Si Percy Lapid

Editoryal

Hustisya para kay Percy Lapid!

October 10, 2022

Noong Setyembre 30, huling nagsahimpapawid sa radyo ng brodkaster na si Percival Mabasa, mas kilala bilang Percy Lapid sa matatalas niyang komentaryo, tinalakay niya ang mga panganib ng red-tagging. ‘Di alintana ang sariling kaligtasan, maapoy na kritiko siya ng administrasyong Duterte at Marcos. Sino ba ang nasasaktan sa pagbatikos sa red-tagging na pinaigting ni Duterte […]

Noong Setyembre 30, huling nagsahimpapawid sa radyo ng brodkaster na si Percival Mabasa, mas kilala bilang Percy Lapid sa matatalas niyang komentaryo, tinalakay niya ang mga panganib ng red-tagging.

‘Di alintana ang sariling kaligtasan, maapoy na kritiko siya ng administrasyong Duterte at Marcos.

Sino ba ang nasasaktan sa pagbatikos sa red-tagging na pinaigting ni Duterte at nagpapatuloy kay Marcos? Walang iba kundi ang mga may pakana ng red-tagging.

Noong gabi ng Oktubre 3 inabangan si Percy ng mga armadong riding-in-tandem. Bantog ang pusakal na riding-in-tandem sa mga pampulitikang pagpatay. Pinaputukan siya at doo’y bumulagta sa loob ng kanyang sasakyan. Dalawang punglo ang bumistay sa kanyang buhay.

Kauupo pa lamang ni Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. bilang pangulo, ikalawang mamahayag na si Percy na pinatay. Noong Setyembre 18 lamang, pinaslang ang broadkaster na si Rey Blanco sa Mabinay, Negros Oriental.

Ibinibida noon ng Presidential Task Force on Media Security (PTFOMS) na nabibigyan ng proteksyon ang midya sa bansa. Pinasusungalingan ito ng dalawang brodkaster na kamamatay lamang.

Sa kabila nito, ito pa rin ang walang silbing PTOMS na pinag-uutusan ng presidente.

Hindi seryoso ang Malakanyang na matigil ang walang habas na pamamaslang at pagbusal sa malayang pamamahayag. Interesado lamang ito sa pambabaluktot sa katotohanan.

Dahil dito, hindi na nanahimik kahit ang mga gobyerno ng ibang bansa. Agad kinondena ng mga embahada ng Canada, Netherlands, France, United Kingdom, Germany, Denmark at delegasyon ng European Union (EU) sa Pilipinas ang pagpatay.

Isang internasyunal na kahihiyan kay Junior ang nagpapatuloy na pamamaslang. Hindi lamang siya kahiya-hiya sa panonood ng karera ng Formula 1 sa Singapore habang gumagapang sa kagutuman ang bansa.

Lumilinaw ang tunay na pagkatao at pamamahala ng anak ng diktador.

Sumisigaw ng hustisya ang midya at mamamayan. Utang na dugo ito ng rehimen. Duguan ang kamay ng mga nasa kapangyarihan. Maniningil ang lahat ng inaapi.

Itigil ang pamamaslang sa mga mamamahayag! Hustisya para kay Percy Lapid!

Avatar

Pinoy Weekly

This is a product of collaboration between writers, photographers and/or artists of Pinoy Weekly.