Dekanong Makabayan

Ano ang mangyayari sa mga kaso ng diskwalipikasyon ni Marcos Jr.?


Paano naman magdedesisyon ang Korte Suprema? Magdedesisyon ba ito sa kaso ayon sa merito na maaaring magresulta sa diskwalipikasyon ni BBM o gagamitin ba nito ang prinsipyo ng judicial restraint upang respetuhin ang mandato na ibinigay ng taumbayan kay Marcos Jr. sa pamamagitan ng eleksyon?

Bongbong Marcos and the Supreme Court of the Philippines

Dumating at lumipas na ang eleksyon subalit walang inilabas na restraining order para sa canvass of votes na isinagawa ng Kongreso para sa dalawang pinakamataas na posisyon sa bansa.

Dahil ilang araw na lamang ang natitira bago ang inagurasyon ni president-elect Ferdinand Bongbong Marcos (BBM), maaaring isang Marcos na naman ang magiging susunod na pinuno ng bansa sa susunod na anim na taon.

Ang tanging natitirang hadlang ay ang kaso ng diskwalipikasyon na unang inihain ng grupo ni Buenafe na ngayo’y nakabinbin sa Korte Suprema. Ayon sa petisyon, si Marcos Jr. ay nakagawa ng krimen na moral turpitude at perjury dahil sa paglagay ng mga maling representasyon sa kanyang certificate of candidacy patungkol sa kanyang eligibility.

Unang ibinasura ng Comelec First Division ang magkakasamang kasong inihain ni Mangelen, ng Akbayan, at ni Ilagan matapos silang mabigong patunayan na nahatulan ng krimen si Marcos Jr. na mayroong parusa ng pagkakulong ng higit sa 18 buwan o kung siya ay sangkot sa krimen na moral turpitude.

Sa ngayon, inuutusan ng Korte Suprema ang mga respondents—Si Marcos Jr., ang Commission on Elections, at ang Kongreso—na ihain ang kanilang mga komento sa mga natitirang petisyon.

Gayunpaman, ang pag-isyu ng temporary retraining order sa puntong ito ay tinatawag na moot and academic sapagkat winakasan na ng Kongreso ang pag-canvass ng mga boto at iprinoklama na nila bilang presidente si Marcos Jr.

Kung iisipin, mas mainam sana kung ibinasura na kaagad ang lahat ng mga ligal na isyu laban kay Marcos Jr. bago pa man ang eleksyon. Sa kasamaang palad, pinalipas pa ito at hinayaan ang napakahalagang isyu ng bansa na dumaan lamang upang ipasa sa Korte Suprema ang pinal na resolusyon.

Bago pa man ang eleksyon, matagal ng hinihingi ng mga nagpetisyon ang maagang pagbigay ng resolusyon sa mga kaso ng diskwalipikasyon ngunit nag-aksya pa ng panahon ang Comelec, at hinayaan ang kasong alikabukin at mawalan ng sigla. Ang komisyong ito ay nagdulot ng pinsala sa bansa at responsable sa gulong naganap.

Paano naman magdedesisyon ang Korte Suprema? Magdedesisyon ba ito sa kaso ayon sa merito na maaaring magresulta sa diskwalipikasyon ni BBM o gagamitin ba nito ang prinsipyo ng judicial restraint upang respetuhin ang mandato na ibinigay ng taumbayan kay Marcos Jr. sa pamamagitan ng eleksyon?

Ang aking sariling opinyon ay dapat maging diskwalipikado si Marcos Jr. Nakakuha man siya ng parusa ng pagkakulong o hindi, ang pag-iwas sa buwis ay isang krimen ng moral turpitude. Ngunit katulad nga ng aking binanggit, ibinigay sana ng Comelec nang maaga ang desisyon bago pa man ang eleksyon at pinagtibay ng Korte Suprema.

Hindi dapat tayo nagpatuloy sa eleksyon na mayroong kaso ng diskwalipikasyon ang isang kandidato. Sa kaso ni Grace Poe noong 2016, ang desisyon ay ibinigay ng Comelec noong ika-15 ng Disyembre at binigyan ng pinal na desisyon ng Korte Suprema noong Abril, isang buwan bago ang eleksyon. Sa kaso ni Marcos Jr., nagdesisyon ang Comelec isang araw matapos ang eleksyon at ang Korte Suprema ay maaaring magbigay ng desisyon isang araw bago ang inagurasyon sa darating na ika-30 ng Hunyo.

Tatlumpo’t isang milyon ang bumoto kay Marcos Jr. laban sa labinlimang milyong boto ng pinakamalapit niyang katunggali na si outgoing Vice President Leni Robredo. Marami mang naiulat na mga anomalya, hindi malinaw kung paano nito maaapektuhan ang naging resulta ng eleksyon. Kung magdedesisyon ang Korte Suprema laban kay Marcos Jr., maaari nitong ideklarang panalo si Robredo o si Mayor Sara Duterte, na walang dudang nanalo bilang bise presidente. Ngunit maaari bang mamuno si Robredo at Duterte nang walang mandato?

Hindi ko alam kung paano magdedesisyon ang Korte Suprema sa mga kaso ng diskwalipikasyon ni Marcos Jr. Kailangan nilang gamitin ang batas o ang pulitikal na karunungan upang makagawa ng mga nararapat na desisyon.

Inaabangan ng bayan na gawin ng Korte Suprema ang tamang desisyon. Nananalig akong gagawin nila ito.