Paghahanap kay Loi

Paghahanap kay Loi

September 1, 2022

Libu-libo na ang naitalang mga sapilitang nawala at dinukot ng mga ahente ng estado mula panahon ng diktadurang Marcos hanggang sa kasalukuyan. Ang kuwento ng paghahanap kay Loi ay kuwento ng paghahanap sa mga desaparecidos.

Madaldal, makuwento at madaling makagaanan ng loob. Ganito inalala ni Ruth Maglalan ang kasintahan, kaibigan at kasama sa pakikibaka na si Elizabeth “Loi” Magbanua.

Kuwento ni Ruth, mahilig mamigay ng piso sa mga bata ang kanyang kasintahan. Sa tuwing tinatanong kung bakit, lagi nitong tugon ay “Ano ba naman yung piso?”

Dating manggagawa sa kumpanya ng electronics ang 57-taong gulang na si Loi. Nang magsara ang pinagtatrabahuhang pabrika, nagdesisyon siyang maging organisador ng Kilusan ng Manggagawa ng Kababaihan (KMK) at Kilusang Mayo Uno (KMU).

Ilang buwan nang hinahanap ni Ruth ang kasintahan. Huling nakita si Loi noong Mayo 3, sa Brgy. Punturin, Valenzuela. Dumalo siya noon sa isang pulong ng mga manggagawa. Kasama niyang nawala si Alipio “Ador” Juat, organisador din ng mga manggagawa. Hinihinalang dinakip ang dalawa ng mga sundalo sa Sta. Lucia, Valenzuela noong araw na iyon. 

“Noong nakumpirma ko na nawawala siya, naisip ko na dinampot siya ng militar kasi wala namang iba e. Sino ba naman kukuha sa kanya, hindi naman siya mayaman para pag-interesan?” ani Ruth.

Noong Hulyo 28, sinamahan si Ruth ng ilang kasamahan sa unyon, mga human at labor rights organization sa isang Fact Finding Mission. Hinanap nila si Loi sa mga ospital, kulungan at punerarya sa Valenzuela. Pero umuwi silang bigo 

Samantala, nakontak naman ni Maureen Juat, ang amang si Ador. Ikinuwento ng ama na dinakip nga sila ng mga sundalo noong gabi ng kanilang pagkawala. 

Kakatapos lang daw ng salusalo ng mga manggagawa sa Valenzuela. Habang pauwi, niyakap si Ador ng dalawang malaking lalaki at pilit silang isinakay sa magkaibang sasakyan. Dinala siya sa Camp Aguinaldo. Hindi niya naman alam kung saan dinala si Loi.  

“Sa record ni Pangulong Duterte, in fact sa lahat ng gobyerno, ganyan naman talaga ginagawa sa lahat ng aktibista, dinadampot hinuhuli, illegal arrest, illegal detention, o ang pinakamalala extra-judicial killing. Kaya sa isip ko walang ibang gagawa sa kanya ng ganyan kung ‘di ang armed forces ng gobyerno,” ani Ruth. 

Bago siya mawala, nabanggit na ni Loi kay Ruth ang pagkabahala nito sa kanyang kaligtasan. Hindi pa daw niya naramdaman ang ganitong pagkabahala sa tatlong dekada niyang pagiging aktibista. 

Desaparecidos

Tulad ni Ruth, naghahanap din si JL Burgos. Mahigit 15 taon nang desaparecido (biktima ng sapilitang pagkawala) ang kapatid niyang si Jonas, isang organisador ng mga magsasaka sa Gitnang Luzon. 

Isa sa mga pinakatampok na kaso ng mga desaparecido ang pagdukot kay Jonas Burgos sa panahon ni dating Pangulong Gloria Macapagal Arroyo. Laman ng balita ang pagdakip sa kanya ng mga sundalo sa isang mall sa Quezon City noong April 28, 2007.

