Mabilis na aksyon sa lindol, hamon sa mga Marcos


Bakas sa mga gumuhong gusali at nananatiling pangamba ng mga mamamayan ang tindi ng pinsalang dulot ng lindol na tumama sa Abra at mga kalapit-bayan nito sa Cordillera Administrative Region, Ilocos Region, at Cagayan Valley nitong Hulyo 27, alas-otso y medya ng umaga. Sa tala ng Philippine Institute of Volcanology and Seismology (Phivolcs), umabot sa […]

Mabilis na aksyon sa lindol, hamon sa mga Marcos
Mabilis na aksyon sa lindol, hamon sa mga Marcos
Pagbaha resulta ng pagkasira ng mga dam sa Barangay Ballayangon, Pinukpuk, Kalinga matapos ang lindol. Larawan mula sa Cordillera Disaster Response and Development Services

Bakas sa mga gumuhong gusali at nananatiling pangamba ng mga mamamayan ang tindi ng pinsalang dulot ng lindol na tumama sa Abra at mga kalapit-bayan nito sa Cordillera Administrative Region, Ilocos Region, at Cagayan Valley nitong Hulyo 27, alas-otso y medya ng umaga.

Sa tala ng Philippine Institute of Volcanology and Seismology (Phivolcs), umabot sa magnitude 7.0 ang lakas ng lindol na nagpabagsak sa mga tipak ng bato mula sa kabahayan, mga gusaling pang-negosyo, pati ang mga makasaysayang simbahan na itinayo dalawang siglo na ang nakalipas. 

Hanggang sa kasalukuyan, hirap pa rin ang mga mamamayan na magbalik sa normal nitong pamumuhay. Bitbit pa rin nila ang pangambang maaaring mangyari bunsod ng mga nagpapatuloy na aftershocks at maging ang karanasan sa lubos ding mapaminsalang lindol sa Luzon noong Hulyo 1990.

Para sa Kilusang Magbubukid ng Pilipinas, nararapat lamang na maramdaman ng mga biktima ang pamilya Marcos – na may mga okupadong posisyon mula pambansa hanggang lokal na pamahalaan – lalo’t apektado rin ang kanilang baluwarte na Ilocos Norte. 

Nakaupo na bilang pangulo si Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr.. Senadora ang kaniyang ate na si Imee. Habang ang kaniyang anak na si Sandro ay kinatawan sa Kongreso ng unang distrito ng Ilocos Norte. Marcos din ang umookupa ng posisyon sa pagka-gobernador at bise-gobernador ng probinsya, maging ang pagka-alkalde sa kabisera nitong Laoag City.

“Dapat maramdaman ng mga taga Norte — lalo na ng mga mahihirap na nabiktima ng lindol — ang tulong ng mga Marcos at ng iba pang dinastiyang nakaupo sa puwesto,” pahayag ng KMP.

Ayon sa pinakahuling tala ng National Disaster Risk Reduction Management Council (NDRRMC), mahigit sa 400-milyong piso na ang pinsala sa mga imprastraktura dulot ng trahedya. Nasa 82,000 pamilya naman ang apektado kung saan 1,113 dito ang mga nasa evacuation centers. Umabot na rin sa 10 ang bilang ng mga nasawi.

Idineklara ang state of calamity sa lalawigan ng Abra isang araw matapos ang pagyanig. Sa pagkasira ng mga daanan at iba pang imprastraktura, naantala din ang kabuhayan ng mamamayan dahil sa nahintong takbo ng mga negosyo. 

“Marami namang naisakay, kakaunti ang nagbibiyahe kasi walang gasolina. Mga ibang gasolinahan hindi nagbukas,” sabi ng tricycle driver na si Lito Beleno sa panayam ng TV Patrol.

Agaran din naman ang pagdating ng tulong ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) tulad ng mga pagkain, tubig, at iba pa ngunit hindi lamang ito ang kakailanganin ng mga biktima.

Sinabi ng KMP na nasa halos 14-bilyong piso ang natitirang calamity fund sa 2022 budget habang 699-milyong piso naman ang dagdag na pondo mula sa pagpapalawig ni dating pangulong Rodrigo Duterte sa natirang pondo noong 2021.

Diin ng grupo na huwag lamang pagtuunan ng pansin ng pamahalaan ang kasalukuyang pangangailangan ng mga biktima lalo na iyong mga mahihirap. Nararapat din, anila, na paglaanan ng gastos ang rehabilitasyon at pagbangon ng mga nasalanta.