Dekanong Makabayan

Panre-red tag ni Badoy at ang labang kaakibat nito


Makikita sa mga kaganapang ito na maaaring maging biktima ng panreredtag ang kahit sino. At sa pagkakataon ng panre-red tag, mahalaga ang lumaban.

Panre-red tag ni Badoy at ang labang kaakibat nito

Haharap si Lorraine Badoy sa korte dahil sa panre-red tag kay Judge Marlo Magdoza-Malagar. Si Badoy, dating spokesperson ng National Task Force to End Local Communist Armed Conflict (NTF-Elcac), ang anti-communist task force ng gobyerno.

Kilala siya, kasama na ng NTF-Elcac, sa matinding panre-red tag sa mga progresibo, marhinalisadong grupo, pati na ng mga ordinaryong mamamayan. Sa katunayan, ako mismo ay naging biktima na ng panre-red tag ni Badoy.

Sabi niya, malamang ay komunista ako base sa aking trabaho. Bilang abogado, ang pusod ng trabaho ko ay ang paglaban para sa human rights, indigenous peoples at climate justice. Ginagawa ba ako noong komunista?

Bagamat kilala si Badoy dahil dito, hindi dapat natin hayaang maging normal ang red tagging. Maraming tao ang napahamak na dahil sa red-tagging—may mga ikinulong, nawala, sinaktan at pinatay na dahil dito. Ang panre-red tag ay kaakibat ng isang pagbabanta. At dapat itong seryosohin at tugunan nang maigi.

Kaya naman marami nang naisampang reklamo laban kay Badoy mula sa iba’t ibang grupo at indibidwal upang labanan siya.

Kabilang na rito ang Ibon Foundation (policy research group), Karapatan (human rights group), dating Kabataan Partylist Rep. Sarah Elago, mga aktibista at concerned citizens, mga progresibong grupo, Alliance of Health Workers, ina ng community pantry organizer, Maria Ressa at grupo ng mga doktor. 

Lahat ito ay hiwa-hiwalay na mga kaso na nagpapakita ng malawakang panre-red tag ni Badoy.

Kamakailan nga lang ay may nagdagdag na naman si Badoy sa listahan ng kanyang mga nire-red tag. Sinama na niya rito si Judge Malagar matapos niyang ibasura ang proscription case na magdedeklara sa Communist Party of the Philippines-New People’s Army (CPP-NPA) bilang terorista.

Tinawag ni Badoy ang judge na tagapagtanggol ng CPP-NPA. Nagbanta rin siyang patayin ang judge dahil sa kanyang politikal na paniniwala matapos ibasura ang proscription case.

Ito ay nagbunga na naman ng paglaban kay Badoy at sa red-tagging. Ngayon ay binibigyan ng Korte Suprema si Badoy ng 30 araw upang ipaliwanag kung bakit hindi siya dapat kasuhan ng contempt.

Kailangan niyang tugunan ang apat na puntong nilabas ng Korte Suprema: kung nag-post si Badoy tungkol sa desisyon ni Judge Malagar, kung nagdulot ang post na ito ng mas mararahas na komento sa judge, kung ang post niya ay malinaw na pandadahas ng judge at kung ang post na nandadahas ng judge ay bahagi ng constitutionally-protected speech.

Ngunit bago pa ilabas ang order na ito para kay Badoy ay itinulak na rin ng Movement Against Disinformation (MAD)—kung saan ako ay miyembro—ang aming petisyon na ideklarang guilty si Badoy sa indirect contempt of court dahil sa kanyang social media post laban kay Judge Malagar. Kasama rin sa petisyon ang pagkakakulong nang anim na buwan at P30,000 na multa.

Makikita sa mga kaganapang ito na maaaring maging biktima ng panreredtag ang kahit sino. At sa pagkakataon ng panre-red tag, mahalaga ang lumaban.

Larawan mula sa Movement Against Disinformation Facebook page

Wika ni Atty. Rico Domingo, isa sa mga petitioner mula sa MAD, “‘Pag hindi natin nai-stop ito, bukas mayroon na namang babarilin. Mayroon na namang aambushin. We cannot just sit idly on this. We have to do something more forceful about this and that is why we are going to the Supreme Court.”

Maraming buhay na ang nawala dahil sa red-tagging. Maraming mamamayan ang nasaktan at nagdusa dahil dito. Kaya naman ang kaswal na panre-red tag ni Badoy ay hindi lamang nakakabastos, kundi mapanganib para sa lahat ng nata-target.

Nakakatakot ang ma-red tag, ngunit mas nakakatakot isipin kung patuloy nating hahayaan ang panre-red tag nang hindi tayo lumalaban.

Sa personal na lebel, bilang abogado, sisiguraduhin kong tumulong sa pagprotekta ng mga mamamayang na-red tag sa legal na aspeto. Para sa iba, maaaring ang paglaban nila ay pagsali sa mga protesta, pagsulat, o pagtuturo.

Magiging iba-iba ang papel natin sa laban na ito bilang mga ordinaryong mamamayan, ngunit ang pinakamahalaga ay maging parte ng laban.