Rescue o dukot?
Pinakita ng Reyd sa Lumad Bakwit School sa Cebu noong nakaraang linggo kung gaano kagigil ang rehimen na patahimikin ang mga Lumad na nagtatanggol sa kanilang lupang ninuno.

Nang salakayin ng Philippine National Police Regional Office 7 ang pansamantalang eskuwelahan ng kabataang Lumad sa Talamban Campus ng University of San Carlos (USC) sa lungsod ng Cebu noong Pebrero 15 at dinampot ang 26 mag-aaral, mga guro at nakatatandang katutubo, marami ang nagsabing pagbabadya ito ng pag-igting pa lalo ng atake sa mga Lumad.
Lantarang paglabag sa kalayaan ng mga bata at sa kalayaang akademiko ng USC ang atakeng ito, ayon sa mga grupong pangkarapatang pantao. Pero tila balewala ito sa PNP, na nagsabing “rescue operation” daw sa mga menor de edad mula sa rekrutment at indoktrinasyon ng New People’s Army ang naturang reyd.
Nitong Pebrero 21, puwersaha pang dinala na ng mga awtoridad ang 13 kabataang Lumad patungong Davao – kahit walang court order at pahintulot ang mga magulang ng pito sa naturang mga bata. Samantala, kinulong at kinasuhan ang iba pang hinuli sa reyd – ilang mag-aaral, guro at elders na kasama ng mga bata sa Lumad Bakwit School.
Nauna na sanng nagpaabot ang magulang ng pitong bata sa Children’s Legal Bureau na hadlangan ang anumang pagtatangka ng awtoridad na ibyahe sila. Papunta na rin sila sa Cebu para sunduin ang mga anak.

Reyd, pinasisinungalingan
Pagmamalaki ni Police Brig. Gen. Brandi Usana, tagapagsalita ng PNP, ang “malaking dagok (ang reyd) sa mapanlansi at mapanlinlang na gawain ng mga komunistang teroristang grupo na nagrerekrut ng mga menor de edad bilang mga armadong mandirigma matapos silang ipuslit mula Davao del Norte papuntang Cebu.”
Giniit naman ni PNP Chief Debold Sinas na “sinabi ng ilan sa mga bata na dumaan sila sa mga porma ng pagsasanay sa pakikidigma habang nasa kustodiya ng kanilang mga handler.”
Pero tila hindi nabigyan ng iskrip ang Department of Social Welfare Services (DSWS) ng Cebu City. Lumabas daw sa kanilang pangunang panayam sa mga kabataang Lumad na pagbabasa at pagsusulat lang ang itinuro sa kanila. Giit pa ni Annie Suico, social welfare officer ng DSWS Cebu City, nakapanayam nila lahat ng mga bata at walang ni isang bata ang nagsabi na nagkakaroon ng pagsasanay para sa giyera.
Pinabulaanan ito ni Suico. Ayon sa kanya, nasa isang safe house ng PNP ang mga estudyante at ilan sa mga magulang. Tinawagan lang raw umano ng PNP ang Cebu City DSWS para sa tulong ng mga social workers.
Hindi nalalayo ang resulta ng paunang panayam ng DSWS sa resulta ng unang bahagi ng imbestigasyon ng Commission on Human Rights (CHR). Walang ebidensiya ng “indoctrination ng komunismo” o sapilitang pagtuturo sa mga estudyante, giit ni Leo Villarino, CHR chief investigator ng Central Visayas, sa panayam nito sa Philippine Daily Inquirer.
Makikita rin sa mga bidyo ng reyd na hindi gusto ng mga batang Lumad ang sinasabing “rescue”. Sa live video ng SOS, mairinig ang mga batang mag-aaral na umiiyak sa takot dahil sa paglusob ng mga armadong kalalakihan sa kanilang paaralan.
“Nakakabahala na malayo sa tinatawag nilang rescue operations ang malinaw na ipinapakita ng mga litrato at video sa pangyayari kung saan hindi makatao at pwersahang kinukuha ang mga estudyante, teachers at elders,” pahayag ng Kabataan Party-list.
Sa isang video call ng Save our Schools (SOS) Network, ikinuwento ng isa sa mga estudyante na binabaligtad daw ng pulis ang pangyayari. Ayon pa sa kanya, dinuro-duro siya ng lalaking pulis at sinabihang tatandaan nito ang mukha ng estudyante.

