Hatol ng korte: CPP-NPA, hindi terorista 


Hindi terorismo ang mithiin ng Communist Party of Philippines (CPP) at New People’s Army (NPA). Mithiin din ito ng lipunan. Ito ang hatol ng korte.

Hatol ng Korte: CPP-NPA, hindi terorista

Ibinasura ng Manila Regional Trial Court Branch 19 ang petisyon ng Department of Justice (DOJ) na ideklarang teroristang organisasyon ang Communist Party of the Philippines (CPP) at New People’s Army (NPA).

Sa inilabas na desisyon ni Judge Marlo Magdoza-Malagar nitong Setyembre 21, inilinaw niyang ang rebelyon at mga aksyong politikal ay hindi terorismo, bagay na matagal na ring iginigiit ng mga human rights group, progresibong grupo, mga abogado, mambabatas, at mga eksperto sa batas.

Isinampa ng DOJ ang kaso ng teroristang proskripsiyon laban sa CPP-NPA noong Pebrero 2018 sa bisa ng Human Security Act of 2007 (HSA), batas na pinalitan na ng Anti-Terrorism Act (ATA) noong 2020.

Sinabi ni DOJ Assistant Secretary Jose Dominic Clavano hindi na sila mag-aapela at magsasampa na lang ng panibagong kaso batay sa bagong batas kontra-terorismo.

Pinuri naman ni CPP Chief Information Officer Marco Valbuena ang desisyon. Bagamat nilinaw niyang hindi maaring ipailalim sa batas ng gobyerno ng Pilipinas ang CPP, kinilala naman niya na “makatuwiran at patas” ang hatol ng korte.

“Kalugud-lugod na sorpresa ang desisyon sa harap ng walang tigil na pagsisikap ng Armed Forces of the Philippines (AFP) at ng NTF-Elcac [National Task Force to End Local Communist Armed Conflict] na ikabit ang ‘teroristang’ bansag sa CPP, gayundin sa iba pang patriyotiko at demokratikong puwersa,” aniya.

Idineklara ni dating Pangulong Rodrigo Duterte na terorista ang CPP at NPA sa bisa ng Presidential Proclamation No. 374 noong Diyembre 2017.

Pero inilinaw ni Magdoza-Malagar na magkaiba ang proskripsiyon, na kaso ng DOJ dahil kailangan itong dumaan sa korte, habang ang designasyon, na laman ng proklamasyon ni Duterte, pagtatakda ng ehekutibo sa pamamagitan ng Anti-Terrorism Council (ATC).

A member of the New People's Army gestures with a woman carrying a baby
Larawan ni King Catoy/Altermidya

Hindi terorista

Tinukoy ng DOJ sa petisyon nito ang siyam na insidente ng umano’y karahasang magpapatunay na terorista ang CPP-NPA. Iniharap din bilang testigo ang mga nagpakilalang sumukong kasapi ng naturang partido.

Tingin ni Atty. Kristina Conti ng National Union of People’s Lawyer (NUPL), natalo ang DOJ dahil mahina ang ebidensya sa mga insidenteng inihain nito sa korte.

“Hindi malinaw kung sinu-sino ang gumawa at nag-utos ng mga krimen.Hindi naman basta lang masasabi na yung mga tintukoy ng DOJ na naka-all-black outfit na nai-spotan sa ‘scene of crime’, ay awtomatikong member na ng CPP-NPA,” aniya.

Hindi rin umano nalinaw ng DOJ kung ang mga naturang insidenteng ibinibintang sa NPA ay may direktiba mula sa CPP. 

Ayon pa sa desisyon ng korte, wala sa mga nabanggit na insidente ang maituturing na gawaing terorista. Hindi umaabot ang mga ito sa “malawakan” at “pambihirang saklaw” na paghahasik ng takot at ligalig, gaya ng nakasaad sa HSA.

“Ang karahasan sa rebelyon ay nakatuon laban sa gobyerno o anumang bahagi nito,” ayon sa desisyon ni Magdoza-Malagar. Iba aniya ito sa mga gumagawa ng terorismo na pumupuntirya sa mga sibilyan para maghasik ng takot at ligalig.

Inilinaw naman ng hukom na hindi binuo ang CPP-NPA para maghasik ng terorismo. Aniya, ang “armadong pakikibaka” ay isa lang sa mga “paraan” para makamit ang layunin ng CPP at hindi ang mismong “layunin” ng pagkabuo nito.

