Dekanong Makabayan

Laban ng climate change sa Ehipto


Inaasahan naming makikinig ang mga gobyerno sa boses ng mga mamamayan dahil malaki ang nakasalalay dito. Nakikita na magsisimula ang pagpupulong sa ‘agenda fight’ para sa pinakamahalang isyu sa negotiations: ang paglikha ng loss and damage finance facility.

COP27

Nasa eroplano ako patungong Ehipto habang isinusulat ito. Papunta ako sa Sharm-Al-Sheikh, isang tourist resort city sa dulo ng Sinai Desert at sa may baybayin ng Red Sea. Kasama ng libu-libong opisyal ng gobyerno, siyentista, aktibista, business lobbyist, at kabataan, dadalo ako sa ika-27 na Conference of the Parties (COP 27) ng United Nations Framework Convention on Climate Change (UNFCCC).

Dalampu’t dalawang COP na ang dinaluhan ko – Berlin (1995), Geneva (1996), Kyoto (1997), Buenos Aires (1998), Bonn (1999), The Hague (2000), Bonn (June 2001), Marrakech (December 2001), New Delhi (2002), Milan (2003), Copenhagen (2009), Cancun (2010), Durban (2011), Doha (2012), Warsaw (2013), Lima (2014), Paris (2015), Marrakech (2016), Bonn (2017), Watowice (2018), at Madrid (2019). Naging lead negotiator ako at tagapagpadaloy sa karamihan ng mga pagpupulong na ito. Ngunit sa Sharm, ako ay magiging climate justice advocate.

Bahagi ako ng delegasyon ng Manila Observatory (MO). Sa pamumuno ni Fr. Jett Villarin SJ, ang aming Executive Director, umaasa kaming maimpluwensyahan ang mga talakayan sa COP 27. Bagamat nasa COP ang iba sa Philippine Delegation para tulungan ang mga opisyal sa pamumuno ni Environment Secretary Tony Yulo-Loyzaga, nasa Sharm kami dahil bahagi ang MO ng Allied for Climate Transformation by 2025 (ACT2025), samahan ng mga mananaliksik na pinamumunuan ng World Resources Institute, na nagsusulong ng climate justice.

Ipinapatupad din ng MO kasama ng Ateneo Law Schools ang Climate Justice Capacity Initiative na sinusuportahan ng Client Earth at Foundation for International Law for the Environment (File). Nangunguna rin ang MO sa pagharap sa loss and damage sa Southeast Asia na sinusuportahan naman ng Stockholm Environment Institute, Samdhana Institute, at Heinrich-Böll-Stiftung. Magbabagi kami ng mga natutunan mula sa mga proyekto sa Sharm.

Inaasahan naming makikinig ang mga gobyerno sa boses ng mga mamamayan dahil malaki ang nakasalalay dito. Nakikita na magsisimula ang pagpupulong sa ‘agenda fight’ para sa pinakamahalang isyu sa negotiations: ang paglikha ng loss and damage finance facility.

Idinidiin ng Sixth Assessment Report ng Intergovernmental Panel on Climate Change (IPCC) ang kahalagahan ng loss and damage.

Una, hindi maitatanggi ang impluwensya ng tao sa pag-init ng dagat, lupa, at atmospera sa pamamagitan ng pagsusunog ng fossil fuels, deforestation, at mga unsustainable practices sa agriculture, production, at consumption.

Pangalawa, malalampasan ang 1.5°C at 2°C na global warming sa ika-21 na siglo kung hindi malawakang babawasan ang carbon dioxide (CO2) at ibang greenhouse emissions sa mga susunod na dekada. Kailangang makabawas ng 45% sa global emissions pagdating ng 2030 para makamit ang net zero emissions sa 2050.

Pangatlo, kung maalpasan ng global warming ang 1.5°C, maraming sistema ng kalikasan at tao ang haharap sa matinding panganib. Kung walang magbabago, lalagpas tayo sa 3°C.

Pang-apat, nagdulot na ng malalang epekto ang climate change sa kalikasan at tao. Lalala pa ito kapag lumagpas tayo sa 1.5°C at 2°C. Titindi ang mga bagyo habang dadalas at tatagal naman ang mga tagtuyot. Mararanasan ng bawat rehiyon ang panahon ng matinding init at matinding ulan.

Panglima, nagdulot na rin ang climate extremes ng mga epektong hindi na mababawi. Isa dito ang epekto sa pampublikong kalusugan gaya ng mas maraming pandemya at paglaganap ng mga sakit gaya ng dengue at malaria.

Panghuli, mas matindi ang pagdanas ng mga epektong ito ng marhinalisado. Pinakauna at pinakamatinding tatamaan ang mahihirap na bansa at mamamayan. Habang maaapektuhan din ang mayayamang bansa, mayroon silang kakayahang umangkop. Kaya naman climate justice ang isinusulong namin sa labang ito.

Isa sa magiging pinakaapektado ang Pilipinas. Hindi sa atin bago ang pagkawala ng buhay, ari-arian, imprastraktura, hanapbuhay, at non-economic assets dahil sa climate change.

Maaapektuhan ang agrikultura, mga palaisdaan at ang biodiversity sa kalakhan na magdudulot ng di-magandang epekto sa hanapbuhay at mga isyung panlipunan gaya ng nakita natin sa Bagyong Paeng na sinalanta ang mga bahagi ng Luzon hanggang Mindanao. Naranasan din natin ito sa Bagyong Agaton sa simula ng taon at sa Bagyong Odette na napinsala naman ang Siargao, Dinagat Islands at Bohol noong katapusan ng 2021. At noong taon bago pa iyon, malawak na bahagi ng Luzon ang sinira ng sunod-sunod na bagyo noong huling sangkapat.

Umaasa kaming hindi tayo bibiguin ng ating delegasyon sa pakikibaka para sa loss and damage sa Ehipto.