Karapatang Pantao

Demokrasya vs tiraniya

February 11, 2021

Ipinamalas ng oral arguments sa Korte Suprema hinggil sa legalidad ng Anti-Terrorism Law of 2020 na lantarang tiraniya at pangingibabaw ng pasistang kapangyarihan ang inaasam ng rehimeng Duterte gamit ang batas na ito.

Habang sinusulat ang artikulong ito, nagaganap ang oral arguments o pag-aargumento ng mga petisyuner laban sa Anti-Terrorism Act (ATA) of 2020 o Republic Act No. 11479 sa Korte Suprema. Sinasabing ATA ang batas na pinaka-tinutulan sa kasaysayan ng bansa. Ito rin, ayon sa mga petisyuner, ang pinakamapanganib na batas. Apektado hindi lang ang mga binabansagan ng kasalukuyang administrasyong Duterte na “terorista”, kundi bawat Pilipino.

Kasama sa mga tumututol sa ATA ang maraming grupo ng mga abogado, kabilang ang pangunahing grupo nila, ang Integrated Bar of the Philippines (IBP). Kasama rin ang lawyers’ groups katulad ng Free Legal Assistance Group, National Union of People’s Lawyers (NUPL), iba’t ibang law schools, at marami pang iba. Pero hindi lang iyan, sinasaklawan ng mga tumututol kahit ang mga nasa showbiz industry — mga artistang katulad nina Angel Locsin, Catriona Gray, Liza Soberano, Anne Curtis, Erwin Heusaff, Nadine Lustre, Janine Gutierrez, Pia Wurtzbach, at marami pang iba.

Malawak nga ang pagtutol dito, at malaganap ang pagtinging lantarang atake sa karapatan ng mga mamamayan ang ATA. Pero sa kabila nito, masugid na kinakampanya ng rehimeng Duterte ang batas, lalo na ang Armed Forces of the Philippines (AFP) at National Task Force to End Local Communist Armed Conflict (NTF-Elcac). Sinasabi ng AFP at NTF-Elcac na kailangan daw ang naturang batas para malabanan ang “terorismo” sa bansa. Pero sa kanilang information campaign, mas dinidiinan nila ang insurhensiya ng Communist Party of the Philippines (CPP) – New People’s Army (NPA) – National Democratic Front (NDF) na di-makatwiran nilang binabansagang “teroristang” mga organisasyon, sa halip na rebolusyonaryong mga grupo na maaaring harapin sa pamamagitan ng usapang pangkapayapaan.

Sa pagtugis nila sa mga rebelde, ginagamit ng rehimeng Duterte ang ATA para tugisin ang legal na mga organisasyon, mula sa mga progresibong grupo hanggang sa tradisyunal na oposisyon at kahit sinumang nagpapahayag ng pagtutol sa kanila. Lumalabas, ayon sa mga kritiko ng ATA, ang gamit ng naturang batas ay para tugisin ang lahat ng boses na kritikal sa administrasyon.

Mula nang maipasa ang batas, umabot na sa 37 petisyon laban dito na isinampa sa Korte Suprema. Ano ang mga batayan nila ng pagpapanawagang ibasura ang ATA? Narito ang ilan sa mga dahilan – batay sa mga bahagi ng batas na anila’y labag sa Saligang Batas at sa batayang mga karapatan ng mga mamamayan.

Protesta kontra sa ATA sa harap ng Korte Suprema noong Pebrero 2. KR Guda

Malabong pagpapakahulugan ng terorismo

Pinalawak ng ATA ang depinisyon ng terorismo. Bago nito, mayroong pangkaraniwang mga krimen tulad ng rebelyon, murder, arson, atbp., na kapag ginawa na may intensiyong magpalaganap ng malawakang pagkatakot ng madla, maituturong na itong terorismo.

Pero sa ATA, ang “terorismo” ay “mga akto na may layuning magdulot ng malawakang pagkagambala sa kritikal na imprastraktura” (“acts intended to cause extensive interference with critical infrastructure”). Para sa mga petisyuner, “vague” o labis na malabo ang pagpapakahulugang ito sa “terorismo”.

