Rightsizing, tanggalan ang epekto


Malaki ang pangamba ng mga kawani sa pampublikong sektor, lalo na ang mga kontraktuwal, dahil sa panukalang “Rightsizing” ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. Kasama kasi ang naturang panukala sa mga prayoridad ng bagong administrasyon na inihayag sa kanyang inagurasyon noong Hunyo 30, 2022. Suportado ni Department of Budget and Management Secretary Amenah Pangandaman ang […]

Rightsizing, tanggalan ang epekto

Malaki ang pangamba ng mga kawani sa pampublikong sektor, lalo na ang mga kontraktuwal, dahil sa panukalang “Rightsizing” ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. Kasama kasi ang naturang panukala sa mga prayoridad ng bagong administrasyon na inihayag sa kanyang inagurasyon noong Hunyo 30, 2022.

Suportado ni Department of Budget and Management Secretary Amenah Pangandaman ang plano. Sa isang interbyu sa DZBB, sinabi nitong ang pangkalahatang layunin ng rightsizing ay upang “magkaroon ng maliit na burukrasya na agile, maliksi at makakatugon sa makabagong panahon.” Dagdag pa nito, aayusin daw ng naturang programa ang mga ahensiyang may ‘repitetive o overlapping functions.’

Sa pagtaya ni Pangandaman, makakatipid ang gobyerno ng P14.8 bilyon kada taon sa personnel services kung 5 porsiyento ang maapektuhan ng plano.

Minarkahan na ni Marcos na prayoridad niyang programa ang rightsizing. Inatasan niya sa kanyang unang State of the Nation Address ang mga mambabatas na gawing prayoridad ang pagpasa ng batas hinggil sa National Government Rightsizing Program (NGRP).

Malawakang tanggalan

Tinutulan ng Confederation for Unity, Recognition and Advancement of Government Employees (Courage), ang planong rightsizing na umano’y magreresulta ng malawakang tanggalan at dislokasyon sa mga kawani ng gobyerno.

Taliwas ito sa pahayag ni DBM Sec. Pangandaman sa post-SONA economic briefing ng gobyerno na hindi umano nangangahulugan ng tanggalan ang rightsizing. 

“Dahil pagbabawas sa personnel services budget ito at ang pagturing sa burukrasya ay ‘bloated’ na dapat kung gayon ay bawasan, mangangahulugan pa rin ito ng tanggalan ng mga kawani sa pamahalaan,” ani Courage National President Santiago Dasmariñas Jr. 

Ayon naman kay ACT Teachers Party-List Representative France Castro, walang pagkakaiba ang rightsizing sa mga iskemang rationalization ng nakaraang mga administrasyon, na nagdulot ng pinsala sa mga kawani ng gobyerno at sa pampublikong serbisyo.

Pinasinungalingan din ni Castro ang sinabi ni Pangandaman na hindi maapektuhan ng rightsizing ang mga guro at mga manggagawang pangkalusugan. “Mapipilitan silang balikatin ang mga tungkulin ng mga education support personnel at mga support staff ng mga pasilidad pangkalusugan.”

Rightsizing, tanggalan ang epekto

Magpapalala ng kontraktuwalisasyon

Ayon sa Courage, bawat bagong administrasyon ay may plano sa pagreorganisa at pagpapaliit ng burukrasya. Subalit, kapag isinasagawa ito tulad ng pinaplano ng administrasyong Marcos, ang mga rank-and-file na mga empleyado ang unang naapektuhan ng malawakang tanggalan.

Nauna nang binuwag ni Marcos noong June 30, 2022, ang Presidential Anti-Corruption Commission at ang Office of the Cabinet Secretary sa pamamagitan ng Executive Order No. 1.

Pinangangambahan ng Act Teachers Party-List na ang matinding tanggalan bunsod ng rightsizing ay magpapalala sa kontraktuwalisasyon. “Sa pamamagitan ng panukalang ito, ang mga ahensiya ng gobyerno ay mag-eempleyo ng mas maraming mga tauhan na mga contract-of-service (COS) at mga job order (JO) na hindi ikukonsidera at hindi babayaran ang sahod at kaseguruhan sa trabaho bilang mga kawani ng gobyerno,” ani Castro

Subalit nanganganib din ang trabaho ng daan-libong kontaktuwal na mga kawani. Kasabay ng EO No. 1, inilabas din ang Memorandum Circular No. 1. Bagamat nagpalawig ang naturang memorandum sa kontrata ng mga kontraktuwal at kaswal na mga kawani lagpas ng Hunyo 30, 2022, hanggang noong Hulyo 31, 2022 na lamang sila pinagtrabaho.

Sa taya ni Dasmariñas, aabot ng 753,853 kawani ang posibleng maapektuhan ng memorandum circular. Kasama rito ang may 582,378 na JO o COS na ibinatay niya sa tala ng Civil Service Commission noong 2021.

