Editoryal FEATURED

Sa gitna ng nag-uumpugang bato


Makabuluhan ang panawagan para sa kapayapaan.  Ngunit makakamit lamang ito kung lalabanan ang mapagsamantala at mapang-aping sistema ng imperyalismo. Dapat kumalas ang Pilipinas sa sakal ng monopolyong pinansya sa ating bansa, paunlarin ang sariling ekonomiya, mamahala nang demokratiko, maglingkod ang hukbong sandatahan sa bayan at tunay na maging independiyente at kapantay ng ibang bansa sa internasyunal na pamayanan.

Sa gitna ng nag-uumpugang bato

Iilang peryodista lang ang pinayagang pumasok sa Malakanyang para sa pinag-isang pagbabalita nang bumisita si US Secretary of State Antony Blinken kay Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. nitong Agosto 6.

Pinatampok sa balita ang “balot-sa-bakal” na pangako ng US sa Mutual Defense Treaty. Hindi gaanong tinalakay ang karapatang pantao at walang nagpag-usapan hinggil sa press freedom gaya ng unang inanunsyo ng US State Department. SUmentro ang talakayan sa usapin ng pamumuhunan, kalakalan, climate change, clean energy at Covid-19.

Dumaan si Blinken sa Pilipinas matapos ang pagpupulong ng Association of Southeast Asian Nations (ASEAN). Nataon din na bumisita si US House Speaker Nancy Pelosi sa Taiwan — unang pagbisita ng mataas na opisyal ng US sa bansa sa loob ng 25 taon. Lubha itong ikinagalit ito ng China dahil sa One China Policy na kinikilala ng US mula 1979 at isang prinsipyo sa diplomasya kahit ng United Nations mula pa 1971.

Binatikos ng kanluraning midya ang China sa pagpapalipad ng mga ballistic missile sa isinagawang military exercises sa karagatan sa tapat ng Taiwan. Pero walang bumatikos sa airstrike ng Israel sa Gaza na ikinasawi ng 14 na tao sa parehong panahon.

Nauna nang bumisita si Chinese Foreign Minister Wang Yi kay Marcos Jr. noong nakaraang buwan. Ngayon, parang nasa pagitan ng dalawang nag-uumpugang bato ang bagong pangulo. Naggigirian ang US at China, parehong pinagkaka-utangan ng gobyerno ng Pilipinas. Hindi rin makapalag ang Pilipinas sa pang-aagaw ng China sa West Philippine Sea liban sa maghapag ng pana-panahong diplomatikong protesta.

Walang ibang pinagkukunan ng pambayad-utang ang Pilipinas kundi ang dagdag na buwis sa mamamayan at dambuhalang remitans ng mga Overseas Filipino Workers.  Halos kalahati ng pambansang badyet ay pambayad-utang. Lumobo ang binabayaran sa import at katiting lang ang kinikita sa export sa gitna pa ng walang kasing tinding pandaigdigang krisis.

Nang uminit ang tensiyon sa pagitan ng US at China dahil sa probokasyon ng US sa Taiwan, walang imik ang administrasyong Marcos sa mahigit 160,000 na OFW na nagtatrabaho roon. Ni walang handang plano kung paano sila ililikas sakaling sumambulat ang giyera.

Tiyak na idadamay tayo ng US sa pagkasa nito ng giyera sa China.  Gagamitin ang Mutual Defense Treaty (MDT), Visiting Forces Agreement (VFA) at Enhanced Defense Cooperation Agreement (EDCA). Kahit ang senior high school na pinipilit magROTC (Reserve Officers’ Training Corps) ay gagawing reserba ng hukbo sa giyera na hindi naman atin.

Sinubukang maliitin ni Marcos ang tensiyon ng US at China sa isyu ng Taiwan sa pagsasabing nagpapakita lamang ito ng tindi at hindi nagpatindi sa hidwaan.

May mas matalino pa sanang pananaw sa daigdig kaysa kamangmangan sa kasaysayan. Katambal ng pananakop ng imperyalismo sa mga bansa ang giyera laban sa mamamayan at sa mga karibal na bansa. Kumikita ang mga monopolyong korporasyon, at kanilang mga estado dahil sa giyera. Gamit ito para sakupin ang mas malawak na teritoryo.

Makabuluhan ang panawagan para sa kapayapaan.  Ngunit makakamit lamang ito kung lalabanan ang mapagsamantala at mapang-aping sistema ng imperyalismo. Dapat kumalas ang Pilipinas sa sakal ng monopolyong pinansya sa ating bansa, paunlarin ang sariling ekonomiya, mamahala nang demokratiko, maglingkod ang hukbong sandatahan sa bayan at tunay na maging independiyente at kapantay ng ibang bansa sa internasyunal na pamayanan.