Isa sa mga naghayag ng opening statement sa oral arguments sa Korte Suprema si Chel Diokno, abogadong pangkarapatang pantao at tagapangulo ng FLAG. Aniya, bagamat sinasabi sa ATA na hindi raw kasama sa terorismo ang mga aksiyong protesta, adbokasiya at anumang ehersisyo ng pampulitika at sibil na karapatan, may pahabol ito — “hindi ito dapat naglilikha ng seryosong banta sa kaligtasan ng publiko” (“create a serious risk to public safety”). Sinabi rin ni Diokno, na nasa Implementing Rules and Regulations (IRR) mismo ng ATA na may mga kondisyon na maaaring maituring na “terorismo” ang mga protesta.

Sinabi pa niya na sa Seksiyon 9, sakop ng maaaring tugisin ang mga “nagbubuyo” (inciting) na gumawa ng “terorismo”, gayundin mga “banta”, “panukala”, “pagsasanay” sa isang “terorista”, o pagiging miyembro ng isang grupong binabansagang “terorista” ng gobyerno. Lahat nang ito, lalabag sa karapatang magpahayag ng mga mamamayan.

At sino ang magtatakda kung ang isang aksiyong protesta o adbokasiya ay “seryosong banta sa publiko”? Ang Anti-Terrorism Council (ATC), na kinakatawan ng mga heneral ng militar at pulisya, mga opisyal ng “security sector”, mga tagapagpatupad din ng naturang batas at ng giyera kontra insurhensiya.

Kung may ATA na noong 1986, ani Diokno, malamang na maituring nitong “terorista” (at hindi bayani, na siyang turing ngayon, sa pagpapasimula sa pag-aalsang EDSA) si Jaime Cardinal Sin. Nanawagan kasi ang kardinal sa mga mamamayan na mapayapang magtipon sa EDSA para depensahan noon sina Fidel Ramos at Juan Ponce Enrile na tumiwalag sa diktadurang Marcos.

Parusa kahit walang hatol

Sa opening statement naman ni Neri Colmenares, abogadong pangkarapatang pantao at dating kinatawan ng Bayan Muna, sinabi niyang labag sa nakasaad sa Saligang Batas na nagbabawal sa “bill of attainder” ang ATA.

“(I)yan ang esensiya ng isang bill of attainder – isang batas na nagpapataw ng parusa kahit wala pang hatol ng hudikatura,” sabi ni Colmenares sa wikang Ingles.

Sa ilalim ng ATA, aniya, “hindi kailangang aktuwal na magresulta sa ‘pagdala ng panganib’ sa buhay ng isang tao’” ang na sinasabing “terorismo”. “Anumang hubad na paratang na may intensiyon (ang isang tao) na ‘magdala sa panganib’ sa isa pang tao ay sapat na (sa batas na ito),” sabi pa ni Colmenares.

Isa pa, aniya, pinagkakait ng RA 11479 ang karapatan ng isang klase o grupo ng “sinususpetsahang mga tao” nang walang pagdinig sa korte dail may karapatan ang gobyerno na mag-imbestiga at mag-freeze ng ari-arian nila – dahil lang sinususpetsahan pa lang silang “terorista”. Nilalaktawan na rin nito ang korte sa pagdeklara ng pagkakakulong ng mga “suspetsa” nang mahigit tatlong araw.

Sa reyalidad, ani Colmenares, ginagamit na ng rehimeng Duterte ang terminong “terorista” sa malawak na bilang at sektor ng mga mamamayan – na naghahayag ng kritisismo o pagtutol sa anumang polisiya ng gobyerno o pagtutol sa mismong nasa poder.

“Kasama sa mga biktima (ng pagbansag na ‘terorista’) ang mga organisasyong tulad ng Makabayan, mga simbahan tulad ng National Council of Churches, pandaigdigang NGOs (nongovernment organizations) tulad ng Oxfam at Caritas, at kamakailan ang Unibersidad ng Pilipinas at marami pang eskuwelahan at kolehiyo,” aniya.

Nakababahala din umano na pinapayagan ng ATA ang “walang pakundangang paniniktik” (“unrestrained surveillance”) sa mga tinuturing at inaakusahan ng ATC na “terorista”.

