FEATURED

Labag sa Saligang Batas

Walang dudang labag sa pundamental na batas ng bansa ang Anti-Terror Act. Nakikita ito hindi lang sa oral arguments sa Korte Suprema, kundi sa mismong aktuwal na mga kaso.

Nagpatuloy kamakailan ang pagtalakay sa Korte Suprema ng mga argumento (oral arguments) kaugnay ng pagkuwestiyon ng iba’t ibang grupo sa legalidad ng Republic Act No. 11479 o Anti-Terrorism Act (ATA) of 2020. Noong nakaraang pagdinig, pinalutang ni Justice Marvic Leonen ang isang pagtinging kailangang ipatupad muna ang naturang batas para makita sa aktuwal kung paano ito lumalabag sa Saligang Batas.

Pero depensa ng mga abogadong kumakatawan sa mga petisyuner kontra ATA, hindi na kailangang hintayin pa na malabag ng mga awtoridad ang batayang mga karapatan ng mga mamamayan gamit ang ATA para masabing labag sa Saligang Batas ito.

Pero bago pa man pinatupad ang naturang batas, nakita na sa marahas na programang kontra-insurhensiya, at sa mga kampanyang pagsupil ng rehimeng Duterte sa kritikal na mga boses kung paano palalalain ng ATA ang dati nang laganap na mga abuso.

Baybayin natin ang ilang aktuwal na mga kaso na nagpapakita kung papaano lalong malalabag ang karapatan ng mga mamamayan kapag ginamit na ng rehimeng Duterte ang ATA laban sa huli.

‘Huli Week’

Katulad ng maraming lider sa pambansang mga tanggapan ng Kilusang Magbubukid ng Pilipinas (KMP) at Kilusang Mayo Uno (KMU), matagal nang pinararatangan ng militar at pulisya sina Joseph Canlas at Pol Viuya na mga tagasuporta umano ng mga “terorista-komunista”.

Pana-panahong makikitang pinapaskil sa pampublikong mga lugar ng mga ahente ng Estado ang larawan at pangalan nina Canlas, vice-chair ng KMP at tagapangulo ng Alyansa ng mga Magbubukid sa Gitnang Luzon (AMGL), at Viuya, lider ng Workers’ Alliance of Region 3 (WAR-3) at bahagi ng Bagong Alyansang Makabayan (Bayan)-Central Luzon at KMU.

Laman din ng social media accounts ng pamprobinsiyang mga yunit ng Philippine National Police (PNP) at Armed Forces of the Philippines (AFP), gayundin ng National Task Force to End Local Communist Armed Conflict (NTF-Elcac) ang pangalan at larawan nina Canlas at Viuya bilang rekruter daw ng rebeldeng New People’s Army (NPA). Madalas, diretsahan pang sinasabi silang mga NPA at “terorista-komunista”.

Nitong nakaraang Holy Week, umigting lalo ang pamamaratang sa kanila. Madaling araw ng Holy Tuesday, Marso 30, pinasok ng mga elemento ng PNP-Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) ang opisina ng AMGL sa Sapang Maisac sa Mexico, Pampanga. Sa bisa ng isang search warrant na inilabas ni Judge Jeovannie Ordoo ng Regional Trial Court Branch 109 sa Capas, Tarlac, para sa paghahanap diumano ng mga baril at eksplosibo, hinalughog ng mga pulis ang opisina ng mga magsasaka. Hindi nila Nakita si Canlas pero nakuha raw ang mga baril at eksplosibo.

Alas-8:30 ng umaga, sa malapit na komunidad sa Mexico, natagpuan ng mga pulis si Canlas, kinasuhan ng illegal possession of firearms and explosives, at ikinulong.

(BASAHIN: ‘Rehimeng Duterte, dapat managot sa pagkamatay ni Joseph Canlas’)

Samantala, sa halos kasabay na oras, hinuli rin si Viuya sa Tarlac City. Si Viuya ang ikatlong national council member ng KMU na tinarget ng diumano ng rehimeng Duterte sa pag-aresto o pagpatay. Noong 2019, inaresto ang lider ng KMU-Negros na si Noly Rosales. Noong Marso, pinaslang naman si Dandy Miguel, presidente ng unyon sa Fuji Electric Philippines at pangalawang tagapangulo ng Pamantik-KMU, sa Calamba City. Samantala, noong Pebrero naman nangyari ang tinaguriang “Bloody Week” na sunud-sunod na pamamaslang at paghuli sa mga lider-progresibo sa Southern Tagalog.

