Ligtas na balik-eskuwela, panawagan ng masa

Ligtas na balik-eskuwela, panawagan ng masa

August 13, 2022

Hinahamon ng Kabataan si Marcos na gawing makatotohanan, de-likalidad at abot-kaya ang pagtugon sa mga isyu ng sektor ng edukasyon.

Binigyan ng Department of Education (DepEd) ang mga pribado at pampublikong paaralan ng ilang buwang palugit upang ipagpatuloy ang blended learning system sa pagbubukas ng panibagong taon ng balik-eskuwela ngayong Agosto. 

Maaari umanong gamitin ang panahong ito para paghandaan ang isandaang porsiyentong face-to-face na klase na target ipatupad sa darating na Nobyembre, alinsunod sa pahayag ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. sa kanyang State of the Nation Address (SONA)

Ipinaubaya naman ng Commission of Higher Education (CHED) sa pamunuan ng mga unibersidad at kolehiyo ang desisyon ukol sa full face-to-face na klase. 

Si Raven, Grade 12 student sa isang pampublikong paaralan sa Caloocan City, nag-aalala sa kaligtasan ng mga estudyanteng gaya niya sa darating na pasukan. Hiling niya, sana bago ituloy ang face-to-face na klase ay masolusyonan at aksyonan na ng gobyerno ang lahat ng maaring hadlang sa kanilang ligtas na pagbalik-eskuwela.

“Mas siguraduhin ng gobyerno na ligtas talaga, hindi lang sa loob ng paaralan kundi pati sa labas. Mas masaya pa rin mag-aral kapag nararamdaman mo na pinahahalagahan ka rin ng gobyerno,” aniya. 

Ligtas, de-kalidad

Ayon kay Kabataan Partylist (Kabataan) Representative, Raoul Manuel “Dapat ay ligtas, de-kalidad at agaran ang pagbabalik-eskuwela at kahit naman nasa gitna tayo ng pandemya ay kaya namang magbalik sa face-to-face classes. Ngunit ito ay naka depende sa kung paano popondohan ng gobyerno ang mga pangangailangan upang magkaroon ng ligtas, para sa lahat at kalidad na balik-eskuwela.”

Inihain ng Kabataan sa kongreso ang panukalang Safe School Reopening Bill (House Bill 251) na nagtatakda ng pagkakaroon ng 122 bilyong piso na badyet para tiyakin na lahat ng pampubliko at pribadong paaralan, sa mababa at mataas na antas, ay matutulungan. 

Itinutulak ng panukalang batas ang pagtitiyak na handa ang pasilidad ng mga paaralan katulad ng pagkakaroon ng maayos na bentilasyon sa bawat silid, may sapat na supply ng face masks, pondo para lingguhang antigen testing, pagkakaroon ng isang nurse sa klinika ng bawat eskuwelahan at iba pang kailangan ng mga guro, estudyante, at ng mismong paaralan. 

Naglabas naman ng panukala ang pangalawang pangulo at kalihim ng DepEd Sara Duterte na walang eksaktong bilang ng estudyante ang maari sa loob ng isang klasrum dahil hindi parehas ang kapasidad ng bawat paaralan, bagay na hindi naman sinang ayunan ni Manuel.

“Edi wow! Ba’t pa pala tayo nagpatigil ng face-to-face classes noong onset ng pandemic, e ngayon, andyan pa rin naman ang pandemic. Para bang walang nangyari, back to normal lang,” aniya.

Dagdag pa ni Manuel, “Kung kulang ang facilities, dagdagan ang facilities. May tala naman ang DedEd kung ilan pa ang mga paaralan na kulang ang mga ganoong pasilidad, klasrum at upuan.” 

Hindi rin sang-ayon sa panukala ng DepEd ang mga guro. Ayon kay Alliance of Concerned Teachers (ACT) Chairperson Vladimer Quetua, hindi makatarungan ang konsepto ni Duterte na walang sapat na bilang.

“Ako mismo nagtuturo sa 60-70 na bilang ng estudyante, may mga recorded pa nga tayo ng isandaang bilang na estudyante, e kung ganoon ang tuturuan mo maliban sa kalidad ng edukasyon, paano pa ang may kinalaman sa pandemya?” aniya.

Para sa ACT, ang isang guro ay dapat nagtuturo lang ng 35 students kada klasrum. Kaya panawagan nila, magkaroon ng mass hiring ng mga karagdagang guro ngayong pasukan.

Dapat din umanong maglunsad ng malawakang learning assessment sa mga estudyante dahil dalawang taong nagkaroon ng learning gap bunga ng kapabayaan ng nakalipas na administrasyong Duterte sa edukasyon.

Ayuda

Hindi pa handa sa pasukan si Earl, estudyante sa kolehiyo. Kinukonsidera pa kasi niya ang kakayanan nila sa pinansya.

“Bilang anak ng isang minimum wage earner mahirap mag-budget ng pera lalo na kung di naman ganun ka-stable,” aniya.

Panawagan ni Earl ngayong pasukan na bigyang pansin sana ng gobyerno ang kakayanan sa pinansya ng mga magulang at mag-aaral na aniya’y hindi naman lahat nakakaluwag sa buhay.

“Sana bago magkaroon ng balik-eskwela, mabigyan ng halaga ang iba pang sangay kagaya ng sahod dahil maraming estudyante ang kumakayod magkaroon lang ng pera para maisalba ang araw-araw,” sabi niya.

Inihain din ng Kabataan ang Emergency Student Aid and Relief Bill (House Bill 252) na ipinanunukalang magbigay ng P10,000 ayuda para sa bawat estudyante upang makatulong sa pagpapatuloy ng kanilang edukasyon, lalo na ngayong nagtataasan ang presyo ng bilihin at pamasahe.

“Ang approach kasi ng gobyerno e,  schools, teachers at mga magulang ang sumasalo, masabi lang na magbubukas by November pero walang right funding. Problema, puwede na pumasok pero tumataas pa rin ang bilang ng walang mga trabaho, tumataas rin ang mga bilihin, at pamasahe, yung iba kailangan mag-dorm para makasali sa klase,” paliwanag ni Manuel. 

Laman din ng panukalang batas ng Kabataan ang pagkakaroon ng moratorium sa pagtaas ng matrikula sa mga pribadong paaralan.

Nanawagan naman ang ACT na tiyakin din ng gobyerno ang health protection and benepisyo ng mga guro. Isa sa ikinalulungkot ni Quetua ang kawalan ng responsibilidad ng gobyerno sa mga guro kung sila ay tatamaan ng sakit. Dagdag pa rito ang tuloy-tuloy na trabaho kahit bakasyon.

Hinahamon ng Kabataan si Marcos na gawing makatotohanan, de-likalidad at abot-kaya ang pagtugon sa mga isyu ng sektor ng edukasyon. Ani Manuel, hindi dapat ito tumulad sa nakaraang administrasyon na hinayaang marami ang hindi nakakapag-aral at ginawang palusot ang pandemya upang hindi magbukas ng paaralan.

“Hindi impossible agad (na magbukas ng mga paaralan) at gawin siyang ligtas. Matter lang talaga kung gusto siya gawin ng gobyerno,” sabi ni Manuel.

Avatar