“Pinaiilalim ng Seksiyon 16 ang sinumang ‘sinususpetsahang tao’ at sinumang nakikipag-ugnayan sa sinususpetsahang tao sa walang pakundangang paniniktik na pumapayag sa (gobyerno) na mangkolekta ng anumang pribadong komunikasyon, anumang moda o gaheto o hindi pa alam na teknolohiya sa anumang sabdyek…(M)alinaw na paglabag ito sa karapatang konstitusyonal laban sa di-makatwirang paghahalughog at pagkumpiska, at sa karapatan sa pagiging pribado (privacy),” sabi pa ni Colmenares.

Sinabi pa niya na walang dapat makulong sa ehersisyo ng kanyang karapatang nakasaad sa Konstitusyon.

“(Pero) ito ang ginagawa ng mismong terror law. Ito ang dahilan kung bakit dapat ibasura ang kadustaang ito na nagpapanggap na batas,” pagtatapos ni Colmenares.

Sina Neri Colmenares (kaliwa) at Chel Diokno, kapwa abogadong pangkarapatang pantao na kinatawan ng petitioners sa oral arguments sa Korte Suprema. Larawan mula kay Atty. Sol Taule

Pagsamsam sa ari-arian o assets

Sinimulan ni Evalyn Urusa, abogadong pangkarapatang pantao, ang kanyang opening statement sa harap ng Korte Suprema sa kuwento ng Rural Missionaries of the Philippines (RMP).

“Noong Disyembre 2019, nagulat ang RMP, isa sa mga petisyuner dito, na malaman na frozen na ang bank accounts nito sa utos ng AMLC (Anti-Money Laundering Council) nang hindi alam kung bakit – hanggang matapos ang siyam na buwan nang pasimulan ng AMLC ang isang petisyon para sa ‘civil forfeiture’ sa Regional Trial Court sa Maynila,” pagsisimula ni Ursua, sa wikang Ingles.

Pinagbatayan umano ng AMLC ang freeze order sa akusasyong pinopondohan daw ng RMP ang mga rebelde sa Mindanao.

“Dahil ginawa ang pag-freeze sa bank accounts nang ex parte (o ginawa nang walang paabot sa grupo o taong ginagawan ng aksiyon -Ed.), pinagkaitan ang RMP ng karapatang pabulaanan, sa harap ng walang-kinikilingang hukuman, ang naglilingkod-sa-sariling pahayag ng mga saksi at ipakita na lahat ng transaksiyon nito sa bangko ay legal,” ani Ursua. “

Sa ilalim ng Seksiyon 25 ng ATA, magiging lehitimo o pangkaraniwan ang pagbabansag sa mga tao o organisasyon na terorista at tagapondo ng mga terorista nang di nila alam, at walang remedyo sa batas. “Binigay ang kapangyarihang ito sa ATC, isang simpleng ahensiyang administratibo,” paliwanag pa niya.

Lalong mapanganib ang “absolutong kapangyarihan” sa konteksto ng kasalukuyang sitwasyon, sabi pa ni Ursua. Bago pa man paslangin ang mga aktibistang sina Benjamin Ramos at Zara Alvarez, halimbawa, pinaratangan silang mga komunista at terorista – ng parehong mga opisyal na kumakatawan ngayon sa ATC.

Kamakailan, pinaratangan din ng AFP na NPA o naging NPA ang maraming alumni ng UP, kabilang dito ang isang kilalang manunulat sa teatro, isang eksperto sa social entrepreneurship, at pati isang patay nang tanyag na direktor at manunulat, at marami pang iba. “Siniraan sila sa publiko, niyurakan ang mga reputasyon nila, at nilagay ang mga buhay nila sa panganib. Naging legal na ang mga gawaing ito sa pamamagitan ng absolutong kapangyarihan ng ATC na mambansag,” sabi pa ni Ursua.

Ilegal na detensiyon

“Hindi maaaring isagawa at paigtingin ang giyera laban sa pinaghihinalaang mga terorista at kampanya kontra terorismo nang sinasakripisyo ang mga karapatang pantao, kalayaang sibil at batayang mga karapatan na nakasaad sa, at protektado ng, Konstitusyon.”

Ito, sa wikang Ingles, ang pagsusuma ni Albay Rep. Edcel Lagman, sa opening statement niya sa Korte Suprema, sa argumento ng mga petisyuner laban sa ATA.