Bakit may Bakwit School
Itinayo ang paaralang bakwit sa USC noon pang 2019 para sa mga kabataang Lumad na lumikas dahil sa matinding militarisasyon sa kanilang komunidad.
“Ngayon, nakararanas na naman sila ng banta sa seguridad at atake sa mismong lugar kung saan sila naghanap ng ibayong sanktuwaryo, at nagsisikap makapagpatuloy ng pag-aaral,” dagdag ng progresibong party-list.
Sabi ng SOS Network sapilitang sinundo ng Armed Forces of the Philippines at grupong paramilitar na Alamara ang mga magulang ng mga mag-aaral mula sa kanilang komunidad sa Davao del Norte para bigyan-katwiran ang atake sa paaralan.
Umalma rin ang grupong relihiyoso at eskuwelahan na kumalinga sa Bakwit School. Sa pahayag, sinabi ng Society of the Divine Word Philippines Southern Province at USC na, kasama ang SOS Network, naging lokasyon ang USC para sa isang bakwit school program para sa higit 40 estudyante at limang guro.
Matatandaang noong 2019 pinasara ng Department of Education ang 55 eskuwelahang Lumad. Aabot sa aabot sa 1,000 estudyante ang naapektuhan ng malawakang pagpapasara na ito.
Naantala itong Bakwit School Program dahil sa quarantine restriction na naglalayong pigilan ang paglala ng pandemya. Pinaabot naman ng Archdiocese ng Cebu na susunduin lang ng ilang magulang ang kanilang mga anak. Laking gulat na lang ng unibersidad at kapulungan nang may presensiya na ng pulis.
Binanggit ng Child Rights Network (CRN) na kahit sa Republic Act No. 11188 o Special Protection of Children in Situations of Armed Conflict na sa bawat pagkakataon, kailangang sensitibo at child-friendly ang pakikitungo sa mga bata. Nakasaad rin sa batas na ito na dapat may nakikipag-ugnayan ang pulisya sa local government, barangay, at iba pang awtoridad. Halimbawa na lang nito sana ang Archdiocese ng Cebu, na nag-organisa sa tinutuluyan ng mga estudenyanteng Lumad.
“Sa nagdaang mga taon, naging sanktwaryo ng kabataang Lumad ang mga unibersidad at simbahan, kung saan nilayong maituloy ang kanilang pag-aaral,” giit ng CRN. Ayon sa kanila, hindi naman sana kailangan ang ganitong pagkanlong kung hindi dahil sa karahasang maiuugat sa pang-aagaw ng lupang ninuno.
Naghain naman ang blokeng Makabayan, sa pamumuno ni Deputy Minority Leader at Bayan Muna Rep. Carlos Zarate, ng isang resolusyon para imbestigatahan itong binansagan nilang pagdakip at “act of terror” laban sa mga Lumad. Ilan sa mga kongresistang pumirma sa resolusyon sina Surigao del Norte Rep. Ace Barbers, Marikina Rep. Stella Quimbo, Quezon City 6th district Rep. Kit Belmonte, at Deputy Speaker Benny Abante.
Mauulit pa
Noong 2015, tinangka ding i-“rescue” ni dating North Cotabato Rep. Nancy Catamco, kasama ang AFP, DSWD, at Alamara, ang mga bakwit na Lumad na lumikas sa compound ng UCCP Haran sa lungsod ng Davao. Taong 2018, kinasuhan ng kidnapping sina ACT Teachers Rep. France Castro, dating Bayan Muna Rep. Satur Ocampo, at 16 pang iba dahil sa pagtulong ng mga ito sa mga mag-aaral na Lumad na biktima ng food blockade ng PNP.
Pangamba tuloy ng Sandugo, alyansa ng mga grupo ng pambansang minorya, mauulit pa ang ganitong mga pag-atake sa katutubo sa tabing ng “rescue operations” sa ilalim ng administrasyong Duterte.
“Ilang taon nang paboritong modus operandi ng gobyerno ang ganitong pagmamanipula. Binabaliktad nila kwento laban sa mga tagapagtanggol ng karapatang pantao, pinagmumuka silang mga mga kontra-bida na kailangang iligtas umano ang mga katutubo mula sa kanila,” ayon sa Sandugo, alyansa ng mga grupo ng pambansang minorya.
Ibinigay na halimbawa ng organisasyon ng katutubo ang kamakailan lang na pagligtas umano ng National Task Force to End Local Communist Armed Conflict (NTF-Elcac) at Public Attorney’s Office sa dalawang Aeta mula sa National Union of People’s Lawyers na kanilang abogado.
“Mauulit lang ang ganitong mga naratibo hangga’t tinatanggihan ng gobyerno na tugunan ang ugat ng paglaban ng mga katutubo: ang talamak na kawalang respeto sa karapatang pantao, ang kanilang kasakiman sa aming lupang katutubo, an gang kanilang pagtangging kilalain ang karapatan naming sa sariling pagpapasya,” sabi pa nito.
Giit pa ng Sandugo, ang ganitong garapal na mga hakbang ay mas pinapabangis ng Anti-Terrorism Act of 2020, na nagbibigay sa mga puwersa ng estado ng higit pang kapangyarihan, kalayaan at kawalang pananagutan.