FEATURED

Ang naglalahong buhay sa Manila Bay 


Nararamdaman na ng mga mangingisda ang masamang epekto ng land reclamation sa Manila Bay. Nagkakaisa ang mga eksperto sa malagim na epekto nito sa kalikasan.

Apat na araw nang naghintay si Roger Requinto, 44, na bumalik ang mga alimasag sa dagat. Madalas, nakaupo lang siya sa kanyang kubo sa gitna ng dagat, nakatanaw sa tubig. Pana-panahon, binabalikan niya ang lambat na nakalubog sa tubig, nagbabaka-sakaling may mahuhuli pa.

Isa si Roger sa mga natitirang mangingisda sa dalampasigan ng Brgy. Taliptip, Bulakan, Bulacan. Umaasa sana siyang may mahuhuling alimasag para maibenta, kundi naman mapakain man lang sa pamilya. Pero isa o dalawa lang ang nahuli niya sa apat na araw.

“Dati, puno ng alimasag, alimango, at isda ang bangka pagkatapos ng araw,” sabi ni Roger. “Kumikita ako ng isanlibong piso, minsan mahigit pa, sa pagbenta nito. Sapat na sapat na ito para ikabuhay ng pamilya ko. Ngayon, halos wala na akong mahuli.”

Dredging sa Taliptip para sa New Manila International Airport. KR Guda

Isang bahagi lang ang Taliptip ng Manila Bay, ang halos-200,000 ektaryang look sa Timog-Kanlurang bahagi ng Luzon. Binabagtas ng Manila Bay ang baybayin ng Cavite, Paranaque, Pasay, Manila, Malabon, Navotas, Bulacan, Pampanga at Bataan. Tagpuan ito ng maraming makasaysayang pangyayari, at hinahangaan ng mga turista at bisita sa napakagandang takipsilim.

Pangingisda ang 67 porsiyento ng kabuuang halaga ng Manila Bay, ayon sa Oceana Philippines, isang nongovernment organization na nagtataguyod ng pangangalaga sa mga karagatan at iba pang tubig-dagat sa bansa.

Ngayon, target din ng 23 proyektong land reclamation ang Manila Bay.

‘Mapula’

Nitong huling dalawang taon, unti-unting napansin ni Roger at mga kasamahan niyang mangingisda ang pagbabago sa tubig-dagat ng Taliptip. “Unti-unti itong pumupula,” sabi niya. “Dati, kita namin ang ilalim ng dagat. Ngayon mapula na.”

Walang isang kilometro mula sa kanyang kubo, sumusuntok ang isang malaking makina ng konstruksiyon sa bagong tambak na lupa. Sa huling dalawang taon ding ito, abala ang San Miguel Corporation (SMC) sa pagtambak ng lupa sa bahaging ito ng Manila Bay sa Taliptip para magtayo ng sinasabing “pinakamalawak na pandaigdigang paliparan sa Pilipinas”.

“Bago ang konstruksiyon na iyan, may polusyon na dito sa Manila Bay. Siguro dahil sa mga pabrika (na nagtatapon ng dumi sa look),” ani Primitivo Cansiran, 52, kapwa-mangingisda ni Roger na sinamahan siya sa dagat noong araw na iyon. “Ngayon, talagang mas malala na.”

Sinabi ng SMC na mag-eempleyo ito ng libu-libong tao, karamiha’y mula sa nadislokang mga pamilya sa Taliptip. Pero nananatiling walang trabaho sina Roger, Primitivo at maraming iba pa. Binayaran ng kompanya ang karamihan sa naapektuhang mga pamilya sa Taliptip at kalapit-barangay na Bambang, para lisanin at sirain ang kanilang mga fish pond at kubo. Pero mabilis ding naubos ang perang ibinayad.

