Editoryal

Paratang, pruweba

March 8, 2021

Mahirap panuorin ang livestream ng NTF-ELCAC. Sa presensya ng mga ahensya ng gobyernong nagsabing poprotekta sa kanila (militar, gobyerno rin naman nagsampa ng kaso), ilang beses natitigilan si Gurung at Ramos.

Gamit ang dahas, maling impormasyon, at pagsasawalang bahala sa mga proseso ng hustisya, pinaglalaruan ng militar at ng administrasyong Duterte ang mga mamayang Pilipino. Sa bisa at proteksiyon na ginagawad ng Anti-Terror Law (ATL) sa mga opisyales, malayang nakapanlilinlang at nakapamiminsala ang mga ito gamit ang gawa-gawang paratang.

Ganito ang sinapit ng National Union of People’s Lawyers (NUPL), ang orihinal na legal counsel ng dalawang Aeta na kauna-unahang pinagbintangan ng terorismo sa ilalim ng ATL. Ayon sa Sept. 14 document na ipinasa ng militar sa isang korte sa Olangapo, nagsasabwatan raw ang mga Aeta sa pamamaril sa militar at nagtagumpay pa sa pagpatay ng isang sundalo mula sa 7th Infantry Division. Nilista ng militar ang probisyon ng ATL na nagsasabing terorismo ang pagiging bahagi ng anumang akto na maaaring makasakit o makapatay ng isang tao.

Sa isang manipestasyon Nobyembre ng nakaraang taon, isinalaysay ang dinanas na pandarahas at maling pag-akusa kina Japer Gurung at Junior Ramos ng pagiging miyembro ng New People’s Army. Ayon sa mga ito, katakot-takot na tortyur ang dinanas nila sa kamay ng militar. Tinaniman rin daw sila ng mga pampasabog at armas, kahit ang kinalakhan lang nilang kabuhayan ay pagtatanim ng mais, palay at gabi sa Zambales.

Bago pa man lumaki ang importansya ng kaso na ito sa oral arguments laban sa ATL, naiatras na ang petisyon, na lumabas na denied rin naman ng Korte Suprema.

Pebrero 10, sa isang livestream ng National Task Force to End Local Communist Armed Conflict (NTF-Elcac), ipinagsalita sa publiko si Gurung at Ramos. Hinainan sila ng mga tanong tulad ng “Naramdaman niyo po ba na parang ginamit nila [NUPL] kayo?” at “Ito po bang pagbigay ng ng isang libo ay kapalit ng pagpayag ninyong pumirma ng dokumento, tama po ba?” Ito ang mga tanong na hindi na nag-aantay ng sagot dahil may naratibo nang binuo ang NTF-Elcac.

Ayon sa NUPL, ang isang libo ay para sa mga pangangailangan sa loob ng bilibid. Hindi marunong magbasa at magsulat si Gurung at Ramos. Matapos ipaliwanag ng NUPL ang lalamanin ng petisyon, sa loob ng Bureau of Jail Management and Penology (BJMP), kinumpirma pa ng nagnonotaryo kung tunay ngang pumayag ang dalawa na ihain ang petisyon. Ilang buwan rin nagsilbing legal counsel ang NUPL, at lahat ng pag-uugnayan ay naganap sa BJMP dahil nga nakakulong ang dalawa.

Mahirap panuorin ang livestream ng NTF-ELCAC. Sa presensya ng mga ahensya ng gobyernong nagsabing poprotekta sa kanila (militar, gobyerno rin naman nagsampa ng kaso), ilang beses natitigilan si Gurung at Ramos.

Sa ganitong mga panahon, lalong lumalakas ang tanong sa ating mga isipan: Para kanino ba nilikha ang batas at sino ang pinoprotektahan nito?

‘Isang linya lang mula sa mga opisyales, nagbabalat katotohanan ang pawang alegasyon. Pasan ng mga progresibong organisasyon at karaniwang mamamayan ang pagpapaliwanag at pagsiwalat ng katotohanan. Pinagsasabong pa nga ng gobyerno itong humanitarian organization at mga komunidad na nilalayon nitong tulungan..

Pati ang kawalan ng abot-kayang edukasyon para sa lahat, nagagamit na armas ng gobyerno. Paano nga naman magagamit ang batas para protektahan ang masa, kung hindi ito mabasa o maintindihan ng mga karaniwang sibilyan?

Ngayon, higit kailan, kailangan ng pagkilatis sa tintanaggap na impormasyon, pag-aaral ng sitwasyon, at puspusang pagpapaliwanag sa mga kapwa at ibang miyembro ng komunidad. Kung akala ng administrasyon na kaya nitong paikutin ang sambayanang Pilipino, nasa ating sama-samang pagtutol at pagdemanda ng hustisya ang pagkapanalo.