Editoryal FEATURED

Biyahe ni Junior sa Cambodia at Thailand, negosyo at pulitika


Negosyo at pulitika ang pangunahing sadya ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. sa Cambodia at Thailand. Hindi alintana ang kapakanan ng mga manggagawa at iba pang maralita.

Ferdinand Marcos Jr and his wife waving before disembarking on a plane

Negosyo at pulitika ang pangunahing sadya ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. sa Cambodia at Thailand. Hindi alintana ang kapakanan ng mga manggagawa at iba pang maralita.

Habang nagpupulong ang mga pinuno ng Association of Southeast Asia Nations (ASEAN) sa Cambodia, nakawelga ang mga manggagawa ng Nagaworld — isang dambuhalang casino na ang may-ari ay mula sa Malaysia. Mahigit isang libong manggagawa at unyonista ang tinanggal noong Abril 2021 at marami ang inaresto. Tuluy-tuloy ang kanilang protesta.

Gustong sakyan ni Junior ang ASEAN para sa pagtutulak ng adyenda ng US laban sa Tsina. Partikular, ang isyu ng panghihimasok nito sa South China Sea.

May 20 taon nang nakikipagtawaran ang ASEAN sa Tsina para sa Code of Conduct.  Malaki ang impluwensya ng Tsina sa Laos, Myanmar at Cambodia. Hindi rin ito mapalayas ng gobyerno ng Pilipinas.

Iginigiit ng sambayanang Pilipino na palayasin ang Tsina sa West Philippine Sea at sundin ang United Nations Convention on the Law of the Sea (UNCLOS), bagay na hindi kinikilala ng Tsina.

Naghahabol din ang ASEAN ng posisyon laban sa junta sa Myanmar.  Pinatay nito ang apat na aktibista bago ang pulong ng ASEAN. Mariin ang pagkondena ng Indonesia, Malaysia, at Brunei. Kulelat ang Pilipinas. Kahit sa sariling bansa, tuluy-tuloy ang pagpatay sa mga aktibista at maging mga sibilyan.

Matapos ang pulong sa ASEAN, tutuloy si Junior sa Bangkok, Thailand para sa Asia-Pacific Economic Cooperation (APEC). Hindi dadalo si US President Joe Biden at, sa halip, kakatawanin ni Vice-President Kamala Harris na didiretso sa Maynila matapos ang Nobyembre 18-19 na pulong.

Mas interesado ang US na harapin ang Russia sa pulong ng pinakamayayamang bansa, na kilala bilang G-20, sa Bali, Indonesia bago ang APEC. Wala roon ang Pilipinas.

Hanggang sa pag-anyaya lang ng mamumuhunan ang kaya ni Junior.  Murang pasahod sa manggagawa ang pambenta sa dayuhan. Ito na ang pinaka-walang-kakuwenta-kuwentang pamumulitika sa mundo, liban pa ang maglunsad ng gera laban sa sariling mamamayan.

Kahiya-hiya na ito sa internasyunal na pamayanan.