Isa sa pinamalupit umanong paglabag ng ATA sa batayang mga karapatan ang klase ng pag-arestong walang mandamyento (warrantless arrest) at matagal na detensiyon na pinapayagan ng naturang batas.

Sa Seksiyon 34 ng ATA, maaaring maipasailalim ang mga suspek sa “house arrest” kahit na inaakusahan sila ng mga krimen na maaaring makapagpiyansa. Kabilang dito ang “pagbabanta na gumawa ng terorismo”, “pagpanukalang gumawa ng terorismo”, at “pagbuyo na gumawa ng terorismo” – mga “krimen” na maaaring pagpiyansahan o bailable.

Ibig sabihin, nilalabag ng ATA ang karapatan ng mga akusado na magpiyansa. Mistulang “stamp pad” na lang umano ang mga korte sa mga utos ng Ehekutibo, partikular ng ATC, na siyang nagdedesisyon sa kung sino ang terorista, ano ang parusa sa kanila bago pa man humarap sa korte, at anong ari-arian o assets ang maaaring ipagkait sa kanila kahit wala silang alam sa pagkakait na ito.

“Ang Anti-Terrorism Act ay nagdudulot ng seryosong mga usapin ng pag-abuso ng Ehekutibo na siyang nagsisilbing behikulo laban sa aktibismo at mga boses na lumalaban,” saad sa petisyon nina Howard Calleja, abogado at petisyuner na kinatawan ni Rep. Lagman.

Tinukoy ng grupo na isa umanong “lantarang pag-atake” ang RA 11479 sa mga karapatang anila’y ‘nakadambana’ sa Konstitusyon tulad ng kalayaan sa pamamahayag, ng ekspresyon, at ng press, kalayaan sa mapayapang asembliya at pagpetisyon sa gobyerno para sa pag-amyenda ukol sa mga karaingan at iba pa.

“Ang batas na ito ay naglalagay sa ating mga batayang karapatan sa ilalim ng tuloy-tuloy na panganib. Pinapahintulutan nito ang pagguho ng katotohanan at kriminal na pagkakait ng kalayaan.”

Bukod sa mga abogado, kabilang sa mga nagpetisyon ang De La Salle Brothers, Inc. na nirerepresenta ni Brother Armin Luistro, FSC, Raeyan Reposar, presidente ng Law Student Government sa De La Salle University College of Law, at sina Dr. Reynaldo Echavez at Napoleon Siongco na kumakatawan umano sa ‘concerned citizens’ at mga propesyunal.

Sandata ng tiraniya

Noong nakaraang linggo, umigting lang ang red-tagging o paninira ng mga nasa militar sa mga taong binabansagan nitong “terorista” o sumusuporta sa kanila.

Sa isang Facebook post, pinaratangan ni Lt. Gen. Antonio Parlade, tagapagsalita ng NTF-Elcac, ang reporter ng Philippine Daily Inquirer (PDI) na si Tech Torres na umaayuda raw sa mga “terorista” sa pagsulat ng artikulo tungkol sa dalawang Aeta na nagreklamo sa Korte Suprema dahil sinampahan sila ng kaso ng terorismo sa ilalim ng ATA nang walang batayan. Umalma ang maraming grupo ng mga mamamahayag kabilang ang National Union of Journalists of the Philippines sa pinakahuling atakeng ito sa mga mamamahayag.

Dahil dito, nanawagan ang NUPL sa Korte Suprema na pag-usapan din sa oral arguments ang pagbabanta na hablahan ang mga mamamahayag sa ilalim ng ATA – tulad ng pagbabanta ni Parlade kay Torres ng PDI.

“Maaaring lumabas sa mga interpelasyon ang red-tagging ni Parlade kung mamarapatin ng mga Hukom na may kaugnayan o mahalaga sa pangkalahatan o sa partikular ito,” sabi ni Edre Olalia, abogadong pangkarapatang pantao at presidente ng NUPL.

Matapos ang oral arguments, nasa kamay ng Korte Suprema ang pagdedesisyon kung ibabasura ang ilang bahagi ng, o ang buong, ATA. At nasa mga mamamayan na para itulak ang Korte na pumanig sa demokrasya at itakwil ang tiraniya sa batas na ito.

PW Staff