Maid in Malacañang: Sining at pelikula sa panlilinlang

August 4, 2022

Para sa mga biktima ng mga makadayuhang batas o polisiya ay isa itong insulto sa kanilang mapait na panahon. Malinaw ang layunin ng pelikula na iromantisa ang pamilya ng Marcos at ibaon sa kasaysayan ang kahirapan at karahasan ng panahong iyon. 

Noong Hulyo 17, 2022, pumatok sa iba’t ibang plataporma ng midya ang pelikulang Maid in Malacañang. Ang lumikha at direktor ng pelikula, si Darryl Yap, kilalang tagasuporta ng mga Marcos at talento ng Viva Films. Ipinapakita nito ang sumada ng huling 72 oras ng pananatili ng mga Marcos sa loob ng Malakanyang bago tumakas papuntang Hawaii noong 1986 pag-aalsa sa EDSA. Batay sa mga lumikha at tagasuporta, parte raw ito ng kasaysayan. Ipinapakita rin nito ang magaang at halaghag na pamumuhay ng mga Marcos na hindi nakikita ng publiko, malayo kung paano namumuhay ang mga pamilyang Pilipino at kumakayod sa araw-araw.

Bawat parte ng pelikula ay naglalaman ng magkasagupa na dalawang panig at kulay ng mga namumuno sa ating bansa, ang pula at dilaw, gayon din ng mga Pilipino na naghahayag ng kanilang pagkasuklam sa parehong panig. Sa bawat nagdaang rehimen at pag-iba ng mukha ng mga namumuno sa bansa ay hindi mawawala sa karanasan ng mga Pilipino ang pagpapahirap at pagkitil sa pamamagitan ng mga militar at pulis. Ngunit ang nilalaman ng pelikula ay sa isang naghaharing pamilya lamang pumapanig. Bawat kasawian ng mga manggagawa at magsasaka dahil sa pamumuksa,  pagkawala ng kabuhayan, pagbagsak ng ekonomiya, at paglobo ng implasyon ay pinapalala ng bawat nagdaang rehimen. Para sa mga biktima ng mga makadayuhang batas o polisiya ay isa itong insulto sa kanilang mapait na panahon. Malinaw ang layunin ng pelikula na iromantisa ang pamilya ng Marcos at ibaon sa kasaysayan ang kahirapan at karahasan ng panahong iyon. 

Binibigyang-biswal din ng pelikula ang tunggalian ng mga naghaharing uri sa ating bansa upang manatili ang tuon at pagtaas ng mga Pilipino sa mga pangulo upang kamanghaan at dakilain dahil sa labis na kapangyarihan nito. Ito ay isang kultura na pinapalaganap sa malawak na mamamayan ng mga politiko at mga mayayaman upang pilit na bigyang positibong pananaw ang kahirapan at kagutuman. Katulad ng ibang likhang sining na ang bida ay ang mga nakatataas ay naglalaman ng mga kwentong nagpapatampok sa kanilang buhay kung papaano ito naging matagumpay ay napakalayo sa reyalidad na karanasan ng mga Pilipino. Isa ito sa halimbawa na binibigyang pondo ng mga politiko, ang telibisyon, radyo, at iba pang plataporma na dinadaluyan ng iba’t ibang pelikula, impormasyon, at sining sa langaran ng kultura. Patunay ito na ang kultura ng bansang Pilipinas ay halaw sa kultura ng mga dayuhan at umaayon sa kung sino ang nakatataas. 

Sa kabila ng mga balitang naipapalabas araw-araw ay sinusundan ito ng mga programang nag normalisa sa lumalalang kalagayan ng mga Pilipino. Ang pelikulang ‘Maid in Malacañang’ ay uri ng kultura na pinopularisa sa publiko upang ibasura ang karanasan ng mga biktima sa ilalim ng Martial Law na dikta ng mga Marcos. Kasangkapan ang ganitong kultura upang tanggalin sa kasaysayan ang mamamayang Pilipino at bigyang liwanag ang mga proyekto na walang benepisyo sa mamamayan at pagturing na bayani sa mga lider indibidwal. Pinili ng pelikulang ‘Maid in Malacañang’ na ang itala at ituring na kasaysayan ay ang naging buhay bago ang pag-alis at pagbalik ng mga Marcos sa bansa ngunit hindi ang buhay ng libo libong Pilipino na nasa labas ng lansangan na dahilan ng pagpapatapon sa diktador sa labas ng ating bayan. 

Ang klase ng kulturang dayuhan na kumakalat sa ating bansa ay sanhi ng mga umuusbong na programa, patalastas, nobela, at pelikula na kagaya ng ‘Maid In Malacañang’. Dahil sa paglawak nito ay nagiging daluyan ang iba’t ibang klase ng sining ng mga maling impormasyon, kasinungalingan, pagbaluktot, at rebisyunismo sa ating kasaysayan. Ito ay hakbang na tuluyan na lamang gawing chismis ang historya ng ating bansa. Ang pelikulang ‘Maid in Malacañang’ ay  kasalungat ng katotohanan. Pilipino ang lumikha ng yaman sa ating lipunan, ang nagbibigay ng kapangyarihan, at dumaranas ng kahirapan, Pilipino ang tunay na bayani at bumubuo ng kasaysayan. 

Maituturing na kahit sa loob ng kultura na umiiral sa ating bansa ay may paksyon din na sumasalamin sa bawat uri.  Bilang pantapat ng ilan sa mga artista ng bayan ay lumikha rin ito ng pelikulang pinamagatang “Katips” na nilikha ay dinerekta ni Vince Tañada na binigyang parangal at pinuri sa 70th FAMAS Award sa Metropolitan Theater. Ipinapalabas naman nito ang hirap na dinanas ng mga Pilipinong biktima sa ilalim ng Martial Law at pakikibaka ng mamamayan na pinangunahan ng mga kabataang estudyante na nagpapatuloy hanggang sa kasalukuyan. Sa kabila ng pagwasak at pagbasura sa tunay na kwento ng mamamayan ay marapat na labanan at itakwil din ito para sa pag-ingat sa ‘di malilimutang karanasan at kinagisnan ng mga Pilipino.

Avatar