Budol badyet ni Marcos

Budol badyet ni Marcos

September 3, 2022

Isang malaking pambubudol ang ginagawa ngayon sa badyet. Ito ang kauna-unahang ipapasang batas sa administrasyong Marcos.

Pinasa ng Malakanyang sa Kongreso ang panukalang badyet ng gobyerno para sa susunod na taon.  Nagkakahalaga ito ng P5.268 Trilyon. Halos limang porsiyento ito na mas malaki kaysa kasalukuyan.

Pera ito ng taumbayan, ng bawat Pilipino. Pero saan dadalhin ni Marcos ang perang ito?

Sa bawat 10 piso na gugugulin ng gobyerno, halos 3 piso nito ay pambayad utang lang. May P1.6-T ang inilaan para dito, P582.32 Bilyon sa interes, at P1.02-T sa prinsipal na utang.  Gayunman, tinatayang aabot pa rin sa P14.63-T ang utang ng bansa sa susunod na taon. Ang tanong, tayo ba ang nakinabang sa utang na ito?

Mas malaki pa ang inilaan sa mga proyektong imprastraktura tulad ng mga airport, tulay at kalsada, kaysa pabahay, ospital at silid-aralan.

Hindi dinagdagan, kinaltasan pa nga, ang pondong pangkalusugan at pangkabuhayan. Mahigit P4.4-B ang binawas sa pasahod sa mga doktor at nars sa public health program at at P3.6-B sa mga pasilidad ng ospital. Sa PGH pa lamang, may P893 Milyon ang kinaltas. Taliwas ito sa talumpati ni Marcos sa anibersaryo ng Philippine Nurses Association nitong Setyembre 1. Halos P5-B ang binawas kahit sa mga specialty hospitals tulad ng Lung Center, Heart Center, Kidney Center at Children’s Medical Center.

Halos P3-B ang kinaltas sa badyet ng mga programang pang-edukasyon at mga institusyon sa kultura. Binawasan din ang badyet sa siyensiya at teknolohiya, salungat sa pangakong “kaunlaran”.

Pero ang pinakamalaking kaltas na ginawa ay sa serbisyong panlipunan. Nasa P20-B para sa proteksyon ng mga pamilya at bata, P10-B sa mga walang trabaho, P2.6-B sa pabahay. Pagtatapon lang daw ng pera ang ayuda ayon sa National Economic and Development Authority (NEDA). Pero iilan lang talaga ang nakatanggap ng ayuda, fuel subsidy, at subsidyo sa agrikultura. Mahigit P100-M pa ang tinanggal na tulong sa mga maliliit na negosyo.

Ang masama, dinagdagan pa ng mahigit 10% ang badyet ng Armed Forces of the Philippines na hindi naman produktibo. Ginawa pang doble ang Barangay Development Fund ng National Task Force to End Local Communist Armed Conflict (NTF-Elcac) mula sa P5-B tungo sa P10-B. Naglaan ng P40-B para sa “modernisasyon” ng AFP. Samantalang nasa P30-B lang ang programa para sa bigas.

Tila mas mahalaga pa ngayon ang mga armas sa gobyerno kaysa bigas at pagkain ng mamamayan.

Isang malaking pambubudol ang ginagawa ngayon sa badyet. Ito ang kauna-unahang ipapasang batas sa administrasyong Marcos.

Avatar

Pinoy Weekly

This is a product of collaboration between writers, photographers and/or artists of Pinoy Weekly.