May ilang pamilya, tulad ng kina Roger at Primitivo, ang nanindigan. Noong nagsimula ang konstruksiyon, dinig sa mga kubo nila ang walang-tigil na pagsuntok ng makina sa lupa. “Parang minumulto ako ng tunog na iyun. Kahit tulog ako, naririnig ko,” ani Roger.

“Anim na pamilya lang, kasama ang sa amin, ang di tumanggap ng pera para umalis. Hiningi talaga namin sa SMC ang bahay at lupa, at kabuhayan. Nagbigay naman sila ng bahay, at pansamantala, kabuhayan,” sabi ng kapwa mangingisdang si Teody Bacon, 48. “Pero di tumagal yung mushroom farming. Wala kaming kapital para ipagpatuloy yun.”

Kaya nagtangka na lang muli silang mangisda. Noong magsimula ang konstruksiyon at nagsimulang magputol ng bakawan ang SMC, unti-unting kumaunti ang huli ng alimasag.

Konstruksiyon sa baybayin ng Navotas. KR Guda

Papaunting huli

Hindi nag-iisa sina Roger, Primitivo, Teody at ang mga mangingisda ng Taliptip at Bambang sa pagpula ng tubig sa hilagang Manila Bay.

Napansin din ito ng mga mangingisda ng Malolos, ayon sa fisheries and marine scientist na si Jerwin Gallego Baure. Noong nagsimula ang dredging ng SMC sa Taliptip, “nagkulay-kape” ang tubig, aniya.

Gayundin ang naranasan ng mga mangingisda sa Navotas City, na humigit-kumulang 10 kilometro ang layo sa Taliptip. Isinalarawan din nila ang tubig na “mapula”. Malaki din ang iniliit ng huli nila sa dagat ng Navotas. Libu-libong pamilya ang naninirahan malapit sa mga tahungan sa aplaya ng Navotas. 

“Unti-unti naming nakita ang epekto (ng dredging). Namula iyung tubig. Masyadong mapula,” sabi ng mangingisdang si Isagani Perez Catiis, 60, mula sa Brgy. Sipac-Almacen sa Navotas.

Mula sa maraming kubo sa baybayin ng Navotas, parating nakatanaw sa dagat si Isagani. Tila ginugunita niya ang panahong malaya pa silang nakakapangisda o nakakapagmantini ng tahungan doon. “Bawal na kaming mangisda sa maraming lugar diyan. Kapag may nakakalapit sa lugar nila, nilalapitan kami at pinaaalis,” sabi pa niya.

“Dati, bawat fishpond kumikita ng P30,000 hanggang P50,000 araw-araw sa tahungan. Pinaghahatian ito ng anim na tauhan,” sabi pa ni Isagani.

Si Mang Isagani (kanan) ng Brgy. Sipac-Almacen, Navotas. KR Guda

Sa tubig-dagat ng Navotas, di-bababa sa dalawa ang proyektong reklamasyon. Isa ang 343-ektaryang proyekto na tinawag na Tanza Airport Support Services, na itatayo sa may Tanza, Navotas. Proyekto rin ito ng SMC, at magsisilbing support facility ng paliparan sa Bulacan.

Isa pang proyektong reklamasyon, sa tapat ng mismong dagat kung saan nangingisda sina Isagani, ang expressway na magdudugtong sa airport at Metro Manila. Tinawag ng lokal na pamahalaan ng Navotas ang proyekto bilang “Navotas Coastal Development”. Ayon sa lokal na pamahalaan ng Navotas, may itatayo raw na pabahay sa proyektong ito, na popondohan din ng SMC.

Samantala, masasaksihan sa dalampasigan ng Brgy. Sipac-Almacen ang mga bahagi ng nasirang mga istruktura ng dating mga tahungan. “Sinisira ng San Miguel (ang mga tahungan), puputulin ang kawayan at mga anahaw. Yung mga nasira, maniiwan sa dagat,” sabi pa ni Isagani.

Masamang epekto

Nagkakaisa ang halos lahat ng siyentista at eksperto sa pagsabing may matinding masamang epekto ang land reclamation sa Manila Bay sa kalikasan ng Metro Manila at karatig na mga bayan at lungsod.