Kung pagbabatayan din ang testimonya ng mga testigo ng DOJ, ang mga hakbang ng pagrerekrut ng CPP ay patunay na ito ay isang pampulitikang organisasyon na may pampulitikang layunin ani Magdoza-Malagar. Pinagtibay rin ng naturang mga testimonya na ang mga kasapi ng NPA ay ginagabayan ng ideolohiya, di gaya ng mga karaniwang bandido.

“Samakatuwid, masasabing ang kasapi ng NPA ay kasangkot sa karahasan at gumagamit ng puwersa, hindi para sa kapakanan ng karahasan kundi bilang pagsasakatuparan ng mas mataas na mga ideyang laman ng Konstitusyon ng CPP,” ayon sa hukom.

Para sa grupong Kapatid, samahan ng mga ka-anak ng mga bilanggong pulitikal, pinagtitibay ng desisyon ng korte ang kanilang panawagan para palayain ang kanilang mga mahal sa buhay.

Ayon kay Fides Lim, tagapagsalita ng grupo at asawa ng nakakulong ni National Democratic Front of the Philippines (NDFP) peace consultant Vicente Ladlad, ang petisyon ng DOJ para sa teroristang proskripsyon ay hindi lang blacklist kundi isang mandamyento ng kamatayanpara sa mga tinatarget na aktibista.

Kasama si Ladlad sa mga tinukoy ng DOJ sa orihinal nitong petisyon dahil lang sa partisipasyon nito sa naantalang usapang pangkapayapaan sa pagitan ng NDFP at gobyernong Duterte. Inaresto siya noong 2018 para sa kasong illegal possession of firearms.

“Hindi niya ipinagkaila ang boluntaryo niyang pagseserbisyo sa kabila ng banta sa kanyang buhay. Gayunman, nagdurusa siya ngayon sa kulungan nang halos apat na taon dahil sa itinanim na baril, habang ang isa pang peace consultant na si Randall Echanis, ay sinalvage,” ani Lim.

Umaasa ang Kapatid na magbigay-daan ang desisyon ni Magdoza-Malagar sa mas mabilis na paglaya ng mga bilanggong pulitikal na sinampahan ng mga gawa-gawang kaso na ani Lim ay gaya rin ng petisyon ng DOJ na walang tinitindigang ebidensya.

Likhang sining ni Parts Bagani

Programa ng CPP

Sa petisyon ng DOJ, ipinresenta ni Police Major General Alfred S. Corpus ng Directorate for Operations ng Philippine National Police bilang ebidensya ang dokumentong “Saligang Batas at Programa” ng CPP.

Gayunman, nabigo ang DOJ na patunayan sa korte na “unlawful demand” o hindi alinsunod sa batas ang 10-puntong nilalaman ng “Programa para sa Demokratikong Rebolusyong Bayan” na nakasaad sa naturang dokumento. Tinukoy sa desisyon ng Manila RTC ang sumusunod na mga punto sa programa ng CPP:

  1. Ibagsak ang mga puwersang imperyalistang US at piyudal na pang-aapi.
  2. Itatag ang demokratikong estadong bayan at gobyernong koalisyon.
  3. Makibaka para sa pambansang pagkakaisa at demokratikong karapatan.
  4. Itaguyod ang prinsipyo ng demokratikong sentralismo.
  5. Itayo at pakamahalin ang Bagong Hukbong Bayan.
  6. Lutasin ang problema sa lupa.
  7. Isulong ang pambansang industriyalisasyon
  8. Itaguyod ang pambansa, siyentipiko at pangmasang kultura.
  9. Igalang ang karapatan sa pagpapasya-sa-sarili ng Bangsamoro at iba pang mga pambansang minorya.
  10. Ipatupad ang aktibo at nagsasariling patakarang panlabas.

“Ilan sa mga nilalaman ng umiiral na Sampung Puntong Programa ng CPP, sa unang tingin, ay makatuwirang mithiin ng kahit anong sibilisadong lipunan,” sabi ni Magdoza-Malagar.

Bagamat itinuturing na rebelde sa desisyon ng korte, inilinaw ni Valbuena na ang CPP at NPA ay mga “rebeldeng may layunin—ang pambansa demokratikong mithiin,” na sa pakahulugan niya ay paglaya ng bansa sa mga kumokontrol dito at pamamahagi ng lupa sa mga magsasaka.

