Dekanong Makabayan

Paano na ang bayan sa panahon ni Marcos?


Sa ika-25 ng Hulyo, magaganap ang unang State of the Nation Address (SONA) ng bagong presidente na si Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. Dahil dito, nais kong talakayin natin ang maaaring (at sanang) lamanin ng kanyang SONA. Higit na mahalaga ang SONA na ito dahil hindi natin narinig ang palataporma ng pangulo noong kandidato pa lamang siya.

Sa ika-25 ng Hulyo, magaganap ang unang State of the Nation Address (SONA) ng bagong presidente na si Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. Dahil dito, nais kong talakayin natin ang maaaring (at sanang) lamanin ng kanyang SONA. Higit na mahalaga ang SONA na ito dahil hindi natin narinig ang palataporma ng pangulo noong kandidato pa lamang siya.

Isang paglilinaw lang na hindi madaling tanggapin ang pagkapanalo at pagbalik sa Malakanyang ng isang Marcos. Malay tayo sa epekto ng pagkapanalo niya sa mga naging biktima ng batas militar. Nakita rin natin kung paano niya iniwasan ang mga paratang ng hindi pagbabayad na buwis pati na ang mga presidential debate. Higit dito, napanood natin siya at ang kanyang pamilya na gumastos para magpakalat ng kasinungalingan at disinformation. Sa kabuuan ng kampanya ni Marcos Jr., nakita natin ang pagtatangka ng kanilang pamilyang linisin at pabanguhin ang kanilang pangalan sa pamamagitan ng social media.

Habang may mga kapwa-Pilipino tayong patuloy na nagdurusa mula sa karahasan at korupsyon ng diktadura ni Marcos, pinapaniwala ang netizens na ang pamilya nila ang daan patungo sa pagbabago at kasaganaan.

Sa kabila ng mga kontradiksyon na ito sa likod ng kanyang pagkapanalo, mahirap man sabihin, naluklok pa rin si Bongbong Marcos bilang pangulo. Kailangan nating harapin ito nang may malawak na pagtingin. Habang naghahanda si Marcos Jr. para sa kanyang unang SONA, hinaharap natin ang maraming krisis—sa pagkain, enerhiya at kalusugan. Nararamdaman na natin ang epekto nito sa inflation pa lamang. Patuloy ding lumalala ang kalagayan ng kalikasan. Dagdag pa rito, patuloy ang paglabag sa mga karapatang pantao sa bansa sa pamamamgitan ng red-tagging at ‘tokhang’.

Kaya naman kailangan nating hanapin ang mga munting oportunidad sa bagong administrasyon para sa ikabubuti nating mga ordinaryong Pilipino. At sana, tugunan din ang mga ito sa nalalapit na SONA.

Una, sa ilalim ng bagong administrasyon, inaasahan nating tuluyan na babaguhin ang madugong ‘drug war’ na sinimulan ni Duterte. Sinabi na rin ng bagong National Security Adviser Clarita Carlos na dapat itigil na ang red-tagging. Sa bagong administrasyon, sana ay itigil nang tunay ang karahasan sa mga mahihirap na komunidad at sa mga aktibista. 

Karagdagan, ang bagong gabinete ng Pilipinas na may hawak ng mga departamento ay kalakhang hindi sinasakop ng militar. Madalas ay hindi ganito ang kaso. Ibig sabihin, maaasahang bihasa sa iba’t ibang larangan ang mga bagong miyembro. 

Bilang ang pangulo mismo ang Department of Agriculture Secretary, dapat ay asahan nating mangunguna siya sa pagresolba sa food insecurity o kakulangan ng pagkain. Pareho ang inaasahan sa bise-presidente na si Sara Duterte bilang Department of Education Secretary. Dapat ay maglaan siya ng oras upang mapabuti ang sistema ng ating edukasyon na nagdusa dahil sa pandemya. Sana ay pakinggan ang mga mag-aaral at guro sa halip na pilit na ipatupad ang ROTC.

Habang bukas ang mga oportunidad na ito, tandaan natin na mananatili silang oportunidad hangga’t hindi sila natutupad. Dapat ay trabahuhin at ipaglaban natin ang mga potensyal na ito. Sana lang ay hindi mali ang pag-asa sa kabila ng mga kasinungalingan. Isa ring paalala ito na sa kabila ng pag-asa, kailangan ay patuloy na maging mapagmatyag. Lalo na’t neoliberal pa rin ang mga nasa gabinete, kailangan ay siguraduhin nating kasama ang mahihirap at batayang sektor sa kanilang mga plano. Sa kabila ng mga oportunidad, patuloy pa rin nating hinahanap ang mga konkretong planong magpapabuti sa buhay ng mga ordinaryong Pilipino. Ano ba ang tunay na kailangan natin bilang mga mamamayan mula sa mga lider sa panahon ng sabay-sabay na krisis?

Ito ang ating tatalakayin sa kolumn na ito sa susunod na linggo.