Lahat sila, pinaratangan at binansagang mga tagasuporta, o kundi ma’y tuwirang “komunista-terorista” ng mga ahenteng panseguridad ng rehimeng Duterte. Walang pag-uusisa, walang pinakitang imbestigasyon sa mga paratang na ito. Walang due process, o hindi dinaan sa legal na proseso ang mga paratang. Ang mga kinaso sa mga hinuli, illegal possession of firearms and explosives na konsistent na sinasabi ng mga akusado na tinanim ng mga pulis.

Sa ilalim ng ATA, maaari nang legal silang bansagang “terorista” o “tagasuporta ng mga terorista” kahit walang due process, basta tinakda ng Anti-Terrorism Council – karamihan sa mga miyembro’y bahagi rin ng militar, pulisya o ng NTF-Elcac.

Mga Lumad bakwit ng UCCP Haran sa Davao City: Nangangamba pa rin. File Photo: Karl Castro
Mga Lumad bakwit ng UCCP Haran sa Davao City. File Photo/Karl Castro

Walang ‘due process’

“Likas sa simbahan ang tumulong sa nangangailangan,” sabi ni Bishop Hamuel Tequis, noong Perbrero 2020. “Bahagi ng aming apostolic mission ang magmalasakit sa mahihirap at inaapi.”

Bahagi si Bishop Tequis ng United Church of Christ in the Philippines (UCCP) Home and Altar for Renewal, Action, and Nurture (Haran) sa Davao City. Ilang dekada na nagsilbing sanktuwaryo ng mga Lumad ang UCCP Haran. Dito, ligtas sila mula sa operasyong militar at pang-aatake ng paramilitar na dekada na ring banta sa kanilang buhay at lupang ninuno.

Idineklara ng UCCP General Assembly noong 1990 na “sanctuary of peace” ang UCCP Haran. Noong 2015 hanggang 2017, higit 100 Lumad evacuee o bakwit ang namalagi sa Haran para sa kaligtasan ng kanilang buhay. Nang ipasara naman ang mga eskuwelahang Salugpongan sa Talaingod, Davao del Norte noong 2018, sa Haran mapayapang nakapagsimula ng klase ang apektadong mga estudyante.

Pero ilang taon na ring sinusubukan basagin ng puwersang paramilitar at gobyerno ang kapayapaan nito.

Kasama ang iba pang namamahala sa UCCP Haran, sinampahan si Bishop Tequis ng dalawang bilang ng paglabag sa Republic Act 7610 o Anti-Child Abuse Law nitong Abril lang. Nitong Marso naman, ipinag-utos ng Anti-Money Laundering Council (AMLC) ang pag-freeze ng tatlong bank account ng Haran gamit ang Terrorism Financing Prevention and Suppression Act. Ayon sa AMLC, ginagamit para sa terorismo ang pondo ng Haran. At nitong Enero, nagpadala ang Regional Peace and Order Council 11 ng isang resolusyon para ipasara ang santuwaryo.

Kailangang kondenahin at patuloy na ilantad ang maruming taktika na ito ng administrasyong Duterte at ng NTF-Elcac, panawagan ng Kilusan ng mga Moro at Katutubong Mamamayan para sa Sariling Pagpapasya o Sandugo. Ayon sa kanila, lahat ng ito’y nagpapakita ng pandarahas ng gobyerno sa pambansang minorya at sa maraming institusyong panrelihiyon na nakikiisa sa kanila.

Nitong nakaraang taon, nagbigay rin ng freeze order ang AMLC sa assets ng Rural Missionaries of the Philippines (RMP) dahil ginagamit raw ng RMP ang pondo para suportahan ang New People’s Army (NPA), na tinanggihan naman ng RMP. Nagmula ang alegasyon sa testimonya ng dalawang “surrenderee” ng NPA.

“Pinapakita nito ang paggamit sa kontra-terorismo bilang dahilan para sa sistematikong pag-atake sa mga religious institution at humanitarian organization,” sabi ni Cristina Palabay, pangkalahatang kalihim ng Karapatan.

