FEATURED

Ekonomiya kay Marcos Jr: Unang buwan at anim na taon


Matapos ang unang buwan bilang pangulo, naglatag na si Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. ng kanyang plano para sa bayan sa unang State of the Nation Address. Nangangamba ang mga manggagawa at maralita na lalo silang malulugmok sa krisis sa susunod na anim na taon.

Ekonomiya kay Marcos Jr: Unang buwan at anim na taon

Inabangan ng maraming Pilipino ang unang SONA o State of the Nation Address ni Marcos. Naghahanap sila ng malinaw na tugon at aksyon sa lumalalang krisis pang-ekonomiya at pangkalusugan. Sa buong kampanya hanggang sa unang buwan kasi sa puwesto, walang naihapag si Marcos na makabuluhang plano.

Pero lalong nabahala ang mga manggagawa at maralita nang marinig ang SONA. Dismayado sila sa laman, at hindi nilaman, nito.

“Umasa kami na maririnig ang usapin ng kontraktuwalisasyon at sahod bilang tugon sa kinakaharap na matinding krisis. Pero ni minsan ay hindi nabanggit ang mga ito. Malinaw na walang plano si Marcos para sa manggagawang Pilipino,” ani Elmer Labog, tagapangulo ng Kilusang Mayo Uno (KMU).

Bago pa ang SONA, naglatag na ang mga manggagawa ng mga panawagan sa bagong administrasyon gaya ng pagsasabatas ng House Bill 2173 o Pro-Worker Security of Tenure Bill, pagtatakda ng National Minimum Wage, pagtanggal sa excise tax at Expanded Value-Added Tax sa langis, mas mahigpit na pagpapatupad ng occupational health and safety standards at pagrespeto sa karapatang mag-unyon.

“Sabi niya, tutulungan ang mahihirap. Wala naman siyang binanggit sa kongkreto paano iaahon sa hirap ang aming sektor. Kahit sa ayuda, walang maayos na programa,” reaksiyon naman ni Mimi Doringo, pangkalahatang kalihim ng Kalipunan ng Damayang Mahihirap (Kadamay).

Puna pa niya, walang plano si Marcos para sa 6.7 milyong backlog sa programang pabahay ng gobyerno. Nangangamba din ang mga maralitang lungsod na dumami ang mga mawawalan ng tirahan at kabuhayan dahil sa pagpapatuloy ng mga proyektong “Build, Build, Build.”

Kasabay ng mga plano ng kanyang administrasyon para sa susunod na mga taon, ibinida rin ni Marcos ang pagtalaga sa gabinete ng aniya’y pinakamahuhusay na makakatulong sa pagharap sa krisis.

“Nasa mahirap na panahon tayo dulot ng mga bagay na sarili nating gawa, at ng mga bagay na lagpas sa ating kontrol. Pero naghahanap, at patuloy tayong maghahanap ng mga solusyon,” aniya.

Ayon kay Sonny Africa, executive director ng Ibon Foundation, iniwan ng nakaraang administrasyon ni Rodrigo Duterte ang isang ekonomiyang “winasak ng neoliberalismo” at pinalala ng “lubhang palpak” na pagtugon sa Covid-19. 

“Bumagsak ang agrikultura sa pinakamaliit na bahagi ng ekonomiya sa kasaysayan at ang manupaktura sa pinakamaliit sa loob ng 70 taon. Tinatantiya namin na hindi bababa sa 5.4 milyon ang walang trabaho bukod sa humigit-kumulang 20 milyong self-employed at impormal na manggagawa. Ito ang pinakamalalang kawalan at kakulangan ng trabaho sa kasaysayan ng bansa,” ani Africa.

Labis na pagmamaliit naman aniya sa kahirapan ang pahayag ng gobyerno na mayroon lang 4.7 milyong mahihirap na pamilya sa bansa. Sa tala ng Ibon, mahigit pito (7) sa 10 pamilya (19 milyon) ang walang ipon at nasa kagipitan. Mayroon ding higit 140,000 pormal na maliliit na negosyong nagsara sa nagdaang taon. Bukod pa ito sa daan libo pang impormal na negosyo na nagsara.