“Target talaga siya ng state kasi organizer siya ng mga magsasaka, at ayaw ‘yon ng state. Ayaw ng state maorganisa ang mga manggagawa at magsasaka. Gusto nila ihinto ang mga pagsasama ng mga marginalized sector dahil kapag nag sama-sama ito at mapagtanto ng nasa laylayan ang kanilang karapatan o ano ang nararapat, mawawala na ang korupsiyon,” sabi ni JL. 

Ibinahagi rin niya ang ginawa ng kanilang pamilya upang makausad sa nangyari kay Jonas. 

“Walang linear na tool para makapag-cope, maghanap ka ng mga kapwa mo like-minded people, halimbawa bahagi kami ng Desaparecidos, may support group kami, itong support group na ‘to lahat kayo parehas ng dinadamdam at ito yung organisasyon na ayaw namin dumami,” kuwento niya.

Gaya ng mga Burgos, marami sa mga pamilya ng mga biktima ng sapilitang pagkawala ay bumuo ng organisasyong Desaparecidos (Pamilya ng Desaparecidos para sa Katarungan). Nagsisilbi ito bilang kanilang bigkisan, ugnayan at tulungan sa paghahanap. 

Ayon kay JL, kapag nagkikita sila, para na silang isang malaking pamilya. Kapag may istorya tungkol sa kanilang pamilya, lahat sila pupunta. Kapag may rali o hearing, lahat sila sumusuporta. 

“Magiging kakampi mong tiyak ay yung pamilya ng mga dinukot,” aniya. 

Nagtipon sa Bantayog ng mga Bayani sa Quezon City nitong Agosto 30 ang mga pamilya ng mga desaparecido para gunitain ang International Day of the Disappeared. Inalala nila ang mga mahal sa buhay na sapilitang nawala o dinukot ng estado.

“Walang tuldok! Saang puntod kami pupunta sa tuwing araw ng mga patay? Saan kami magaalay ng bulaklak para sa aming mahal sa buhay? Walang tuldok ang aming paghahanap,” pahayag sa naturang pagtitipon ng isa sa mga kaanak ng desaparecido.

Sa tala ng Karapatan Alliance for the Advancement of People’s Rights (Karapatan), mahigit 1,900 na ang biktima ng sapilitang pagkawala mula sa panahon ni dating pangulong Ferdinand Marcos Sr. hanggang kay Rodrigo Duterte.

“Kinakailangan natin makiisa doon sa mga  kaanak ng mga dinukot at biktima ng enforced disappearances para ilitaw ang kanilang mga kaanak at magkaroon ng hustisya para sa kanila. May mahaba at masakit na karanasan tayo mula pa noong panahon ng Martial Law ni Marcos na kahalintulad dito. Kung hindi napaparusahan ang mga nagsasagawa ng krimen na ‘to, magpapatuloy,” ani Karapatan Secretary General Cristina Palabay

Kailangan aniyang magpursigi pa rin ang masa, magsama-sama at makiisa para matigil ang ganitong mga porma na paglabag sa pangkarapatang pantao.

Nitong Agosto 23, naglabas ang Korte Suprema ng Writ of Amparo para kina Loi at Ador na nagbibigay sa kanila ng proteksiyon ng Hudikatura sa anumang maaring banta ng estado sa kanilang buhay. Binigyan rin ng Temporary Protection Order  ang mga kaanak ng dalawa. 

“Ang mga dinukot hindi na maaring magsalita. Tinanggalan na nila ng boses, ng karapatan para magpahayag. Kaya nanawagan ako na kung sino man ang makaalam sa istorya na ito, sana sila ang maging boses,” ani JL.

“Kapag may nagsabi na hindi totoo yan, kailangan niyo silang itama, kailangan niyong manindigan na mayroong nagaganap na sapilitang pagdukot  at mali ito kahit anong side, walang karapatan ang sino man na alisin ang karapatan ng isang tao na mabuhay,” dagdag niya.

Sa huli, nanawagan si JL sa mga mambabasa ng kanilang istorya na “Maging boses ng nawawala, ikalat ang istorya, at itama ang maling kaisipan. Makiisa, sumama sa mga biktima para lumakas nang lumakas ang boses.”

Avatar