanay sa pagtanaw ng mga posibilidad na maaari nating maabot, dito, sa sarili nating mundo, sa sarili nating panahon.

Kung ang napakaraming imbensyon ng siyensiya ay nagmula sa mga malikot na imahinasyon ng mga manunulat at artista ng sci-fi, hindi imposibleng makahanap ng aral o modelo na maaaring paghahalawan sa pagbabasa, pagsusuri, at pagkilos natin sa sariling kalagayan. 

Pira-pirasong posibilidad

Nitong nakaraan, dalawang  pelikula ang gumamit sa multiverse. Una rito ang inabangan ng marami na Doctor Strange: Multiverse of Madness na ikalawang installment sa kwento ng superhero, sumusunod sa mahabang listahan ng mga proyektong nasa ilalim ng Marvel.

Parte ito ng mahabang pagpapakilala sa multiverse bilang lagusan ng panibagong mga karakter at tagpuan ng mga bagong laban. Madali nang maipapasok ang mga karakter at artista mula sa luma at ibang pelikula na hindi bahagi ng Marvel Cinematic Universe. Sinisigurado nito ang mas malaking kita para sa kumpanya ng Disney, na siyang bumili sa Marvel at unti-unting bumibili sa ilan pang malalaking kumpanyang pampelikula.

Ang multiverse ang naging primaryang lunasaran ni Wanda—kontrabida sa Multiverse of Madness—ng kanyang exodus sa paghahanap sa mga nawawalang anak. Lumitaw sa dulo ng pelikula ang isang gintong aral: susi ang ibang bersyon ni Wanda para sa pagpapatawad ng sarili. Imbes na takasan ang mga pagkakamali at kahinaan ay inako niya ito at hinarap nang buong tapang.

Gayunpaman, mahina ang pagtingin at paggamit ng pelikula sa multiverse. Naging matingkad lang itong palamuti sa kwento, lunsaran at hindi buhay na elemento. Maaari pa nga itong magbunga ng convenient o madali at minadaling resolusyon ng mga kontradiksyon, sa pelikulang ito man o sa mga susunod pa.

Libo-libong durungawan

Kabaligtaran naman ang Everything Everywhere All At Once. Bagaman kilala ang mga direktor at kumpanyang nag-produce nito, maging ang mga artistang sina Michelle Yeoh at Jamie Lee Curtis ay tanyag na sa kanilang larangan, relatibong mas maliit ang budget at sakop nito kumpara sa Multiverse of Madness. Kumpara sa 200 milyong budget ng Multiverse of Madness, nanliliit ang 25 milyon na dolyar na budget ng Everything. Liban doon ay wala itong sinusundan na pelikula at walang nilalatag para sa posibilidad ng sequel.

Ang mga kondisyong ito ang maaaring nagbigay ng mas makulay na interpretasyon sa multiverse. Mahirap sakupin ang lahat ng maaaring masakop sa dalawang oras, ngunit hindi lumagpas ang Everything sa nais nitong gawin.

Simple lang ang nakikita kong nais ng pelikula: ang gamitin ang multiverse bilang salamin ng bidang si Evelyn. Salamin para siyasatin ang sariling repleksyon, ang mga panghihinayang, ang mga kabiguan, at mga tagumpay. Maaari ring magnifying glass para butbutin ang relasyon niya sa kanyang ama, sa asawa, sa anak.

O telescope, para makita na anumang pang-aalipusta at pambabansot na dinaranas niya ngayon sa lipunan (bilang babae, bilang migrante, bilang mamamayan ng kapitalistang bayan), ay may posbilidad na lagpasan ang mga ito, pangibabawan, angkinin. 

Mula sa labas, paloob

Malaki ang pagkakaiba ng dalawang pelikula, ngunit nagtatagpo rin ang diwa nito. Ang mga susing tauhan na si Wanda at Evelyn, si Doctor Strange at Joy, bagaman nariyan ang pagkakataon na iwan ang sariling mundo para sa mas mabuti at matiwasay na bersyon ng kanilang buhay, ay pinili pa ring manatili sa kanilang realidad.

Kinilala nila na kahit tumalon sa ibang universe ay hindi nito tunay na matutuldukan ang anumang kontradiksyon na kanilang iniwan. Hindi paraiso ang nakita nila sa ibang universe kundi pangako na anumang ligayang nasa kabilang dako ay maaari ring matagpuan dito.

Sa dinami-rami ng mga universe, marahil ay may isa kung saan tayo ay malaya at pantay-pantay. Wala nang pagsasamantala. Maaaring sa pagtanaw natin doon ay magkaroon din ng linaw ang kinabukasan ng sariling bayan, maaninag ang matalim na liwanag na pupunit sa dilim.