Rebyu

Nasayang na pagkakataon


Hinggil sa Katips (dir. Vince Tanada) Una sa lahat, ipinagpapalagay na nating maganda ang intensiyon ng Katips, at dahil dito’y dapat papurihan at pasalamatan ang mga gumawa. Mahusay din ang tiyempo ni Vince Tanada sa pagpalabas ng kanyang pelikula kasabay ng pelikulang pampropaganda na Maid in Malacanang – kapwa para sa pampulitikang mga layunin at para sa komersiyal […]

Nasayang na pagkakataon

Hinggil sa Katips (dir. Vince Tanada)

Sa opisina ng Collegian, kung saan din ang opisina ng Ang Bayan, nagpompyang ang iba’t ibang karakter, mga miyembro ng “Bagong Katipunan” bilang simbolo ng pagkakaisa. Labu-labo na. (Screencap mula sa trailer ng Katips)

Una sa lahat, ipinagpapalagay na nating maganda ang intensiyon ng Katips, at dahil dito’y dapat papurihan at pasalamatan ang mga gumawa. Mahusay din ang tiyempo ni Vince Tanada sa pagpalabas ng kanyang pelikula kasabay ng pelikulang pampropaganda na Maid in Malacanang – kapwa para sa pampulitikang mga layunin at para sa komersiyal na mga tunguhin niya. Samantala, sa bahagi ng mga manonood, lalo ng mga kaibigan at kakilalang naghikayat sa social media manood ng pelikulang ito, hindi ito kataka-taka at hindi sila masisisi rito. Tama namang manghikayat na manood ng anumang pelikulang tumataliwas sa namamayani-na-ngayong maka-Marcos na mga naratibo ng batas militar. Dapat lang na manghikayat sa mga alagad ng sining na mag-ambag sa pagsisiwalat sa mga tiraniya ng nakaraan, at manghikayat na makilahok sa kasalukuyang mga paglaban para sa progresibong pagbabago.

Gayunman, hindi lang sa nilalaman o tema ng pelikula makikita ng pampulitikang paninindigan nito. Makikita rin ito sa pormang ginamit ng manlilikha ng pelikula. Makikita ang tindig nito sa kung papaano hinabi ang kuwento, binuo ang mga diyalogo (at musika), tinanghal ang iskrip at mga kanta. Sa kaso ng Katips, nakalulungkot ang tila di-napag-isipang iskrip, ang isteryotipikal at walang-buhay na mga karakter, ang nakakainis at korning diyalogo, ang mga kanta na sa maraming pagkakatao’y tila ipinilit lang at di masyado pasok sa naratibo. May mga bahagi ng pelikula na biglang magbabago ng tono. Hindi rin kayang bigyan-katwiran ng anumang nosyon ng “artistikong lisensiya” ang kawalan ng lohika ng maliliit pero mahahalagang detalye. Halimbawa, kailan pa sinabi ng tatay ni Lara na susunduin siya sa paliparan, kung panahon pa ng First Quarter Storm nawala/nadukot ang tatay niya? May mahigit dalawang taon ang pagitan ng FQS at deklarasyon ng batas militar. Sa isa pang eksena, magkasama sa iisang opisina ang Philippine Collegian (opisyal na pahayagang pang-estudyante ng UP) at Ang Bayan, opisyal na pahayagan ng Communist Party of the Philippines. Hindi na kailangan ng red-tagging; damay-damay na ito.

Malaki rin ang problema ng karakterisasyon. Kung ano ang mababaw na pagkakakilala ng karamihan sa madla sa mga aktibista, iyun ang pagsasalarawan dito. Palaging galit ang pinakikitang senyor na aktibista na si Panyong (karakter na ginanap ni Vince Tanada). Maarteng matapobre na liberal sa seks ang Fil-Am na si Lara (na isang broadway star daw, pero walang pera?). Iyung isang karakter na Bisaya, ginawa pang comic relief. Marami pa.

Sa kabila nito, mabuti namang natuwa, diumano, ang marami sa mga manonood ng pelikula sa mga sinehan. Umabot daw sa mahigit P40 Milyon ang kinita ng Katips sa unang araw sa takilya. Marahil, ito ang unang pagkakataon para sa maraming manonood (kabilang ang mga kabataan) para makakita ng biswal na representasyon ng pandarahas ng Estado sa ilalim ng batas militar ni Marcos. Mabuti’t naging pagkakataon ang mga pagpapalabas para sa ahitasyon nila. Sana ipagpatuloy ito sa pamamagitan ng pagpapalalim pa ng kanilang kaalaman at pag-ambag na rin sa pagpapalaganap ng mga naratibong mas epektibong babangga sa namamayaning mito ng mga Marcos.


Unang nalathala sa Bonfires Leaping, personal na blog ng otor.