Lumabas sa huling sarbey ng Social Weather Stations (SWS) nitong Agosto na 48% o katumbas ng 12.2 milyong pamilyang Pilipino ang nakaramdam ng kahirapan nitong Hunyo, mas mataas kumpara sa 10.9 milyon noong Abril.

“Walang sinabi ni isang salita tungkol sa krisis sa trabaho at lumalalang kahirapan at kung paano ito aayusin. Wala ring pagkilala ang SONA sa paghina ng istruktura ng ekonomiya at sa mapanirang 50 taon ng mga neoliberal na patakaran sa malayang pamilihan. Kaya naman hindi man lang maisip ang mga pangunahing repormang kailangan,” ani Africa.

Pag-unlad?

Kumpiyansa si Marcos na sapat ang kanyang mga programa at itinalagang mga tauhan para ibangon ang ekonomiya ng bansa at mapalago pa nga sa mga susunod na taon.

“Inaasahang lalago nang 6.5 hanggang 7.5 porsiyento ang ekonomiya ngayong taon habang patuloy nating binubuksang muli ang ekonomiya,” pagbibida niya.

Target ng administrasyon na magkaroon ng 6.5 hanggang 8 porsiyento na taunang paglago ng gross domestic product (GDP) mula 2023 hanggang 2028. Umaasa rin itong mapababa ang antas ng kahirapan sa 9% o mas mababa pa pagdating ng 2028.

Para magawa ito, irereporma umano ni Marcos ang sistema ng pagbubuwis. Magpapataw ng mga bagong buwis gaya ng 12% Value-Added Tax sa mga digital service providers. Bubuwisan nito ang mga online na transaksiyon gaya ng panonood, pagbili at pagpapadala. Karaniwan nang ipinapasa sa mga konsyumer ang ipinapataw na VAT sa mga bilihin.

Pasisimplehin naman ang pagtupad sa nakatakdang buwis o tax compliance para mapadali ang pagbabayad ng buwis. Magluluwag sa pagbubuwis sa mga dayuhang namumuhunan sa mga economic zones para makaakit pa ng dagdag na investors.

Dagdag-pahirap ito sa mga maralita, ani Doringo. “Dapat ang mayayaman ang malaking ibigay na buwis at huwag nang pilipitin pa kaming mahihirap na hindi na nga makakain nang tatlong beses sa isang araw.”

Makakalikom ng P470 trilyon kada taon ang gobyerno kung papatawan ng buwis ang yaman ng mga bilyonaryo sa pamamagitan ng “wealth tax” ayon sa Ibon.

Pagpapapanggap

Sa nakalipas na pitong dekada, nasa pinakamahinang lagay ngayon ang ekonomiya ng bansa. Sa kabila nito, tinapos ni Marcos ang kanyang SONA sa pagsasabing, “The state of the nation is sound.” 

“Napakalutang ni Marcos Jr. sa ganitong pag-iisip. Ipinakita lang niya kung gaano siya kamangmang o walang malasakit sa kalagayan ng milyun-milyong Pilipino,” ani Africa.

Dagdag pa niya, maayos ang sitwasyon ng mga Marcos, ng malalaking kapitalistang dayuhan at mga oligarko. Sa kabilang banda, dumaranas ng kawalan ng trabaho, pagbaba ng kita, at mataas na presyo ang milyun-milyong ordinaryong Pilipino.

“Hindi namin maunawaan kung paano niya nakakayang sabihin iyan gayong nagugutom at naghihirap na ang mga ordinaryong manggagawa at mamamayan. Sound pa ba ang pag-iisip niya?” tanong ni Labog.

Hindi kumbinsido si Africa na magiging tunay na “upper middle-income” ang ekonomiya ng Pilipinas pagpasok ng 2024. Ang ambisyon aniyang ito ni Marcos ay walang laman at pagpapanggap lamang na maunlad ang bansa sa kabila ng tunay na kalagayan ng mga Pilipino.

“Sa sobrang ‘di pagkapantay-pantay ng kita at yaman, ang upper middle-income na status ay magpapatunay lang kung gaano kayaman na ang iilan at kung gaano kaunti ang natitirang yaman sa mga ordinaryong Pilipino,” aniya.

