Editoryal

Pagpunta ni Junior sa Amerika

September 21, 2022

Pupunta si Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. sa Amerika ngayong Setyembre 20 para sa ika-77 United Nations General Assembly (UNGA). Kakausapin din daw niya ang mga lider ng iba’t ibang bansa.

Una ng inimbitahan ni US President Joe Biden si Junior na bumisita sa US.  Hindi raw siya aarestuhin kahit may $353 milyon na kasong contempt sa District Court of Hawaii noong 2011 kaugnay ng kanilang pamilya sa mga paglabag sa karapatang pantao. Pinabayaran ng korte nang $2 bilyon ang mga biktima pero ayaw ibunyag ng mga Marcos ang kanilang kayamanan.

Ayon sa Amnesty International, nasa 70,000 ang inaresto, may 34,000 ang tinortyur at 3,200 ang pinatay sa ilalim ng martial law ng kanyang ama sa pagitan ng 1972 at 1981. Suportado ng US ang martial law ng ama.

Kapansin-pansin na mawawala sa Pilipinas si Junior sa ika-50 taon ng deklarasyon ng martial law. Wala man sa Pilipinas, sasalubungin siya ng protesta sa US.

Nagsalita rin sa UN ang kanyang ama noong 1966 sa kainitan ng giyera ng US sa Vietnam. Ginamit ng US ang Pilipinas na lunsaran ng giyera. Natalo ang US sa Vietnam kalaunan, at makaraan ang 20 taon sa Pilipinas, noong 1986, inilipad sa Hawaii ang pamilya Marcos. Ngayon naman, nakikipagribalan ang US sa Tsina, magsasalita naman si Junior sa UN.

Ano ang inihahanda ng US para kay Junior? Kinakasa ang ika-10 Bilateral Strategic Dialogue sa pagitan ng dalawang bansa na gaganapin sa Pilipinas ngayong Nobyembre.

Mahalaga umano ang Pilipinas para sa “estratehikong kompetisyon” ng US sa rehiyong Indo-Pasipiko. Nasa “first island chain” tayo sa seguridad ng US. Kabilang tayo sa Association of Southeast Asian Nations (ASEAN) na mainit sa ribalang US at Tsina. Inaasahan ang pagpalaganap ng Pilipinas ng “demokrasya” na naaayon sa US.

Una nang binisita ni Junior ang Indonesia na pinakamalaking ekonomiya sa Timog Silangang Asya at magiging pinuno ng ASEAN sa susunod na taon.

Kabilang sa mga rekomendasyon ng US sa Pilipinas ang mga sumusunod: 

  • Palawakin ang pagpaplano sa pulitika at militar; mahirap umano na isang AFP Chief-of-Staff lang ang tumagal nang lampas 12 buwan sa nakaraang 20 taon dahil sa “revolving door” ng mga opisyales;
  • Pag-iral ng Mutual Defense Treaty (MDT) at Visiting Forces Agreement (VFA); pararamihin pa ang mga base sa lupa at karagatan sa Enhanced Defense Cooperation Agreement (EDCA) na magagamit ng mas maraming pwersang militar ng US; 
  • Pag-aaralan pa kung kailangan ng nagsasariling pagkukunan ng kuryente dahil pag-aari ng Tsina ang 40% ng National Grid Corporation of the Philippines;
  • Uunahin ang land-based mobile anti-air at anti-ship systems at mga drone at kagamitan para sa intelligence collection, surveillance, at pagkuha ng target; at isusunod ang mas mahal na kagamitan sa pamamagitan ng foreign military financing;
  • Pasisimulan ang “minilateral” na usapang-militar ng US-Pilipinas-Japan at US-Pilipinas-Australia;
  • Pagpondo sa Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM);
  • Pag-aaral ng mga bagong kontrata sa Millennium Challenge Corporation ng US; 
  • Lulubusin ang papel ng Pilipinas sa Indo-Pacific Economic Framework ng US;
  • Maglalagay ng US military healthcare advisor sa Joint U.S. Military Assistant Group sa Manila;
  • Pagsuporta sa onshore liquefied natural gas (LNG) import facilities para sa enerhiya; at
  • Pagtatayo ng mga konsulado ng US sa Cebu at Davao dahil mayroon na ang Tsina sa mga lugar na ito bukod pa sa Hilagang Luzon.

Ano naman ang ihaharap ni Junior? Talumpati lang sa UN ang gagawin ngayong Setyembre. Malaking tawaran ang magaganap sa Nobyembre.

Samantala, tinanggihan na nito ang imbestigasyon ng International Criminal Court sa drug war. Patuloy ang giyera alinsunod sa Counter-Insurgency Guide ng US. Patuloy ang paglabag sa mga karapatang pantao. Ano’ng mukha ang ihaharap ni Junior sa mundo?