Kabilang na sa mga ekspertong ito ang tanyag na geologist na si Kelvin Rodolfo, propesor emeritus sa Earth and Environmental Sciences sa University of Illinois. Matagal nang itinatambol ni Rodolfo ang babala hinggil sa mga planong reklamasyon. Ang  kanyang akademikong sulatin noong 2014, pinamagatang “On the geological hazards that threaten existing and proposed reclamations of Manila Bay”, ang pag-aaral na palaging sinisipi sa mga talakayan hinggil sa geological hazards ng mga reklamasyon sa Manila Bay.

“May tatlong heolohikal na dahilan kung bakit napakasamang ideya ang reklamasyon na malapit sa baybayin dahil sa malupit na banta nito sa maraming tao: land subsidence (paghupa ng lupa), storm surges (biglang pag-angat ng tubig-dagat), at earthquake-induced ground-shaking (pagyugyog ng lupa sa panahon ng lindol) at liquefaction (pagguho ng lupa),” sabi ni Rodolfo sa kanyang pag-aaral.

Samantala, sinabi naman ng mga eksperto sa dagat na isa sa di-na-mapipigilang masamang epekto ng mga proyekto ang pagkasira ng buhay-dagat sa Manila Bay.

“Ang meron tayo sa Bulacan at Navotas ay estuarine environments (halos-saradong katawan ng tubig) na may mga bakawan at putikan. Nakumbert ito bilang mga fish pond pero maituturing pa ring bahagi ng estuarine ecosystem,” paliwanag ni Baure, na miyembro ng grupo ng mga makabayang siyentista na Agham.

Pinoprotektahan ng mga bakawan ang mga isda at iba pang buhay-marino, sabi pa niya. Nang simulan ng SMC ang pagputol sa mga bakawan, unti-unting nilisan ng mga isda ang lugar.

“Sa reklamasyon, mawawala ang mga bakawan, at pati na ang mababaw na marine environment kung saan namumuhay ang mga isda at iba pang buhay-dagat. Mawawala ang sebisyong binibigay sa atin ng marine ecosystems na ito,” sabi ng geologist na si Narod Eco, na miyembro rin ng Agham.

Ilan sa natitirang mga bakawan sa Taliptip. KR Guda

Sinabi pa ni Eco na may mahalagang tungkulin ang mga bakawan sa paglaban sa climate change o pagbabago sa klima. Maituturing na “carbon sink” ang mga bakawan. Ibig sabihin, mas nakakasipsip ang mga ito ng karbon kaysa naglalabas sa atmospera.

Nakakatiyak sina Rodolfo at iba pang eksperto na lalala ang pagtaas ng tubig (“rising sea levels”) sa Bulacan at Metro Manila (lalo na sa Navotas).

“Limang beses na mas mataas sa global average ang pagtaas ng tubig sa lugar (ng Manila Bay),” sabi pa ng environmental lawyer na si Gloria Estenzo Ramos, bise-presidente ng Oceana Philippines. “Alam ng mga mangingisda ito. Matagal na nilang sinasabi ito. Hindi sila mga siyentista, pero alam nila ang dagat, at sila ang mga eksperto rito.”

Pinatotohanan ang mga ito ng pag-aaral mismo na kinomisyon ng National Economic and Development Authority (NEDA) na pinamagatang Manila Bay Sustainable Development Master Plan (MBSDMP).

Noong Disyembre 2020, naglabas ang MBSDMP ng NEDA ng Policy Notes (Annex 14) hinggil sa New Manila International Airport (NMIA, iyung paliparan na ginagawa sa Bulacan). Sinabi nitong “Bambang at Taliptip ang ilan sa mga barangay sa baybayin ng hilagang Manila Bay na nakakaranas ng malupit na pagbaha dahil sa pagtaas ng dagat at paghupa ng lupa.”