Susunod na mga taon

Duda ang mga manggagawa at maralita na mangyayari ang pangakong “babangon muli” ang bansa. Tingin nila, wala namang bago o makabuluhang programa ang bagong administrasyon na sasapat para matugunan ang lumalalang krisis at kahirapan.

“Madilim ang kinabukasan ng manggagawa sa ilalim ng administrasyong Marcos. Kung pagbabatayan ang unang SONA, pagpapatuloy lang ito ng mga neoliberal na patakarang sinimulan ng mga nauna sa kanya,” ani Labog.

Para kay Africa, malinaw na ipinakita ng SONA na walang orihinal na ideya para sa ekonomiya si Marcos at ang kanyang economic managers. Mayroon namang mga kagyat at nararapat gawin si Marcos para sa ekonomiya, pero hindi ito kasali sa programa niya.

“Ang dogmatikong pagsunod sa neoliberalismo ay mangangahulugan na ang mga suliraning pang-ekonomiya na minana ng bagong administrasyon ay lalala lamang,” aniya.

Sa kagyat ay kailangan aniyang gawing priyoridad at aprubahan ang pagbigay ng kahit pansamantalang ginhawa sa mahihirap at maging sa mga bulnerable ding middle-class.

Bukod sa P10,000 ayuda para sa 18-19 milyong pinakamahihirap na sambahayan, kailangan din aniya ng suporta sa produksyon ng mga magsasaka, mangingisda at maliliit na negosyante. Sa ganito, matitiyak ang pagtugon sa pangangailan sa suplay ng bilihin at mabawasan ang epekto ng ayuda sa presyo ng bilihin.

Dapat ding gawin ng gobyerno ang mga unang hakbang tungo sa matagalang pag-unlad ng ekonomiya, kabilang ang pagpapawalang-bisa sa Rice Tariffication Law at pagsuporta sa mga panukalang batas na Genuine Agrarian Reform Bill (GARB) at Rice Industry Development Act (RIDA).

“Kailangang pormal na ideklara ang pambansang industriyalisasyon bilang pangunahing estratehiya para sa pag-unlad ng bansa at ipakita na seryoso ito. Palawakin din ang mga pampublikong serbisyong panlipunan at social protection,” ani Africa.

Halimbawa nito ayon kay Africa ang paglikha ng National Industrialization Council, pagkakaroon ng pambansang programa para sa mga Micro, Small and Medium Enterprises, pag-una ang mga produktong Pilipino sa government procurement, paglunsad ng kampanyang Make Filipino-Buy Filipino, at pagsuspinde sa mga bago at pagreview sa mga umiiral nang kasunduan tungkol sa dayuhang pamumuhunan at kalakalan.

Matagal nang isinusulong ng mga makabayang ekonomista ang pagtatayo ng sariling mga industriya. Kailangan anila ito para makawala sa dekada nang pagsandig ng ekonomiya sa dayuhang pamumuhunan na may kaakibat na mga kasunduang nagdidikta ng nagpapalaganap ng kontraktuwalisasyon at pagbarat sa sahod. Sa pagtuon din ng ekonomiya tungo sa pambansang industriyalisasyon, mas magkakaroon ng kontrol ang gobyerno sa ekonomiya at magagawa na nitong tiyakin na ang industriyal na ekonomiya ay nagsisilbi sa pagpapabuti sa antas ng kabuhayan ng mamamayan at pag-unlad ng bansa.

Dahil hindi kasama ang kanilang kagalingan at interes sa mga programa ni Marcos, nanindigan ang mga manggagawa at maralita na tuluy-tuloy na ipaglalaban ang kanilang mga panawagan sa susunod na anim na taon.

“Dahil hindi kami masaya sa SONA ni Marcos, magpapatuloy pa rin ang pagkilos ng mga mamamayan lalo na ang mga maralita para ipaglaban ang kabuhayan, paninirahan, karapatan at serbisyong panlipunan,” ani Doringo.

“Patuloy naming hahamunin at sisingilin si Marcos. Kung may isang bagay tayong natutunan mula sa kasaysayan, noong tumitindi ang krisis at sinisikil ang demokratikong karapatan, ang mga manggagawa ang unang nagprotesta at bumasag sa katihimikan,” sabi naman ni Labog.