Rebyu

Figura ng Destiyero sa Panulaan ni Joi Barrios


Dahil wala lubos dito at wala rin lubos doon, ang figura ng distiyero ay may mas malawak na pananaw sa global at internasyonal na ugnayan sa bansa at bayan, may relatibong angat sa usaping finansyal,  nakakapagmintina ng online familial at familiar na relasyon bago pa man nagpandemikong nagpapilit sa lahat ng work from home at online learning, may guilt trip at pangungulila sa mga mahal at bayang iniwan, mas sabik imanifesta ang pagmamahal na ito, mayroong malaking potensyal sa politikal na ahensya ang milyonmilyong kababayang ito.  

Rebyu ng Joi Barrios, Sa Aking Pagkadistiyero/In My Exile: Mga Tula/Poems, translations by Karen llagas, Ralph Pena, Monique Wilson at Mark Pangilinan. Quezon. City: University of the Philippines Press, 2021, 214 pahina.

Joi Barrios, Sa Aking Pagkadistiyero/In My Exile: Mga Tula/Poems, salin nina Karen llagas, Ralph Pena, Monique Wilson at Mark Pangilinan (Quezon. City: University of the Philippines Press, 20210, 214 pahina.

Isang disclosure: matagal na kaming magkaibigan ni Joi Barrios, awtor ng bagong libro ng tula. Kaya ang komentaryong ito ay ang halaga ng libro sa politikal na panulat at kilusan kung saan magkasalikop din ang aming mga buhay, gaya ng marami pang manunulat at kasama. Idinidiin ng koleksyon ng mga tula ang figura at trope ng destiyero (exile) o sapilitang pagkawalay sa sariling bayan — ang orihinaryong nagbibigay-substansya ng identidad at pagkatao. Maraming antas ang destiyero: mga sampung porsyento ng bansa ay OFWs na ekonomikong destiyerong napilitang maghanap-buhay sa ibang bansa.

Sa kaso ni Joi, ang figura ng destiyero ay ang patuloy na pakikilahok niya at ng kanyang panulat sa pakikibaka sa bansa—na siya ay makatang pwedeng hilingan ilang araw bago ang mob at pagtitipon ng tulang bibigkasin, pasulatin ng jingle ng Gabriela, magsulat ng mga tula hinggil sa panandang-bato ng mga nakakatandang kasama o ang mga unang nawalay para makaambag na itransforma ang lumbay sa tapang, o ang kanyang matulaing pagtugon sa pang-araw-araw na hagupit ng sexistang pananalita ng pangulo o ang pandadahas ng mga nauna—na ayon sa panulaan ni Joi—sa extra-ordinaryong mamamayang  may kapasidad magbigay-inspirasyon sa at mapalaya ang kanilang kahanay.

Nakakayanan ng mga tula ni Joi na bigyan-ugnay ang mga nakaraan at kasalukuyan sa pagsipat at pagtaya sa hinaharap ng bayan.  Sa “Isang Tula kay Ilocula, ang Ikocanong Dracula,” muling hinahabi ng makata ang kanyang karanasan bilang manggagawang pang-teatro noong panahon ng pakikibakang anti-Marcos lalo na 1983 hanggang 1986, at kung bakit kailanman kailangang panghawakan ang “tatag ng layon sa pambansang demokrasya na noon at ngayon, ay patuloy na isusulong!” Reaksyon ang 2016 na tulang ito sa pagkalibing sa diktador sa Libangan ng mga Bayani, at ang tindig ng pagtangan sa diwa ng pakikibakang tanging makakasagka sa mga tiranong paulit-ulit na binubuhay at nakakapagpanumbalik.

Ito at ang koleksyon ng tula ang malikhaing tugon ni Joi sa masibong kaganapan at katagumpayan hanggang sa puntong ito ng historikal na rebisyonismo nagtatanim at nagpapaunlad ng paglimot at kasinungalingan hinggil sa kasaysayan, at ang marahas na bigwas nito sa minangmang sa representasyon ng higit nang magmamangmang sa kanila. At sa tanging rekurso sa paglaya sa predikamentong ito, na sa aktibong pakikilahok sa kilusang masa, ang siyang susi para hindi mahalina ng hiraya ng Ibong Adarna na nagpapahimbing sa mga nakakakinig sa kanyang mga awit, at naiiputan para maging mga batong nakaratay sa kanyang kinapupugaran.