Para naman kay Elmer “Ka Bong” Labog, Pambansang Tagapangulo ng Kilusang Mayo Uno, nararapat na gawing regular at hanapan ng puwestong plantilla ang mga manggagawang nasa gobyerno na maraming taong naglingkod. “Nagtrabaho ang mga manggagawa na ‘yan, naglingkod ng sampu hanggang dalawampung taon pero hindi pa rin sila naregular, ngayon ay tatanggalin. Nasaan ang katarungan doon?” ani Labog. 

Noong kumakandidato si Marcos, panukala nito na punuan ang bakanteng 180,000 mga posisyong plantilla sa gobyerno at sisikaping maregular ang may 600,000-700,000 JO sa pambansa at lokal na mga pamahalaan.

Koleksiyon ng buwis

Nakikita rin ng Courage na implikasyon ng rightsizing ang pagtitipid sa personnel services budget na maglilimita sa kanilang kahilingang dagdag-sweldo at regularisasyon.

Duda ang grupo sa sinabi ni Pangandaman na ang matitipid sa personnel services mula sa rightsizing ay mailalaan sa mga proyektong imprastraktura at serbisyong sosyal.

“Kung titingnan ang bawat taunang badyet ng gobyerno, may 2/3 ng nakolektang buwis mula sa mamamayan ay napupunta sa pambayad sa utang panlabas, korupsiyon, pork barrel ng presidente, ng militar, at ng mga mambabatas, at ang walang-silbi at puno ng korupsiyong mga proyekto ng gobyerno,” saad ng Courage.

Panukala ng Act Teachers Party-List, imbes na ipatupad ang rightsizing, paghusayin na lang ang koleksiyon ng buwis at habulin ang mga di nagbabayad nito. “Kung kailangan ng gobyerno ng pera, singilin dapat niya ang P203 billion na utang ng pamilya Marcos sa sambayanan,” ani Castro.   

“Lagi na lang kami”

Sa harap ng banta, panata ng Courage ang pagpapaigting ng pakikipaglaban para sa kanilang mga karapatan at kahilingan. Sa inilunsad na Government Employees Summit noong Hulyo 20, 2022 sa Lungsod ng Quezon, tinalakay ng mga lider at mga miyembrong unyon ng Courage ang kahilingan para national minimum wage, paglaban sa malawakang tanggalan at kontraktuwalisasyon, pagtatanggol sa mga karapatan at iba pang mga usapin ng mga kawani.

“Lagi na lang kapag may krisis kami ang puntirya. Bawas ng mga empleyado, tanggalan ng benepisyo, di gagawing regular ang kukuning empleyado at papatungan ng mas mabigat  na buwis sa sahod at singil sa Philhealth at iba pa,” ani Dasmariñas.

Idiniin naman ni Manny Baclagon, Secretary General ng Courage, ang pangangailangan ng national minimum wage. “Ang kailangan namin ngayong nagpapatuloy ang pandemya, mataas na singil ng basic goods, kuryente, tubig, renta, gasolina at pamasahe ay ang tunay na masasabing living wage. E, sa liit ng sahod ngayon, malilibing ka talaga sa gutom at utang,” ani Baclagon

Tinalakay din sa summit ang Salary Standardization Law 5 (SSL5) at ang Compensation and Position Classification System (CPCS) ng EO 150 ng administrasyon ni Duterte, at ang dagdag na 4% sa singil ng Philhealth.

Nagpahayag din ng suporta ang grupo sa pagpasa ng Public Sector Labor Relations Bill na naglalayong palakasin ang karapatan ng mga kawani sa pag-oorganisa-sa-sarili, pagsusulong ng collective negotiation at ang karapatang magwelga.

Mga sanggunian:

https://newsinfo.inquirer.net/1589594/if-elected-marcos-wants-to-fill-up-180000-plantilla-posts-in-govt
https://news.abs-cbn.com/news/07/26/22/dbm-says-rightsizing-not-a-mass-layoff
https://news.abs-cbn.com/news/07/20/22/mga-kawani-ng-gobyerno-nagprotesta-sa-rightsizing-ng-marcos-admin
https://news.abs-cbn.com/spotlight/07/14/22/govt-workers-wary-of-losing-jobs-in-rightsizing
https://www.dbm.gov.ph/index.php/secretary-s-corner/press-releases/list-of-press-releases/2289-gov-t-rightsizing-not-automatic-personnel-reduction-budget-secretary
https://www.pna.gov.ph/articles/1178902
https://www.officialgazette.gov.ph/downloads/2022/07jul/20220630-EO-1-FRM.pdf
https://www.officialgazette.gov.ph/downloads/2022/06jun/20220630-MC-1-PBBM.pdf
https://www.cnnphilippines.com/news/2022/7/8/Marcos-abolition-PACC.html
https://www.cnnphilippines.com/news/2022/7/7/Bongbong-Marcos-EO-PACC-Cabinet-Secretary-PCOO.html
https://www.pna.gov.ph/articles/1178584