Sinabi rin ng pag-aaral ng NEDA na lalong palalalain ng konstruksiyon ng paliparan at economic zone sa Manila Bay ang nanganganib na ngang ecosystem sa lugar na ito. 

Alam ng SMC

Lokasyon ng mga bakawan bago ang konstruksiyon, ayon mismo sa SMC. Mapa mula sa Environmental and Social Impact Assessment report (Volume II – Scoping and Methodology) submitted by Mott Macdonald – Singapore to SMC. Accessed from SMC website on 4 November 2022: https://www.sanmiguel.com.ph/storage/files/reports/409686-02-V2-E_ESIA_for_NMIA_Volume_II_-_Revised_Draft_-_20211130.pdf

Naranasan mismo nina Roger, Primitivo, Teody, Isagani at iba pang mangingisda ang masamang epekto ng mga proyektong reklamasyon. Pero mismong ang SMC, alam ang masamang mga epektong ito.

Noong Abril 2022, naglabas ang SMC ng isang Environmental and Social Impact Assessment (ESIA) Report hinggil sa proyekto. Inihanda ito ni Mott Macdonald, isang engineering consultancy group. Dinetalye ng ulat ang iba-ibang “potensiyal na E & S (environmental at social) na epekto” ng proyekto.

Kabilang sa mga epekto ang sa “biodiversity, social and socio-economics, hydrology, water and sediment quality, geology, seismicity and natural hazards, air quality, greenhouse gases, noise and vibration, and others”.

Tinukoy din ng ulat na may posibleng masamang epekto ang mga aktibidad sa konstruksiyon tulad ng “major incidents causing spillages/leakage of dredged materials and hydrocarbon fuels”, “Deterioration of ambient air quality (due to fugitive dust emissions and notably PM10) resulting from earthworks / land formation activities and operation of construction equipment”, “GHG emissions (that) will principally occur through the use of materials, from the transport of those materials and waste to and from the site, and from the use of construction plant”, at iba pa.

Para labanan ang negatibong mga epekto na ito, nagmungkahi ang ulat na ito ng “migitation and monitoring measures” sa iba’t ibang bahagi ng proyekto. Pero ayon sa mga mangingisda ng Taliptup, sa abot ng kaalaman nila, wala pang naipapatupad na mga hakbang na ito sa kanilang komunidad.

“Iyung iba sa amin, sumubok na mag-aplay ng trabaho sa konstrukisyon (ng paliparan). Marami sa kanila, naghihintay pa rin ng resulta (ng aplikasyon nila). Sabi nila, marami raw kasing nag-aaplay,” sabi ni Teody. “Sabi ng kompanya may trabaho para sa mga drayber. Pero ano naman ang alam namin sa pagmamaneho? Ang alam namin, mangisda.”

Sinabi naman ni Roger na mas lalong wala silang makukuhang trabaho sa paliparan kapag nag-oopereyt na ito sa loob ng apat hanggang limang taon. Kung kaya magpapatuloy pa rin silang magtatangkang mangisda – hangga’t kaya nila, kahit pa matagal nang naglaho ang mga alimasag at isda.

NOTE: Noong Oktubre 17, 2022, kinontak ng reporter na ito ang San Miguel Corp. sa pamamagitan ng email para sa isang panayam para sa istoryang ito. Noong Oktubre 21, 2022, sumagot ang customer care team ng kompanya para sabihing natanggap nila ang email, pero hindi sumagot sa rekwes na panayam. Noong Nobyembre 4, 2022, muling kumontak ang reporter na ito sa SMC. Sumagot ang SMC na (the) request is still being evaluated by SMC Infrastructure”. Hindi sinagot ng SMC ang rekwes na panayam hanggang sinusulat ang artikulong ito. Ang istoryang ito ay sinuportahan ng grant mula sa Earth Journalism Network. Inilathala ang Ingles na bersiyon ng artikulong ito sa Philstar.com.