“Ito ‘yung inaasahan natin na magpapatuloy hangga’t hindi pa krimen ang red-tagging at hanggang hindi pa nababasura yung (Anti-)Terror Law,” sabi ni Tristan Buenaflor, deputy national spokesperson ng Student Christian Movement of the Philippines.

Dumalo si Buenaflor sa kilos-protesta noong Mayo 1 kasama ang iba pang kasamang kabataan dahil naniniwala siya na lahat ng dasal ay nakaugnay sa materyal na kondisyon ng mga mamamayan. Kung paanong ang dasal ng isang jeepney driver ay magandang pasada para sa pamilya o sapat na ayuda, at ang manggagawa ay para sa makabubuhay na suweldo.

Ayon sa kanya, may takot man sa tuluy-tuloy na pandarahas ng Estado, mas nananaig naman ang kumpyansiya niya sa suri ng kasaysayan.

“Kapag inaatake ang simbahan, gumagawa lang ng mas malawak na kalaban ang estado,” sabi niya.

Kabaligtaran umano ng unyonismo ang terorismo, ayon sa mga aktibista. PW File Photo

Pagkuwestiyon sa Korte Suprema

Sa pagpapatuloy ng oral arguments ng Kore Suprema noong Mayo 4, sinabi ni Assistant Solicitor General Marissa dela Cruz-Galandines na hindi naman daw “red-tagging” ang ginagawa ng mga awtoridad. Ayaw din daw nilang gamitin ang terminong ito dahil “gawa-gawa ito ng mga maka-Kaliwa” (kahit pa, inilinaw ni mismong Justice Leonen ang legal na depinisyon ng “red-tagging” o “red-baiting” sa kasong Zarate v. Aquino III).

“Truth-tagging” daw ang ginagawa ng mga pulis, militar at NTF-Elcac – ang pagsabing mga “komunista-terorista” ang progresibong mga lider, organisasyon at kritiko ng gobyerno kahit wala sa legal na prosesong dinadaanan o walang due process.

Maging si Neri Colmenares, abogado ng National Union of People’s Lawyers at isa sa kumakatawan sa mga petisyuner sa naturang oral arguments, ay harapang binansagang “komunista-terorista” ni mismong Solicitor-General Jose Calida sa naunang pagdinig noong nakaraang linggo.

Binanggit pa ni Justice Ricardo Rosario ng Korte Suprema noong Mayo 4 na pati ang tagapangulo ng Maginhawa Community Pantry na si Ana Patricia Non ay pinaratangan ng NTF-Elcac na NPA at sa gayo’y “komunista-terorista” rin. Lahat nang ito, paratang lang. Walang ebidensiya, walang patas na prosesong pinagdadaanan. Kinumpirma ni Galandines sa naturang pagdinig na totoong tanging Anti-Terrorism Council lang ang magsabing “komunista-terorista” na ang mga aktibista o sinumang Pilipino, puwede na itong kasuhan sa ilalim ng ATA.

Paano maseseguro ng gobyerno na hindi maaabuso ang ATA at mababansagan ang inosenteng mga tao na “terorista” at di makatarungang mausig, tulad ng nangyayari na ngayon kina Canlas, Viuya, sa UCCP Haran, at sa maraming iba pa? Hindi direktang masagot ni Galandines.

Sa interpelasyon niya sa mga kinatawan ng rehimeng Duterte sa oral arguments, sinabi rin ni Justice Edgardo Delos Santos na awtomatikong “kriminal” ang pagparatang ng gobyerno sa isang tao na “terorista”. “Hindi ba kailangang masunod ang mga rekisito sa due process tulad ng pag-aabiso (notice) at oportunidad na madinig (ang panig ng inaakusahan)?” pagtatanong ng naturang hukom.

Sa bawat araw ng pag-atake ng rehimeng Duterte sa progresibong mga kritiko nito, lalong napapamalas ang panganib sa demokrasya at Karapatan ng mga mamamayan ng ATA. Kahit sa oral arguments ng Korte Suprema, masasabing lumilinaw ang naturang mga panganib.

Nasa Korte Suprema na para patotohanan ito. Nasa mga mamamayan na, para igiit ang pagbabasura nito at ipaglaban ang kanilang mga karapatan sa harap ng mapaniil na gobyerno.