Hiling ni Titser: itaas ang suweldo


Itaas ang sahod! Ito ang hiling mga guro noong World Teachers’ Day.

Teachers carry streamer calling for "salary upgrading now."

Itaas ang sahod! Ito ang hiling mga guro noong World Teachers’ Day.

Ginunita ng mga guro ang World Teachers’ Day  sa pamamagitan ng isang protesta sa Maynila noong Oktubre 5, 2022, sa pangunguna ng Alliance of Concerned Teachers (ACT). Ang hiling nila, itaas ang kanilang suweldo. 

Nanawagan ang mga guro sa pampublikong paaralan na kagyat na itaas ang kanilang suweldo ng mga nasa Salary Grade 15 sa P35,000, habang P38,000 sa Salary Grade 16. Para naman sa mga nasa pribadong paaralan, dapat umanong iItaas ang suweldo sa  P30,000. 

Ang 57 taong gulang na si Rubina Ramos, 31 guro sa isang pampublikong paaralan sa Valenzuela. Idinaing niya nahindi talaga sapat ang nakukuhang suweldo sa pagtuturo. 

“Minsan kailangang isangla ang ATM dahil kulang ang sahod ko, kailangan ko tustusan ang pangangailangan ng mga anak ko at magbayad sa mga loan,” ani Ramos. 

Naniniwala siyang hindi natatapos sa pagtuturo sa loob ng klasrum ang trabaho ng guro. Nagtuturo rin siya sa school publication ng kanilang paaralan at tumatayong district adviser sa Araling Panlipunan. 

Pero walang dagdag na bayad ang  ganitong aktibidad. Ani Ramos, isa itong sakripisyo ng mga guro. Pakunsuwelo na lang na puwedeng gamitin ito bilang credentials para makakuha ng mas mataas na posisyon. 

Matagal nang isinusulong ng ACT na bawasan ang trabaho ng mga guro at magpatupad ng apat na oras lang na pagtuturo sa isang araw. Dapat din, ayon sa grupo, na bayaran ang mga dagdag na trabaho ng guro na higit sa apat na oras. 

Teachers holding protest on world teachers day
Larawan mula sa Alliance of Concerned Teachers NCR

Pangako ni Marcos

Itinaon din ang protesta ng mga guro sa unang 100 araw ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa puwesto. 

Noong Halalan 2022, ipinangako ni Marcos sa kanyang kampanya na bibigyang pansin ang mga kailangan ng mga guro. 

“Para sa akin, sa loob ng sandaang araw niya parang na left behind ang mga guro. Medyo matagal yung mga ipinangako ng kampanya nila,” ani Ramos.

Ayon kay Vladimir Queta, tagapangulo ng ACT, ito ang tamang panahon ng gobyerno para banggitin naman ang mga problemang kinakaharap ng mga guro at ng edukasyon sa Pilipinas.

Nakukulangan ang ACT sa P710 bilyon na panukalang badyet ng Department of Education (DepEd) at P805 bilyon sa kabuuang badyet sa edukasyon para sa taong 2023. 

“Panahon na para sumunod tayo sa rekomendasyon ng United Nations, dapat ang 6% ng ating GDP [gross domestic product] ay napupunta sa badyet ng edukasyon,” ani Queta.

Kung susundin ang rekomendasyon ng UN, aabot sa P1.424 trilyon ang dapat na pondong mapunta sa edukasyon sa taong 2023.

Noong Setyembre 14, dininig sa Kamara ang panukalang badyet ng DepEd para sa 2023. Humingi si Bise Presidente at DepEd Secretary Sara Duterte ng P105 milyong confidential funds. 

Paliwanag niya, “kailangan ng tulong mula sa mga security cluster at security sector upang ilatag ang mga isyu at hamon sa basic education hinggil sa sekswal na panghahalay sa paaralan, pagpapasali sa gawaing terorismo at paggamit ng mga tauhan ng DepEd ng droga na hindi binigyan pansin.” 

Pero para sa mga guro, hindi ito ang mga problemang kinakaharap nila na pangunahing kailangang bigyan pansin sa gitna ng krisis na kinakaharap ng edukasyon ng bansa.

Bukod sa pagtaas ng sahod, inilatag ring kahilingan ng guro sa World Teachers’ Day ang pagbasura sa 15-days na credit limit, libreng laptop at P10,000 internet allowance, mataas na badyet sa edukasyon, at pagreview sa umiiral na K-12 na sistema ng edukasyon.

teachers hold protest during world teachers day
Larawan mula sa Alliance of Concerned Teachers NCR

Sang ayon si Ramos sa panawagan ng mga katulad niyang guro. Aniya “Sana tumaas na ang sahod ng mga guro at maging maayos na ang sistema ng ating edukasyon.” 

Mababa man ang sahod at hindi prayoridad ng gobyerno ang mga gurong tulad niya, hindi naman magawang iwan ni Ramos ang pagtuturo dahil isa na itong bokasyon para sa kanya. 

“Ang consolation na lang naming mga guro ay ang matulungan ang mga bata sa bansa natin. Kung sahod lang ang pag-uusapan matagal na ako nagturo sa ibang bansa pero mas gusto ko magturo sa bayan ko.” aniya.