At kung magpakaganito, ang dating nawalan na o binigwasan nang figura ng “politikal na manunulat” at maging ang kinakatawang “politikal na panulat” ay muling nagkakaroon ng halaga sa minangmang na bayan na hindi na kailanman dapat tinatawaran. Ang nawalay sa bayan ay muli’t muli kahit manaka-nakang nakakapanumbalik para sa bawat tula ay akto ng pagbabalik sa tangkang kailanman ay hindi na mawalay. Silang nandoon ay nakikiisang-hanay sa at nabibigkis ang nandito sa kanilang politikal na panulat at aksyon, sa kanilang pagiging mapagbigay sa sapat o sobrang kita, kalinga, panahon at pagpupuwang.  

Lahat ng destiyero ay nangangarap makabalik sa orihinaryong pinagmulan—iniwang bayan, mahal sa buhay, mga nakagawian, ng pinagmulan ng lakas, pangarap at pag-asa—kahit hindi ito magagawa kung hindi lilisanin ang pagiging destiyero.  Malamang, ito rin ang nagsusustina sa destiyero na tiisin ang temporaryong kinalalagyan para sa pangakong magtagumpay kundi man maibsan sa dinaranas ng mga naiwan. Walang buong ligayang madaranas dahil sa kasalatan ng naiwan kahit buong-buo ang pagdanas ng lungkot at pangungulila. Pautay-utay ang anumang kasiyahan dahil nga hindi maibahagi ng destiyero ni kapiraso nitong aktwal na danas sa mga naiwanan.

At ito ang binabanghay ng kabigatang pasan ng mga tula sa koleksyon ni Joi.  Mag-isa na nga itong sinusulat ng babaeng makata sa dayong kinalalagyan, mag-isang pangunahing prinoproseso ng pagtula ang paninipat sa politikal na ahensya, mag-isa sa anumang ligayang mapapadpad na magandang balita kung paano ito binasa, tinunghayan at nilamlam ng publikong kanyang pinag-alayan. Kaya ang pihit ng pagtula ni Joi ay tungo sa pag-asang dulot ng kolektibong kaisahan at pagkilos, at kahit tayong nandito—sa mata ng mga tiranong halimaw—ay ito rin ang tanging mapapanghawakan para hindi maging mapanglaw ang pananaw: ang pag-angkla na kapag nagkaisang-hanay ay kayang baguhin ang bukas, na mapapalaya sa kamangmangang dinarahas ang mamamayan, na mababago kapag sumali at nagbikis sa organisadong kilusan.  

Ito ang realisasyon ng politikal na ahensyang hindi magpapalimot sa hinagpis ng nakaraan, na hindi mapapaniwala sa kasinungalingan ng kasalukuyang nakakapanghalinang Ibong Adarnang same-same o mas masahol pa nga ang paghagupit sa mamamayan, ang may pagkatuto sa nakaraan at mag-aabanse sa hinaharap. Ang ganitong timyas ng pag-asa, pagkatuto at pag-abanse na binigyang-silay ng mga tula ng destiyerong makata ay kinakailangang maisagawa sa iba pang larangang nilalahukan ng mga manunulat, artista, manggagawang kultural, aktibista at mamamayang nangangarap ng ibang lugar at panahon ng bukas sa kinasasadlakang lugar at panahon ng kasalukuyan na masahol na kapareho o kahalintulad ng mga lugar at panahong pinagdaan na.

Pinupuwang ni Joi na sa kanyang pagkadestiyero, may timyas ng pag-asa at paglaya. At mula rin sa ating iba’t ibang pagkadestiyero rito at doon, mahahanap itong timyas sa organisadong pagkilos para sa pagbabago. Mawawala lamang ang pagiging destiyero kung pinili nating hindi mawalay sa ating historikal at panlipunang gawain, ang paglingkuran ang sambayanan.