Ferdinand Marcos signing a bill into law superimposed on photos of simcards

SIM Card Registration, isinabatas ni Marcos

October 13, 2022

Nilagdaan na ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang Subscriber Identity Module (SIM) Card Registration Act (Republic Act 11934). Itinatakda nito na dapat i-rehistro ang mga SIM card sa ligal na pangalan ng may-ari, kalakip ang iba pang detalye tulad ng address na pinagtitibay ng isang valid ID.

Nilagdaan na ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang Subscriber Identity Module (SIM) Card Registration Act (Republic Act 11934). Itinatakda nito na dapat i-rehistro ang mga SIM card sa ligal na pangalan ng may-ari, kalakip ang iba pang detalye tulad ng address na pinagtitibay ng isang valid ID.

Ayon kay Marcos, ang pagrehistro ng SIM card ang magpapatigil sa mga panggagantso gamit ang cellphone.

Umaabot sa P300,000 ang multa at hanggang 2 taon na pagkakakulong ang itinakdang parusa sa paggamit ng pekeng detalye sa pagrehistro ng SIM card. Ang hindi naman marerehistrong SIM sa loob ng 6 na buwan ay made-deactivate.

Binatikos naman ng iba’t ibang grupo ang naturang batas dahil sa dalawang dahilan. Una, kawalang-tiwala sa pangangalaga ng gobyerno sa data privacy, at pangalawa, ang pangangailangan ng ID para magrehistro.

Walang sapat na ebidensya na makakatulong ang SIM Card Registration Act sa pagsugpo sa mga spam messages, ayon kay Rep. Raoul Manuel ng Kabataan Partylist. 

“Maaari pa itong magdulot ng kapahamakan sa mga ordinaryong mamamayan. Nakakabahala ang SIM Card Registration Bill dahil magiging bulnerable ang mamamayan sa iba’t ibang porma ng data privacy violations,” babala niya.

Pangamba naman ng Gabriela Women’s Party (GWP), maaaring gamitin ang impormasyon ng mamamayan para sa paniniktik, pagmamanman, at harassment.  

“Lalo lamang nitong bubulukin ang ngayo’y malubhang estado ng data privacy at communication sa Pilipinas. Sa batas na ito, ang lahat ng Pilipinong hindi magrerehistro ng kanilang SIM card ay tinitignan bilang isang potensyal na kriminal,” ayon kay Rep. Arlene Brosas ng GWP.

Maari rin umanong mapagkaitan ng karapatan sa komunikasyon ang mga karaniwang Pilipino lalo na ang mga nasa marginalized na sektor dahil sa mga rekisito sa pagpaparehistro ng SIM card.

“Hindi libre ang pagkuha ng National ID kaya mahihirapan din makapag-register ang karamihan dahil walang akses sa pagkuha ng valid IDs. Sa batas na ito, mapagkakaitan ng right to communication ang mga Pilipino at magdudulot ng disenfranchisement sa marginalized sectors, tulad ng indigenous people,” ayon din kay Brosas.

Higit sa 156.5 milyong SIM ang aktibo sa Pilipinas na pinagmamay-arian ng 82 milyong Pilipino. Ngunit sa 50 milyong aplikante ng National ID noong 2021, 14 milyon pa lamang ang nakakatanggap ng kanilang ID.

“Hindi ko pa nga natatanggap ang National ID ko kahit lagpas isang taon na mula noong nag-apply ako. Kung wala akong valid ID, paano ako makakapagregister ng SIM? Pano ako makakagamit ng cellphone?” sabi ni Marica, isang working student sa Valenzuela.

Ginagamit niya ang cellphone para sa online classes, komunikasyon sa pamilya, at sa pagtatrabaho.

Pangamba sa privacy

Sa nakalipas na taon, marami nang naiulat na insidente ng data breach sa mga ahensya ng gobyerno. Noong 2021, naiulat ang data misconfiguration ng Department of Foreign Affairs na iniladlad ang impormasyon ng libo-libong aplikante ng passport sa kanilang tracking system.

Bago magsimula ang kampanya para sa halalang 2022, naiulat din na nagamit ang text alert ng National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC) sa pangangampanya ng tambalang Marcos-Duterte. 

“Inilalagay ng SIM Card Registration sa panganib ang karapatan natin para sa pribasiya at proteksyon ng ating mga impormasyon. Sa lahat ng bansang nagpatupad nito, maraming mga naging kahinaan at hindi ito epektibo,” ayon kay Kim Cantillas ng Computer Professionals’ Union (CPU).

Iginiit din ng grupo sa administrasyong Marcos na dapat mahigpit nitong ipatupad ang Data Privacy Act.

“Walang silbi sa ordinaryong mamamayan ang SIM registration. Hindi dapat natin kailangang isuko ang ating karapatan sa privacy, lalo pa’t ang kapalit nito ay ang lalong pagpapanganib sa atin nang hindi man lang natin namamalayan,” ani Cantillas. ###

Avatar