“Ang CPP, kinatawan ng uring manggagawa, at ang NPA, hukbong nakabase sa uring magsasaka, ay kumakatawan sa pinakamarami, pinakaapi at pinakapinagsasamantalahang mga uri sa Pilipinas,” aniya.

Iginiit ni Valbuena na pilit lang binabansagang terorista ang CPP at NPA ng mga tutol sa mithiin nitong “tunay na kalayaan at demokrasya.”

“Gumagamit sila ng pambabansag na terorista dahil tutol sila sa panawagan para sa tunay na reporma sa lupa at pambansang industriyalisasyon,” aniya.

Itinatag ang CPP noong Disyembre 26, 1968. Ayon sa tagapangulong tagapagtatag nito na si Propesor Jose Maria Sison, itinutuloy ng CPP ang simulain ng Katipunan nila Andres Bonifacio, nang may gabay ng Marxismo, Leninismo at Maoismo. Marso 29, 1969, binuo nito ang NPA na mayroon lang siyam na riple at 60 kasapi.

Noong 2021, sinabi ng CPP na mayroon na itong higit 150,000 kasapi habang may libu-libo namang mandirigma ang NPA na kumikilos sa mahigit 110 larangang gerilya sa 90% ng mga probinsya sa Pilipinas.

Red-Tagging

Nagbigay-diin din ang desisyon sa red-tagging, na ayon kay Magdoza-Malagar ay isang “mapaminsalang gawain na banta sa seguridad ng mga aktibista.”

Binigyang kahulugan nito ang red-tagging bilang “malisyosong pag-blacklist ng mga indibidwal o organisasyong kritikal o hindi buong sumusuporta sa nakaupong gobyerno o administrasyon.”

Paglilinaw ng hukom, maituturing na red-tagging ang awtomatikong pagkulumpon bilang kasapi ng CPP-NPA sa mga aktibista, kahit hindi sangkot ang mga ito sa “armadong pakikibaka.”

“Sa ganitong kalagayan, ang paglalagay ng “komunistang bansag’ sa kahit sinong maaaring hindi kasapi o sinuman, kahit pa kasapi, na maaaring hindi naman sangkot sa aktuwal na gawi ng pagtangan ng sandata laban sa gobyerno, ay lubhang nakakabahala,” ayon kay Magdoza-Malagar.

Inihahanlintulad ng Kapatid ang desisyon ng Manila RTC sa hatol ng Korte Suprema noong 1956 sa kaso laban sa unyonista at makatang si Amado V. Hernandez, kung saan kinulumpon ang iba’t ibang kaso bilang iisang kaso ng rebelyon.

Ayon kay Magdoza-Malagar, nananatili pa ring totoo ang hatol na ito, kahit 50 taon na ang nakaraan, lalo na ngayong ang pagiging kasapi pa lang ng isang organisasyon ay ginagamit nang batayan sa pag-aresto.

“Hindi na kinakasuhan ang mga bilanggong pulitikal ng rebelyon kundi ng mga walang piyansang kasong kriminal para itanggi ang tunay na politikal na katangian ng kanilang kaso at siraan sila bilang karaniwang kriminal,” sabi naman ni Lim.

Itinuturing naman ni Valbuena, ang desisyon ni Magdoza-Malagar bilang ligal na pagkontra ng hudikatura sa pamimilit ng NTF-Elcac at Inter-Agency Committee on Legal Action (IACLA) sa mga korte na “maglabas ng mga depektibong mandamyento sa panghahalughog at pag-aresto, pagtatanim ng mga ebidensya at pagsasampa ng pekeng mga kaso laban sa mga aktibista, gayundin sa mga rebolusyonaryo.” 

“Matagal nang ginagamit ng militar at pulis ang HSA at ATA at ang proskripsyon laban sa CPP at NPA para supilin ang mga karapatan at gipitin ang mga lider at kasapi ng ligal na demokratikong mga organisasyong idinadawit nila sa CPP at NPA,” ani Valbuena.

“Sa tingin ko’y may obligasyong ligal ngayon ang NTF-Elcac na tumahimik at ipinid ang bunganga nito at itigil ang teroristang pagbabansag nito laban sa CPP at NPA,” dagdag niya.###