Gappi

Gappi

July 22, 2022

Mahirap ilarawan kung ano si Richard R. Gappi sa Unibersidad ng Pilipinas-Diliman noong dekada 90.

Gappi
Likhang sining ni Jess Santiago.

Mahirap ilarawan kung ano si Richard R. Gappi sa Unibersidad ng Pilipinas-Diliman noong dekada 90. Makata at mamamahayag pangkampus. Bumibigkas ng tula sa mga gabing pangkultura. Laging kasama sa mga protesta. Sa kanyang polo o polo shirt na naka-tuck-in sa itim na slacks na may sinturon at sa kanyang tsinelas o mojos, lutang ang imahe niya. Patunay siya na ang pagiging overstaying na estudyante — at siya ay naging unapologetically and defiantly overstaying — ay hindi laging pag-aaksaya ng buwis ng bayan; sa maraming iskolar ng bayan, tumayo siyang mahalagang guro.

Para sa marami, siya ang imahe ng aktibistang manunulat sa kampus noon: Nababasa sa Philippine Collegian at patnugot ng Rebel Kule. Presensya sa mga pagtitipon. Inaabangan, kinagigiliwan at pinapalakpakan sa pagsasalita. Maalab sa publiko, tahimik sa pribado. Malalim sa kasaysayan at sa usaping pangwika. Minsang puno ng galit, minsang puno ng pagmamahal. Minsang Amado V. Hernandez, minsang Pablo Neruda. (Kagigiliwan niyang i-dikonstrak ang popular na oposisyong iyan.) Isang makina ng mga artikulo, tula at pananaw. (Relatibong bata man siyang pumanaw, nabuhay siya nang lubos at nag-uumapaw.)

Kapag naging aktibista, mas maoobserbahan siya. Mahusay magturo ng mga pag-aaral sa rebolusyon, sining at panitikan. Makikitang malakas manigarilyo, at maririnig na malakas ding uminom ng beer. Mahilig sa Pilot sign pen na pula sa pag-eedit. Mapagbigay sa kanyang oras, komento at panghikayat. Hinahangaang kaibigan ng mga manunulat at alagad ng sining tulad nina Kerima Lorena Tariman. Hindi lang mukhang ermitanyo, parang pantas din magbigay ng kanyang kuro-kuro.

Personal na naranasan ng isang aktibistang nagsusulat-sulat ang pagkapaham ni “Gappi” nang mag-ambag ng sanaysay sa literary folio ng Philippine Collegian. Ito yata ang unang mayor na sanaysay niyang nalathala, at si Gappi ang nag-edit. Natuwa siyang hindi “katay” ang ginawa ng editor, pero kinausap siya ni Gappi tungkol sa isang puntong natahi sa mga inedit.

Ang naaalala na lang niya, iyung isang praseng ginamit, “implisitong pag-amin” — na di-masyadong implisitong paggaya sa “implicit admission” — ay pinapalitan ni Gappi ng “pakiming pag-amin.” Mahaba ang paliwanag, at lumutang ang komentong “mabantot.” Pero ipinunto ng editor ang isang mahalagang leksyong makabayan sa pagsusulat at maraming bagay: dumukal muna sa sariling atin bago manghiram. Hindi lang para maunawaan ng mambabasa, kundi para panatilihing buhay at paunlarin ang kakayahan ng ating wika.

Resulta siguro ang kahinaang iyun ng partikular na konteksto: panahon iyun ng Teorya sa akademya at ng mahiwagang wika sa pagsusulat. Pero resulta rin iyun ng isa sigurong istruktural na usapin sa mga nagsusulat, hindi lang sa mga akademiko ayon kay Toril Moi, kritikong pampanitikan: “Pansin ko, maraming batang akademiko ang nagsusulat mula sa lugar ng takot… Ang kalakaran ng sistemang Amerikano ay lumilikha ng ganung takot. At isang natural na tugon sa takot na iyan ay ang kunin mong modelo ang kung ano ang tingin ng iba na mahusay na argumento, o porma ng panulat.”

Sa isang banda, sa marami niyang tula, sanaysay, at gawain, mga lumang katotohanan ang sinasabi ni Gappi: hindi lang sambayanang inaapi ang mga Pilipino, kundi sambayanang nakikibaka rin. Lubhang kailangan ng pagbabago, at walang pagmumulan ito kundi ang sama-samang pagkilos. Malinaw ang sagot niya sa tanong ni Mao Zedong sa mga manunulat na “Para kanino?”

Sa kabilang banda, palagi ang pagsisikap niyang ilahad ang mga ideya sa bagong porma, kahit pa gumagamit din ng mga lumang anyo ng pagtula gaya ng tagulaylay at ambahan. Lagi’t lagi ang pag-alpas sa takot, ang matapang at pangahas na pagsisikap na mag-isip at magpahayag nang bago at sariwa — kongkretong pagsusuri sa kongkretong kalagayan, humuhulagpos sa bangungot ng nakaraan at kasalukuyan.

Rebolusyunaryo si Gappi, alam iyan ng lahat ng nakakakilala. Naranasan niya ang lihis at itinaguyod ang pagwawasto, matatag na tumindig para sa kilusan laban sa mga nagtangkang mangwasak at nagkalat ng paninira. Hindi siya tagamasid lang na nagsasabing hindi pa natin mabibistahan ang iluluwal ng pakikibaka sa hinaharap. Sa marami niyang sulatin, mababasang buo ang tiwala sa gasgas nang mapula at malayang bukas. Hindi pa siguro dahil isang tiyak na tiyak na “oo” ang sagot niya sa tanong na “Magtatagumpay ba?” kundi: Hindi tayo titigil hangga’t hindi nagwawagi!

Salamat at pagpupugay, Richard R. Gappi!

Avatar

Teo S. Marasigan

Si Teo S. Marasigan ay isang kolumnista na tumatalakay sa progesibong pulitika at popular na kultura.