Panganib sa SIM card registration


Lamang ba talaga ang benepisyo kaysa panganib sa SIM Card Registration Act?

Makakatulong raw sa pagsugpo sa mga krimen tulad ng terorismo, mga text scam, bank fraud, paninirang puri at pagkalat ng disimpormasyon ang pagpaparehistro ng mga SIM card. Pero ayon sa Computer Professionals Union, maaaring malabag ng panukala ang karapatan sa privacy at seguridad ng mga mamamayan.

Nakasaad sa SIM Card Registration Act na kailangan iparehistro ng isang tao ang kanyang buong pangalan at address kasama ng isang ID na magpapatunay ng pagkakakilanlan sa public telecommunication entity (PTE) bago makabili ng SIM card.

Mapupunta ang personal na impormasyon ng mga nagparehistro sa isang sentralisadong database na may akses ang mga ahente ng estado at maaaring magamit sa paniniktik at pagpapatahimik sa mga kritiko, aktibista at mamamahayag.

Nangyari at patuloy na nangyayari na ito. Ang probisyon para sa “false information” sa Bayanihan Law noong 2020, ginamit para arestuhin nang walang warrant ang Cebuana artist na si Bambi Beltran, matapos niyang sabihin na higit 9,000 ang bagong kaso ng Covid-19 sa Cebu City kaya epicenter o sentro na ng pandemya ang Cebu “sa buong solar system”. Binasura rin ng korte ang kaso dahil malinaw na panunuya lang, protected speech ang satire, at tama naman ang numerong binanggit ni Beltran.

Pero ang mga opisyal ba ng gobyerno, at ang pangulo, nang magpakalat ng maling impormasyon tungkol sa paghuhugas ng kamay o face mask gamit ang petrol, ang pag-inom ng ivermectin na kadalasan pampurga sa mga alagang hayop, inaresto ba sila? Hindi naman. Hindi rin malinaw sa SIM card registration kung ano ang papel ng social media at walang kasiguruhang masusugpo nito ang mga troll na gumagamit ng pekeng pagkakakilanlan para maghasik ng maling impormasyon sa internet.

Sinasabi sa pag-aaral ng Privacy International na sa mga bansang Canada, Czech Republic, the Netherlands at Ireland na “hindi epektibo” ang mga parehong patakarang ipinatutupad. Sa Pakistan kung saan may pareho ring batas hanggang ngayon, nagkaroon ng kaso noong 2014 na may mga SIM card na-recover ang kanilang gobyerno na ginagamit diumano ng mga militanteng grupo sa pagpaplano ng pag-atake ngunit na-trace sa mga ordinaryong sibilyan na walang koneksyon sa mga grupo.

Sa panahong sunod-sunod ang mga paglabag sa mga karapatang pantao, dagdag pa ang mga patakarang katulad ng Anti-Terrorism Act at Philippine Identification System Act, hindi malayo na aabusuhin ng pamahalaan at mga ahente nito ang sistema ng pagpaparehistro.
Kung pilit na inaagaw ng pamahalaan ang mga karapatan sa privacy, seguridad at buhay ng mamamayan, marapat lang na tutulan ang SIM Card Registration Act na lalo magdudulot ng takot at pangamba.